NAKIISA si Senador Mark Villar sa mga mamamayan ng Probinsya ng Saranggani kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Southern Philippines.
Nagpahayag din ang senador ng kanyang pakikiramay sa mga pamilyang nakaranas ng paghihirap dulot ng sakuna.
“Taos-puso po akong nakikiramay at nananalangin para sa mga nawalan ng mahal sa buhay, nasugatan, at sa mga pamilyang napilitang lumikas dahil sa sakunang ito. Sa ganitong panahon ng pagsubok, mahalagang maramdaman ng ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa at handa natin silang tulungan,” ani Villar.
Binigyang-diin ng senador na nananatiling prayoridad ang pagtulong sa mga apektadong komunidad at pagtugon sa kanilang agarang pangangailangan habang nagpapatuloy ang mga relief at assessment efforts sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
“Habang nagpapatuloy ang mga response at assessment efforts sa mga apektadong lugar, mahalagang maipaabot agad ang kinakailangang tulong sa ating mga kababayan upang makatulong sa kanilang pagbangon,” dagdag niya.
Bilang bahagi ng kanyang relief efforts, namahagi ang Senador ng mga sako sako ng bigas at suplay ng inuming tubig para sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa pamamagitan ng General Santos City Local Government Unit.
Tiniyak din ni Senador Villar sa mga residente ng mga apektadong lugar na nananatiling handa ang kanyang tanggapan na magbigay ng karagdagang tulong kung kinakailangan.
“Nais kong tiyakin sa ating mga kababayan sa Mindanao na narito tayo upang tumulong. Patuloy tayong makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya upang masuportahan ang relief at recovery efforts sa mga apektadong komunidad,” aniya.
Ipinahayag din ni Villar ang kanyang paniniwala sa katatagan at pagkakaisa ng mga Pilipino habang unti-unting bumabangon ang mga komunidad mula sa epekto ng lindol.
“Sa pamamagitan ng bayanihan, malasakit, at pagtutulungan, naniniwala akong makakabangon ang ating mga kababayan mula sa pagsubok na ito. Kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng inyong pagbangon,” pagtatapos ni Villar.



