28.9 C
Manila
Lunes, Hunyo 8, 2026

Ang AI sa pagtuturo at pananaliksik

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huling bahagi)

NOONG nakaraang mga araw, laman ng balita sa ibayong dagat ang kataka-takang pagbubulyaw ng graduating class sa mga inimbitahang tagapagsalita sa okasyon ng pagtatapos sa mga unibersidad. Sa University of Central Florida, nakatikim ng malalakas na bulyaw ang ispiker na nagsabing ang AI ang susunod na industriyal na rebolusyon. Napalingon siya sa gilid ng stage kung ano ang nangyayari. Hindi niya inaasahan ang ganoong reaksyon mula sa mga magsisipagtapos na estudyante. Gayundin, sa talumpati ng dating CEO ng Google na si Eric Schmidt, manaka-naka’y nambulyaw ang mga estudyante sa kanyang sinasabi, lalo na nang sinabi niya na ang Time Persons of the Year ay mga arkitekto ng Artificial Intelligence. Bakit nga kaya naghihimutok na ang mga Gen Z na papasok na sa bagong yugto ng kanilang buhay? Matapos ang pagtatapos, ano ang naghihintay sa kanila sa mundong batbat ng AI?

Noong wala pa ang AI sa sistema ng edukasyon, sino ba ang kaulayaw ng mga estudyante sa pagkatuto at pananaliksik? Magbigay tayo ng ilang eksena sa buhay. Hindi nilalahat, subalit marami sa mga estudyante ang nakadepende sa kanilang mga magulang, lalo na sa kanilang mga nanay. Kapag may assignment o project, ang takbuhan ng bata ay ang mga nanay. Sila ang napupuyat na gumagawa o kaya’y bumibili ng mga gamit para mabuo ang proyekto sa klase. Kahit superbisyon ang ginagawa ng nanay, kailangan niyang tulungan ang kanyang anak na tama ang ginagawa ng bata upang maging maganda at maayos ang proyekto at mataas ang gradong makuha. Minsan, ang nanay din ang nagsusulat ng homework o sumasagot sa teksbuk habang naglalaro sa labas ang bata kasama ang kaibigan niya. Nang nauso ang mga gadget o device, ang mga bata ang nasa family computer, PC, PS5, at smartphones habang minamaster ni nanay ang pagsulat ng sanaysay. Si nanay pala ang unang AI noon na hindi inilalagay sa disclosure form kapag nagpapasa ng sanaysay, takdang-aralin, at proyekto ang mga bata. Bakit kaya ginagawa ng mga nanay ito? Dahil sa kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak. Subalit natututo ba ang mga bata? Kaya nauso ang iba’t ibang estratehiya upang masukat ang awtentikong pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa ibang bansa, tinanggal na nila o binawasan ang homework para sa mga mag-aaral. Mas mainam na ang mga gawain ay nakikitang ginagawa sa loob ng klasrum at paaralan. Nauso rin ang flipped classroom na may parehong prinsipyo: ang mga hands-on na gawain tulad ng pagsusulat ng sanaysay, pagbuo ng proyekto, kolaborasyon, at team effort ay ginagawa sa klase. Ang lecture ng guro na naka-record, ang video o pelikulang papanoorin, at ang pagbabasa ng teksto’y gagawin sa labas ng class hours.

Pagdating sa kolehiyo, kung susuriin natin, malaki talaga ang agwat sa pagitan ng akademya at ng industriya. Nagrereklamo ang mga nasa industriya na hindi pa handa o hindi nasasanay sa kolehiyo at unibersidad ang mga estudyante sa mga kasanayang dapat taglayin nila. Ang pokus ng mga unibersidad, lalo na ng mga pribadong institusyon, ay ang survival. Nakabatay kasi sa tuition ang operasyon ng mga unibersidad. Sinisikap ng mga ito na makasabay sa mga hinihingi ng industriya sa pamamagitan ng general education curriculum. Totoong pagkatapos ng apat na taong pag-aaral sa kolehiyo, marami sa mga natutuhan ng mga estudyante na skills-based sa mga kursong STEM ay hindi na applicable sa industriya. Ngayong may disruption na naman sa merkado at mga industriya dahil sa pagdating ng AI, itinatakda ng negosyo at mga naglalakihang kompanya na maraming trabaho ang mawawala. Maraming trabaho ang kukunin ng AI. Ito ang hinaing ng mga magsisipagtapos na Gen Z. Tapos sila sa mga tradisyonal na kurso sa kolehiyo, subalit pagdating sa pagnenegosyo at pag-eempleyo, marami sa kanila ang mawawalan ng oportunidad at trabaho dahil sa AI. Siyempre, kung maghahanap ng job experience ang mga bagong graduate, magiging limitado ang mga available na entry-level na job options nila. Imbes na mag-hire ng sekretarya, mag-AI na lang, o kaya’y sa opisina kung dati’y sampung sekretarya, isa na lang ang kailangan. Magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa mga susunod na taon—pagbabawas at pagkawala ng mga trabaho.

Kung susuriin natin ang pangmatagalang bisyon, makabuluhan pa bang tawaging research university ang isang unibersidad, lalo na sa konteksto ng Pilipinas na papaunlad pa lamang? Nangyayari kasi’y nagkakaroon ng research fatigue ang mga fakutli at mag-aaral. Halos lahat ng kurso, ang research paper ang terminal output sa klase, maski sa mga kursong dapat na demonstrable skills ang kailangan at hindi research. Sa ilang industry feedback na nasagap ko, kulang na kulang na ang skills ng mga estudyante. Kung mayroon man, research skills ang nagiging mastery nila. Kapag nagtapos naman tayo, hindi naman ipapagawa ng bisor mo na o sige, mag-RRL search ka nga para sa unang araw sa trabaho. Bakit nakadiin ang mga unibersidad sa research production? Dahil ba sa survival, sa branding ng unibersidad para sa University World Rankings? Kailangang balikan muli ang pundamental na tanong kung nakatutulong ba ang kabuuang produksyon ng pananaliksik sa kaunlaran ng bansa?

Sa kabuuan, matapos ninyong basahin ang dalawang naunang bahagi ng kolum na ito tungkol sa AI pagtuturo, pagkatuto, at pananaliksik, nananaig ang mensaheng ang tao at pag-iisip ang kailangang umiral ngayon hanggang sa darating na panahon. Sisikapin nang matindi na gamit ang buong puwersa, resorses, at ideolohiya ng digital na kapitalismo na isulong ang AI para manatiling naghahari ang interes at kapital ng mga nagmamay-ari ng teknolohiyang ito. Bago ito, kung kaya hindi pa nila nahahamig ang pinakamataas na kita sa pinakamainam na kondisyon—ang pagsunod ng mga tao at tanggaping kailangang-kailangan ito.  Mahalagang matutuhan natin ang AI, ang kalakasan at kahinaan nito, upang maging matalino ang ating pagyakap o pagtutol. Pagyakap para sa ating kapakinabangan, na handa tayo sa sasalubong na hinaharap. Pagtutol upang itanghal natin na ang tao ang may kontrol at hindi ang makina. Maraming gawain pa ang hindi kayang agawin ng AI, tulad ng mga propesyon sa medisina, nursing, engineering, pagtuturo, at iba pa sa ngayon. Darating ang panahon na ang modelo ay magiging human+AI integration. Darating ang panahon na AI+robotics collaboration. Darating ang panahon na kailangan nang may pumindot sa off button ng AI dahil nasakop na nito ang lahat ng ating mga gawain. Hindi man lahat, ngunit halos lahat. Simtomas ng isang napipintong krisis ang sinimulan ng ilang nagsipagtapos na tumututol sa AI dahil sa posibilidad ng extinction event. Hindi lamang ng trabaho at mga oportunidad kundi kung paano maging tao at magpakatao sa panahong mas kailangan natin ito.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -