27.9 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Kalayaan o kasarinlan?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG HUNYO 12, ipinagdiwang ng bansa ang ika-128 taon ng kalayaan. Hunyo 12,1898 nang ideklara ang ating malayang republika.

Ngunit may mga nagsasabing hindi naman daw tayo tunay na malaya. HINDEPENDENCE day ang tawag nila sa araw ng pagdiriwang. Hindi independent, ang ibig sabihin.

May mga nagsasabi naman na malaya na nga tayong mga Pilipino, pero hindi nagsasarili. Dapat daw ay matuto rin tayong magsarili, hindi lamang malaya.

Nasabi lamang daw na malaya na tayo sa turing. Nagapi na natin ang mga Kastila noong 1898. Pero bigla namang pumasok ang Amerika at sinaklot ang ating bagong republika. Sinakop tayo ng Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang ilang taon. Sa wakas, noong Hulyo 4, 1946, kinilala na ng Amerika ang ating kalayaan. Sabi ng ating mga aklat, “ipinagkaloob” (granted) ng Amerika ang ating kalayaan. Ngunit noong 1962, binago ng dating Pangulong Diosdao Macapagal ang araw ng ating kalayaan. Ginawang Hunyo 12 bilang paggunita sa Hunyo 12, 1898, at hindi na ang petsang Hulyo 4, 1946 ang kinilalang araw ng ating paglaya.

May nagsasabing KASARINLAN ang tamang termino. KASARINLAN at hindi KALAYAAN ang dapat nating ipagdiwang.


Malaya o nagsasarili? Kalayaan o kasarinlan? Ano ang pagkakaiba?

Walang salitang malaya sa Tagalog?

Noong 1886, sa kanyang liham sa nakatatandang kapatid na si Paciano, sinabi ni Jose Rizal na nahihirapan siyang ihanap ng katumbas sa wikang Tagalog ang salitang freiheit o libertad sa wikang Kastila. Isinalin noon ni Rizal para sa kanyang mga pamangkin ang dulang Wilhem Tell. Hindi niya magamit ang salitang “kaligtasan” dahil ang pagiging ligtas ay parang nasagip sa pagkabilanggo, pagkakulong, o pagkaalipin. Idinagdag pa ni Rizal na sa tanging aklat na Tagalog na dala niya sa  paglalakbay sa ibang bansa, ang Florante at Laura ni Balagtas, wala siyang makitang salita na maitutumbas sa “libertad.”

Ginamit daw ni Marcelo H. del Pilar sa kanyang salin ng sanaysay ni Rizal na “Amor Patrio” ang salitang “kalayahan.” Lumabas ito sa “Diariong Tagalog” noong 1882.

- Advertisement -

Marahil, noong mga panahong iyon ay hindi pa laganap ang konsepto ng pagiging “MALAYA” kung ang kahulugan ay pagkakaroon ng karapatang kumilos at mag-isip nang walang kinikilalang panginoon, o taong mas nakapangyayari o nakasasakop. Maaalala na sa matandang lipunan ng ating mga ninuno, bago dumating ang mga mananakop na Kastila, may iba’t ibang antas o pag-uuri ang mga tao. Ang pinakamataas na uri ay tinawag na MAHARLIKA, sila ang mga namumuno sa pamayanan at may yaman at kapangyarihan. Ang mga TIMAWA naman ang kasunod nila, mga taong “libre” sa wikang Kastila, dahil walang sinusunod na panginoon. Hindi tulad ng uring alipin, na karaniwang mga natalo sa labanan o digmaan. May aliping namamahay at aliping sagigilid. Ang una ay may sariling bahay samantalang ang aliping sagigilid ay nasa mas mababang antas. Nakatira sila sa bahay ng panginoon at walang kakayahang magsarili. Kaya tinawag na “sagigilid” ay dahil hanggang gilid ng bahay lamang sila, hindi sila pwedeng pumasok sa loob ng bahay. Ang malalaking bahay ng mga panginoong mayaman noon ay may mga gilid na dinadaanan ng mga alipin kapag nagsisilbi sa mga amo. Hanggang noong panahon ng pananakop ng mga Kastila ay mayroon pang ganitong mga muchacha na hanggang gilid lamang ng bahay ang pwedeng pasukin.

May mga apelyidong LAYA at MALAYA na nakatala sa Catalogo Alfabetico de Apellidos noong 1849. Pero walang kahulugan o gabay sa bigkas.

Mayroon ding tinawag na Ladya Matanda (Matandang Hari), ang tiyuhin ni Raha Soliman. Sa diksiyonaryo nina Noceda at Sanlucar, may entri na LADYA, na ang kahulugan ay “matandang pinuno.”

Posible na ang RAHA ay LADYA o LAYA sa matandang Tagalog. Wala kasing salitang Tagalog na nagsisimula sa R. Maaaring nagkamali ng dinig o intindi ang mga prayle na nagtala ng matatandang salita. Maaari ding iniangkop nila sa sarili nilang ortograpiya ang baybay ng mga salita kaya hindi na naging matapat sa tunay na salita.

Ano naman ang kasarinlan?   

Sa aking panimulang pagsusuri, ang salitang ugat nito ay DILI. Nabuo sa ganitong paraan: KA-+SA-+DILI-+AN = KASADILIAN. Nagkaroon ng mga pagbabagong morpoponemiko o pagbabago sa anyo at tunog, kaya naging KASARILIHAN = kasarinlan.

- Advertisement -

Ano ang ibig sabihin ng DILI? May kasabihang “kumain dili,” “dumalaw dili,” na nangangahuugang halos hindi kumain o halos hindi dumalaw. Pero mayroon pang isang kahulugan ang DILI: malay, kamalayan, “unawang nililikha ng kapangyarihan ng isip” (Diksyunaryo ng Wikang Filipino, 1998).

Ang huling saknong ng “Kay Celia” mula sa Florante at Laura ni Balagtas ay ganito ang isinasaad: “Ikaw na bulaklak niring DILIDILI/Celiang sagisag mo’y ang M. A. R/” Ang “dilidili” ay nangangahulugan dito ng kamalayan, o pagkaunawang nilikha ng kapangyrihan ng isip.

Ano ang SARILI (sa+dili)? Ito ay kamalayan sa bagay na nauukol sa iyo, o ang nag-aari ay isang tao na walang iba kundi ikaw.

Ang KASARINLAN kung gayon ay nangangahulugan ay pagkakaroon ng unawa o kamalayan ng pagiging malaya at walang ibang nakapangyayari at nakakakilos ayon sa sariling pagpapasya.

Hindi nga sapat ang pagiging malaya lamang. Dapat ay matuto rin tayong magsarili. Umasa sa sariling sikap. Hindi tulad ngayon na hindi na nga sakop ng Amerika pero patuloy pa ring umaasa sa tulong ng bansang ito, na napakalaki naman ng hinihinging kapalit.

Kung gayon, ang dapat nating maging pagbati ay “Maligayang Araw ng Kasarinlan.” Kapag nagkagayon, masasabi na nating tunay na tayong malaya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -