UPANG matugunan ang paglala ng karahasan sa mga paaralan sa buong bansa, itinutulak ni Senate President Win Gatchalian ang pagpapakilos sa mga magulang at local government units sa pamamagitan ng Parent Effectiveness Service (PES) Program.
Itinatag ang PES Program sa ilalim ng Parent Effectiveness Service Program Act (Republic Act No. 11908) na iniakda ni Gatchalian. Sa ilalim ng batas, palalakasin ng PES Program ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at parent-substitutes sa pagtugon sa kanilang mga responsibilidad, kabilang ang pangangalaga at pagtataguyod ng mga karapatan ng mga bata, at iba pa.
Sa kamakailang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban na kinasasangkutan ng mga menor de edad, umakyat na sa apat ang bilang ng mga nasawi, habang may ilan pang nasugatan. “Paano sila nakakuha ng access sa firearms, at bakit marunong na silang gumamit nito sa murang edad?” tanong ni Gatchalian.
Inaatasan ng batas ang pagpapatupad ng PES Program sa lahat ng lungsod at munisipalidad, habang inaatasan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumuo ng modules, kabilang iyong mga may kinalaman sa child protection ng mga kabataan sa pang-aabuso at pagkakaroon ng mabuting asal.
“Kung seryoso tayong wakasan ang karahasan sa ating mga paaralan, kailangang magsimula ang solusyon sa loob ng ating mga tahanan,” pagtatapos ni Gatchalian.

