27.8 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 15, 2026

Pangulong Marcos, personal na ininspeksyon ang world-class na pasilidad ng National Academy of Sports sa New Clark City

- Advertisement -
- Advertisement -

PERSONAL na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga makabagong pasilidad ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City sa Capas, Tarlac bilang bahagi ng patuloy na pagtutok ng administrasyon sa pagpapahusay pa ng mga atletang Pilipino.

Ang pagbisita ng Pangulo ay pagpapakita lang ng kanyang patuloy na suporta sa mga kabataang atleta sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng world-class na pasilidad para sa pagsasanay at de-kalidad na edukasyon.

Sa pag-iikot, ininspeksyon ng Pangulo ang mga pasilidad sa ilalim ng Phase 1 na kasalukuyan nang ginagamit, kabilang ang Academic and Administration Building at ang Multi-Sports Gymnasium.

Sinuri rin ng Pangulo ang mga proyekto sa Phase 2 na nasa 98 porsiyento na ang pagkakagawa, tulad ng Gymnastics Hall, Sports Performance Building, at mga dormitoryo para sa mga estudyante at kawani.


Kasama ng Pangulo sa pag-iinspeksyon si Education Secretary Sonny Angara na tiniyak ang patuloy na suporta sa mga mag-aaral na mga atleta sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malaking training venue.

“We are immensely proud to see how this institution has grown into a premier hub that bridges elite athletic training and quality academic education for our youth. Under the leadership of President Bongbong Marcos, we will continue to enhance these spaces to produce champions who will proudly represent the Philippines on the global stage,” pahayag ni Angara.

Ayon naman kay NAS Executive Director Associate Professor Francis Carlos Diaz, malaking inspirasyon para sa mga mag-aaral ang pagbisita ng Pangulo.

“It is a big honor and privilege for our student learners to have a chance to meet His Excellency, President Ferdinand Marcos. Batid namin kung gaano kalaki ang pagpapahalaga at suporta na binibigay ni Pangulong Marcos para sa ating mga pambansang atleta at mga kabataang nasa larangan ng sports,” ani Diaz.

- Advertisement -

“Magiging malaking inspirasyon ang kanyang pagbisita para patuloy pang paghusayan ng aming mga estudyante sa NAS ang kanilang mga sports discipline at responsibilidad bilang mga mag-aaral,” dagdag niya.

Bukod sa libreng edukasyon, tumatanggap ang mga mag-aaral ng 24/7 na pangangalaga, dormitoryo, pagkain at snacks, strength and conditioning support, at buwanang allowance na P3,000.

Sa tulong ng 174 na guro, kawani, at mga coach ng NAS, nakapagtala ng 1,029 medalya ang mga kabataang atleta sa mga pambansa at internasyonal na kompetisyon noong 2025. Kamakailan din ay nakakuha sila ng 26 na medalya—10 ginto, 5 pilak, at 11 tanso—sa 2026 Palarong Pambansa.

Patuloy na isinusulong ng administrasyong Marcos ang pagpapalakas ng sports development upang makapagluwal ng mas maraming world-class na atletang Pilipino na magbibigay ng karangalan sa bansa.

Mas pahusayin ang sports sa bansa

Samantala, Inutusan ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Education na higit pang palakasin at pahusayin ang sports sa bansa.

- Advertisement -

Ito ang inihayag ni Education Secretary Sonny Angara matapos na inspeksyunin ng Pangulo ang makabagong pasilidad sa National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.

“I think the President wants to impress upon the public. Sabihin niya sa publiko na meron tayong pasilidad na ganito. Kung meron sa ating mga kanya-kanyang lalawigan, kung meron tayong magagaling na atleta, pwede silang dito para talagang mahasa,” ani Angara.

Idinagdag ni Angara na nais ng Pangulo na matulungan ang mga kabataang may potensyal sa sports.

“Tulad na nahasa si Alex Eala, di ba? Dahil nabigyan siya ng tamang coaching, tamang suporta. Ganun din ang mensahe ni Presidente na yung mga potential natin, huwag natin sayangin, gamitin po natin,” ayon kay Angara.

Ayon pa sa kalihim, ikinatuwa ng Pangulo ang pagbisita sa NAS dahil prayoridad nito ang pagpapalakas ng sports.

“Well, natuwa siya sa pasilidad. I think first time niya dito. At sinabi ko sa kanya, nakamodelo ito dun sa Philippine High School for the Arts nung kanyang tatay. At prayoridad din niyang palakasin ang sports dito sa ating bansa. Dito sa DepEd, parang we have 100 new sports clubs and facilities through the Office of the President and the Philippine Sports Commission,” dagdag pa ng kalihim.

Samantala, sinabi naman ni NAS Executive Director Associate Professor Francis Carlos Diaz na ang mga mag-aaral sa akademya ay pinipili mula sa pinakamahuhusay na batang atleta sa buong bansa.

“Galing din sa Palarong Pambansa program. So the uptake of all our 247 students here started from grade 7. So most, if not all, were really recruited from the different provinces and regions who were the rock stars in the elementary division of Palarong Pambansa,” pahayag ni Diaz.

Sinabi rin ni Diaz na nakasaad sa batas na magtatayo ng mga regional campus ng NAS, at target na magkaroon ng susunod na kampus sa Visayas o Mindanao sa loob ng susunod na limang taon.

Ayon naman kay Angara, may ilang lalawigan na rin ang nagpaplanong magtayo ng sarili nilang sports academy na makikipagtulungan sa NAS para sa training at coaching.

Nang tanungin tungkol sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, sinabi ni Angara na kailangang ilaan ang lakas at oras ng mga kabataan sa mas positibong gawain.

“So, you know, imbis na na-plug in computer games, siguro physical activity is good for the youth,” pagtatapos ng kalihim.| PND

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -