TAOS PUSO po tayong nakikiramay sa pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Mariin nating kinokondena ang ganitong karahasan na nangyari pa mismo sa loob ng paaralan na dapat ay ligtas na lugar para sa ating mga kabataan.
Ang iniulat na dahilan ng pamamaril ng mga menor de edad na suspek ay bullying. Bagama’t di tama ang naging paraan nila para resolbahin ang bullying sa kanila, isa po itong nakakaalarma na hudyat para sa lahat ng mga eskwelahan at sa mga awtoridad: LAGYAN NA NG PANGIL ANG IMPLEMENTASYON NG “ANTI-BULLYING ACT”.
Kung dati ay masasakit na salita o pisikal na pananakit, at pagkitil sa sariling buhay ang resulta ng bullying, ngayon humantong na pagpatay sa ilang bata sa loob pa ng paaralan na itiruturing nilang ikalawang tahanan.
Ilang buhay pa ang dapat na mawala bago tayo magising sa katotohanan na malamya ang implementasyon ng mga anti-bullying laws sa bansa?
Huwag po nating hayaan na mahanay ang ating bansa sa mga lugar na normal na ang mass shooting at bullying sa mga eskwelahan.
Nakikipag-ugnayan na po ang aming opisina sa mga pamilya ng mga biktima upang magbigay ng kaukulang tulong.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, nananawagan tayo sa ating mga kasamahan sa Senado na kaagad magsagawa ng imbestigasyon upang makita kung may pagkukulang ba ang school, saan ang naging problema, at paano maiwasan ang ganitong mga insidente sa ating mga paaralan.

