28.6 C
Manila
Martes, Hulyo 7, 2026

Regulasyon sa presyo ng langis

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG isang linggo may nakausap akong isang estudyante at tinanong niya kung pabor ba akong ibasura ang batas sa deregulasyon ng presyo ng langis. Tinanong niya ito dahil sa napakabilis na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina bunga ng krisis sa Gitnang Silangan maraming mamamayan ang nagdurusa sa hirap ng buhay. Upang mapagaan ang bigat na pinapasan ng mga mamamayan marami ang nananawagang ibalik ang pagtatakda ng presyo ng langis sa pamahalaan tulad ng ginawa sa mga nakaraang dekada. Mahigit dalawangdekadang ipinatupad ng pamahalaan ang pagtatakda ng presyong mga produktong petroleo at natigil lamang ito nang ipasa ang batas sa deregulasyon sa presyo ng langis noong 1998.

Ang batas sa deregulasyon sa presyo ng langis ay nakasaad sa Republic Act 8479 (RA 8479).  Ayon sa nilalaman ng batas,tinanggal ang kontrol ng pamahalaan sa pagpepresyo, importasyon at pagluluwas ng mga produktong petroleo. Idinagdag pa, ang presyo ng mga produktong petroleo ay dapat itakda ng pwersa ng bilihan alinsunod sa pagbabago ng presyong krudong langis sa bilihang internasyonal at sa pagbabago ng palitan ng salapi ng PH piso.

Matatandan bago sumiklab ang digmaan, ang presyo ng diesel ay nasa P50 bawat litro lamang. Tumaas ito sa halagang P150 bawat litro noong kalagitnaan ng Abril 2026. Subalit, sa kasalukuyan ang presyo ay naglalaro sa pagitan ng P81 hanggang P89 bawat litro dahil lumuwag ang suplay ng krudong langis ng ating bansa bunga ng pagpayag sa mga barkong Pilipinas na lumayag sa Strait of Hormuz upang ilulan ang inaangkat nating krudong langis mula sa Gitnang Silangan.

Upang maunawaan ang patakaran ng regulasyon sa presyo ng krudong langis krusyal na talakayin natin ang mekanismong ginamit ng pamahalaan upang itakda ang presyo ng mga produktong  petroleo noong dekada 1970. Mauunawaan natin ito sa pagtalakay sa Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na ginamit ng pamahalaan upang tustusan ang tumataas na presyo ng krudong langis sa bilihang internasyonal habang pinatatatag nitoang presyo ng mga produktong petroleo sa loob ng bansa.

Ang pondo mula sa OPSF ay ginamit bilang sabsidi na ibinigay sa Philippine National Oil Company (PNOC) at  National Power Corporation upang makaangkat ng krudong langis at maipagpatuloy ang suplay kahit sa mataas na presyo sa bilihang global at mapanatiling matatag ang presyo ng mga produktong petrolyo sa takdang presyo sa bilihang lokal. Ginagamit din ang pondo ng OPSF upang bayaran ang mga kompanya ng langis na nalugi dahil umangkat sila ng krudong langis sa mataas na presyo ngunit ipinagbili ang mga produktong petroleo  sa mababang takdang presyo.


Ang pondo ng OPSF ay nalilikom ng pamahalaan mula sa mga buwis na ipinapataw sa inaangkat na krudong langis. Nakalilikom din ng pondo ang OPSF sa pag-aambag ng mga kompanya ng langis kapag bumababa ang presyo ng langis sa bilihang internasyonal. Ang bahagi ng diperensya sa pagitan ng mababang presyo ng krudong langis sa bilihang internasyonal at mas mataas na takdang presyo sa bilihang internal ay kailangang iambag sa pondo. Sa ganitong paraan napananatiling matatag o halos hindi nagbabago ang presyo ng mga produktong petroleo sa loob ng bansa kahit pabago bago ang presyo sa bilihang international.

Maganda naman pala ang layunin ng OPSF sa pagpapatatag ng presyo ng mga produktong petroleo sa loob ng bansa, ano ang dahilan kung bakit ito itinigil?

Ang pinakaugat na dahilan ay ang kakulangan ng pondo upang patuloy na tustusan ang mga sabsidi ng pamahalaan sa mga kompanyang umaangkat ng krudong langis. Nagkukulang ang dagdag na buwis na sinisingil na pamahalaan sa pag-aangkat upang tustusan ang patuloy na pagtaas na presyo ng krudong langis sa bilihang internasyonal. Nagkukulang din ang naiipong pondo mula sa pagbaba ng presyo ng krudong langis sa  bilihang internasyonal dahil mas madalas tumataas ang presyo ng krudong langis kaysa bumababa ito.

Dahil sa kakulangan ng pondo ng OPSF upang tustusan ang pagtaas ng presyo ng krudong langis may dalawang alternatiboang isinagawa. Una, napipilitang tustusan ng pamahalaan ang mga sabsidi sa pang-aangkat mula sa budyet nito  upang mapanatiling matatag ang presyo ng mga produktong petroleo sa loob ng bansa.  Ang alternatibong ito ay nauwi sa malawakang fiscal deficit ng pamahalaan.

- Advertisement -

Ikalawa, upang maiwasan ang paglala ng fiscal deficit ng pamahalaan, tinanggal ng pamahalaan ang suporta nito sa OPSF at napilitang umangkat ang mga kompanya ng krudong langis sa napakataas na presyo. Ang alternatibong ito ay nauwi sa mabilis at biglaang pagtaas ng presyo ng mga produktong petroleo sa loob ng bansa. At lalong malala, nauwi ito sa kakulangan ng krudong langis dahil kapos ang bansa ng US dolyar upang umangkat.

Dahil sa problema ng malawak na fiscal deficit, biglaang pagtaas ng presyo, at kakulangan ng suplay ng krudong langis napilitan ang pamahalaan na buwagin ang OPSF at ipatupad ang deregulasyon sa presyo ng langis noong 1998 upang ang bilihanang magtakda ng presyo ng mga produktong petroleo sa loob ng bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -