27.5 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Taiwan ang dapat na wastong pokus ng Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa kadena ng mga proseso, panghawakan ang pangunahing kawing. 

Vladimir Lenin 

HINDI maiaalis para sa isang bansa na intindihin kada  isa sa mga alalahanin ng kanyang kabansaan. Ang nililinaw ni Lenin sa kànyang winika ay magkakaugnay ang mga alalahaning ito at gaano man katapat ang isang makabansa ay magkakamali siya kung isesentro niya lamang ang atensyon sa isang alalahanin sukdulang makaligtaan ang iba. 

Ang kailangan ay kilalanin kung ano ang pangunahing alalahanin at sa pag-intindi rito, tiyak sakop na ang pag-intindi sa iba pa.  

Sa kasagsagan ng mga girian sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea, may sumulpot na pag-igting naman ng tensyon bunga ng mapilit na pagnanais ng Taiwan na maging independiyente sa China. Sa Isang panayam, nakapagpahayag si Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. ng pagkabahala na kapag pumutok ang gulo sa Taiwan, hindi maiiwasang masangkot ang Pilipinas. Ang talagang ipinag-aalala lamang ni Pangulong Marcos ay ang kaligtasan ng daan libong OFW na nangagsisipagtrabaho sa Taiwan. Wala sa loob na sa kadena ng mga alalahaning kinahaharap ng Pilipinas, nasapol ni Bongbong ang pangunahing kawing. Kung nagpatuloy lamang si Bongbong sa ganung paninindigan, noon pa ay nasa tamang daan na siya sa pagpapaunlad sa Pilipinas. 

Ang hidwaan sa pagitan ng China at Taiwan ay itinuturing ng mga pangmundong analisistang pulitikal na pinakamasmalamang na flash point na maaaring magbunga ng digmaang pandaigdig. 

Oras na maging Secretary General ng Communist Party of China (CPC) si Presidente Xi Jinping, isa sa kanyang matibay na mithiin ay ang pag-iisa ng buong China. 

At noong 2018, isang pag-amyenda sa konstitusyon ng China ang ginawa na nagpapatibay sa hangarin ni Presidente Xi Jinping na sakupin ang Taiwan. Ayon sa amyenda,  “Ang Taiwan ay bahagi ng sagradong teritoryo ng  People’s Republic of China. Sagradong tungkulin ng buong sambayanang Chino, kabilang na ang ating mga kababayang Chino sa Taiwan, na tamuhin ang dakilang pagbubuklod ng Inang Bayan.” 

Mangyari pa, ang pagpapabaya ng People’s Republic of China (PRC) na sakupin pa ang Taiwan sa pagtatapos ng giyera sibil noong 1949 ay nakapag-bigay sa probinsya ng kaluwagang makapagpaunlad nang nagsasarili – may sariling pamahalaan, ekonomiya at militari. Ito ang maliwanag na nagbibigay-katwiran sa Taiwan na tumangging makipagkaisa pa sa China. 

Na lalo lamang na nagpatibay sa paninindigan ni Presidente Xi. 

“Ang pag-iisa ng China at Taiwan ay hindi maiiwasan.” Ito ang katas ng “pagpapanibagong sigla” ng China na layon niyang makamit sa 2049, ang sentenaryo ng People’s Republic of China. 

Sa panig ni Lai-Ching-te, pangulo ng Taiwan, sinabi niya na alinman sa China at Taiwan ay di ilalim sa isa. Imposible, aniya, na ang China ay maging Inang Bayan ng Taiwan. 

Sa simpleng salita, away. 

Away na sa analisis nga ng mga eksperto sa pangmundong pulitika ay ang pinakamalamang na titis na magpapasiklab sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig. 

Kaya sa kaagad na reaksyon ni Presidente Marcos sa pag-igting ng tensyon sa Taiwan, sapul na sapul niya ang “pangunahing kawing” na tinutukoy ni Lenin. Sa pagsambulat ng alitan sa pagitan ng China at Taiwan nakaangkla ang wastong tugon ng iba pang bansa sa mundo, partikular ang mga bansa sa Asya Pasipiko – higit na partikular sa Pilipinas. 

Kanlong ng Pilipinas ang tinaguriang mga sitio ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement), sa katunayan mga base militar ng Amerika sa loob mismo ng mga kampo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngunit di maaaring panghimasukan ng mga awtoridad ng Pilipinas.  

Sa mga huling ulat sa media, malinaw nang nakatanim sa mga EDCA sitioang kinatatakutang Thypon medium range missile launch system na pwedeng magpakawala ng war heads sa China na wala pang 200 daang kilometro ang layo.  

Sa simula, ang pahayag ni Presidente Marcos na pagkasangkot ng Pilipinas sa sigalot sa Taiwan ay naipakahulugan ng Foreign Ministry ng China na panghihimasok sa mga usaping internal ng China. Sa maling pagpapakahulugang iyun, dapat na naging paliwanag ni Presidente Marcos ay ganito:  na bagama’t sa bisa ng tratado militar ay di maiiwasan na ang mga kagamitang pandigma ng Amerika ay nakatanim sa mga sitiong EDCA, maliwanag naman sa lengwahe ng tratado na ang mga kagamitang pandigmang iyon ay gagamitin lamang bilang pananggol sa mga dayuhang pananalakay. Ganyang wala namang intensyon manalakay ang China sa Pilipinas, walang problema sa naging pahayag ni Presidente Marcos. 

Mangyari pa, mulat si Presidente Marcos na ang pagsambulat ng tensyon sa Taiwan ay hindi maiiwasang magsangkot sa Amerika. Sa una pa, Amerika na ang naging sandalan ng Taiwan kung kaya hindi nagtuloy-tuloy dito ang pandudurog ng People’s Liberation Army (PLA) sa Kuomintang sa pagtatapos ng giyera sibil sa China noong 1949. 

Ngayong kinikilala na ng buong mundo ang kapantay na – kung di man lampas-lampas na – na  kakayahan ng China na makipagdigma sa Amerika, walang makapipigil kay Presidente Marcos na mag-ala-Espanya at tumangging ipagamit ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas upang sumalakay sa China. 

Tingnan kung anong dakilang mga himala – sa kabuhayan, kagalingang sosyal, at pambansang seguridad – ang maaaring matamo ng Pilipinas mula sa China kapag nagkataon. 

https://ipdefenseforum.com/wp-content/uploads/2025/10/RC2QMAAO8FYM_edit.jpg 

https://ipdefenseforum.com/wp-content/uploads/2025/10/IPDF_V50N4_EngMap2.jpg 

https://ipdefenseforum.com/wp-content/uploads/2025/10/MT1YOMIUR000MOWFC8_edit.jpg 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -