NAIPAHAYAG ni Senate President Sherwin Gatchalian na mamanduhan ng Impeachment Trial Court na humarap sa paglilitis si Bise Presidente Sara Duterte.
Walang pasubali ang patalastas na ipinalabas ni SP Gatchalian.
“Pursuant to Rule VII of the Rules of Procedure on Impeachment Trials and in accordance with the Writ of Summons issued on 19 May 2026, directing you to ‘appear before the Senate of the Philippines upon notice, and to abide by, obey and perform such orders, directions, and judgments as the Senate of the Philippines shall make in the premises according to the Constitution and laws of the Philippines,’ you are hereby notified that trial will commence on the 6th day of July at 2 o’clock in the afternoon, and are further directed to appear on said date, in person or through counsel, before the Impeachment Court at the Session Hall of the Senate of the Philippines, Pasay City (Bilang pagsang-ayon sa Patakaran VII ng Mga Paratakaran sa Pamamaraan sa mga Paglilitis na Impeachment at Alinsunod pa rin sa Kautusang Patawag na ipinalabas noong Mayo 19, 2026 na nag-uutos sa iyo na humarap sa Senado sa sandaling patalastasan at umayon, sumunod at gumanpan ng mga mandato, tagubilin at kahatulang maaaring gawin ng Senado ng Pilipinas ayon sa Konstitusyon at sa mga batas ng Pilipinas, ikaw ay pinatatalastasan na ang paglilitis ay magsisimula sa ika-6 na araw ng Hulyo, alas dos ng hapon, at ikaw ay naaatasang humarap sa nasabing petsa, sa pamamagitan ng iyong sarili o abogado, sa Impeachment Court sa Session Hall ng Senado ng Pilipinas sa Pasay City).”
Malaking kabalintunaan na sa paglilitis, si Bise Presidente Sara ay binibigyan ng pamimili kung harap nang personal o sa pamamagitan ng abogado. Kung sa mga ordinaryong kasong kriminal ang nasasakdal ay obligadong humarap nang personal, bagama’t may abogado, bakit sa impeachment ng pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan ay mayroong silang ganung pribilehiyong mapwera sa ganap na paglilitis ng publiko?
Kasabihan na nga, ang isda ay nahuhuli sa bibig. Maraming aspeto ng kasarinlan ng pagkatao ang mailalantad ng tao mismo kung siya ay nagsisinungaling: inconsistency sa mga salita, ekspresyon ng mukha, maging kilos ng mga mata – lahat nagpapahiwatig ng kung ano ang totoo sa kaibuturan. Sa representasyon ng mga abogado, lahat ng dapat ay di mapapasinugalingan sa personal na pagharap ng isang nasasakdal ay naitatago.
Tandaan natin, ultimong pagsisinungaling ay gagawin ng isang abogado upang iligtas ang kliyente. Trabaho niya iyon, doon siya binabayaran. At nakakapagtatakang obserbahan kung saan humuhugot ang mga Duterte ng napakalaking yaman na pambayad sa mga abogado upang ilusot sila sa mga kaso, kabilang na ang kasong kinahaharap sa International Criminal Court (ICC) ni Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.
Kabilanin ang mukha ng batas. Depende sa humahawak na abogado, ang mukhang mangingibabaw ay kung ano ang magpapawalang-sala sa kanyang kliyente.
Matutukoy ang impeachment ni Presidente Joseph Ejercito ”Erap” Estrada noong 2001. Dahil sa pag-walkout ng kanyang mga kalabang senador, natigil ang impeachment trial, subalit nagkaroon ng EDSA 2 na nagbunga ng pag-atras ng military support sa presidente, na sandaling bumaba ng Malakanyang.
Ano ang kaagad na sumunod na pangyayari?
Pinapanumpa mismo ni Chief Justice Hilario Davide si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang Pangulo, gamit na dahilan ang isang napabalitang laman ng diary ni Executive Secretary Edgardo Angara na wala nang kakayahang mamamahala si Erap.
Subalit reklamo nga ni Erap: “Hindi ako namatay, hindi ako nag-resign, wala akong karamdaman, bakit ako pinahalinhan sa Bise Presidente.”
Tinutukoy ni Erap ang tatlong kadahilanan kung papaanong, ayon sa Konstitusyon, ang Presidente ay maaaring pahalinhan sa Bise Presidente. Wala ni isa sa tatlo ang totoo, subalit Chief Justice mismo ng Korte Suprema ang nagpahalili kay Gloria kay Erap.
Paulit-ulit na nating idiniin sa kolum na ito na tanggap na ng bayan na maabswelto si Sara kung magkakaganun nga. Hanggang sa ngayon, hindi pa nagtatapos ang debate kung saan ibabatay ang bilang na “2/3” ng mga senador upang maghusga ng conviction.
Ang habol na lang ng bayan ay matuloy ang impeachment trial at marinig kung ano ang totoo.
Marinig lang iyon, bayan na ang magpapasya kung ano ang dapat na mangyari.
Napakahalaga na personal na paharapin si Bise Presidente Sara sa impeachment trial. Sa ngayon napakamabuway na ng kapanatagan ng bansa. Dahilan nito ay ang malawakang paglabnaw ng respeto ng publiko sa mga institusyong sandigan ng Republika.
Ilang araw pa lang ang nakaraan, daang libong mga kagawad ng Iglesia ni Cristo ang nagsagawa ng rally upang suportahan si Senador Rodante Marcoleta sa napipintong plunder case na isasampa laban sa kanya ng Ombudsman.
Ganyan na ang Pilipinas ngayon. Sa garapal na pagkandili sa isang tiwaling opisyal, tawag antimano ng people power upang kontrahin ang batas. Hindi pagtatakhan na sa nakaraang rali ng INC sa EDSA, prominenteng haligi ay si Chavit Singson, lumahok din sa pagpapatalsik Kay Erap noong 2001.
Ultimong Korte Suprema ay nagagawang baliin ang letra ng Konstitusyon upang paboran ang isang interes pulitikal. Ganyan ang nangyari sa EDSA I at sa pagkakapatalsik kay Erap.
Oo, ayon sa Konstitusyon, binibigyan ng pamimili ang isang nasakdal ng impeachment na humarap sa sarili o sa representasyon ng abogado, subalit dapat na nakaugat pa rin ito sa pagkilala sa kapangyarihan ng Impeachment Trial Court na paharapin ng personal ang nasasakdal kung kinakailangan.
Ulitin, kapangyarihan ng Impeachment Trial Court ang pinag-uusapan. At nasa kapangyarihan ng Korteng ito na personal na paharapin si Bise Presidente Sara kung kailangan.
Sa kanyang paglilitis, malawak na kahilingan ng sambayanan na paharapin si Bise Presidente Sara nang personal.
Kung hindi, ang mangyayari ay pagalingan sa pagmamaniobra sa batas kapwa ng prosekusyon at ng depensa.
At sa pagalingang iyan, tiyak mababaon kung ano ang totoo, malilibing ang hustisya.
Pinakamasahol pa, dahil labanan nga lang ng mga abogado ang magaganap, sinuman sa magkabilang panig ang madaig ay malayong mapalitaw kung sino ang panalo.
Ang pinakaaasam ng sambayanan na masilip ang kaibuturan ng pagkatao ni Bise Presidente Sara ay bigung-bigo.
Sabihin na, dahil sa galing ng prosecution team ay naipanalo nila ang impeachment ni Sara – napahatulan itong nagkasala.
Paano kung iyon nga ang mitsa ng panibagong people power na naman, tulad ng EDSA I at EDSA II?
Di natin alam, iyun nga ang magbibigay-katwiran upang malusutan ni Sara ang impeachment at sa wakas kamtin ang matagal nang kinatatakamang pagiging Pangulo ng Pilipinas.



