WALA tayong natatandaan na pinal na panuntunan kung saan ibabatay ang sinasabi ng Konstitusyon na “2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado” upang makapaghatol ng nagkasala si Bise Presidente Sara Duterte sa nagaganap na impeachment trial.
Naninindigan si Presiding Senator Judge Francis Escudero na pag sinabing “lahat”, ibig sabihin 24. Sinasang-ayunan siya rito ni Dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Ascuna at Ilan pang mga eksperto sa batas.
Sa kabilang dako, sa isang post sa social media, ipinahayag ng Integrated Bar of the Philippines na ang ibig sabihin ng “2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado” na kailangang sumang-ayon sa hatol na conviction o nagkasala sa impeachment trial ay kung gaano karami ang nakakapanungkulan na mga Senador.
Ang posisyon na ito ng IBP ay malapit sa paninindigan ng kolum na ito. Ang pagkakaiba, pinaninindigan ng kolum ang ang probisyon ng Artikulo XI, Seksyon 3 (6) na nagsasabing “Kung ang mga Senador ay nakaupo sa ganung layunin [bilang Impeachment Trial Court], sila ay dapat na “nakapanumpa at napagpasang-ayon”.
Kaya hindi lang dahil sa ang natitirang bilang ng mga epektibong Senador ay 21 ang pinag-uusapan kundi, mas importante sa lahat, ang 21 na ito ay, una, nakaupo bilang mga Senator Judges, at pangalawa, ang 21 na ito ay napagpanumpa at napagpasang-ayon.
Mahalagang unawain na sa isyu ng “2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado,” hindi iisang entidad ang pinag-uusapan kundi dalawa. Una, ang Senado sa kalipunan nito bilang mga mambabatas. At pangalawa, ang mga Senador na nakaupo bilang mga Senator Judges.
Na hindi intensyon ng Konstitusyon na simpleng pagbalasakin ang dalawang entidad ay ipinakikita ng probisyon na kung ang mga Senador “ay nakaupo sa ganung layunin [bilang Impeachment Trial Court], sila ay dapat na nakapanumpa at napagpasang-ayon”.
Sa puntong ito, maitatanong: Bakit kailangang makapanumpa pa, samantalang pawang mga nakapanumpa na bilang mga miyembro ng Senado ang lahat ng Senador.
Maliwanag ang ibig ipakahulugan ng Konstitusyon: na iba ang Senado sa Impeachment Trial Court.
At kung sinasabi man ng Konstitusyon na “walang sinumang tao ang maaaring hatulan na nagkasala nang walang pagsang-ayon ng dalawa-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado,” iyon ay sa tanging pagkikilala na ang Impeachment Trial Court ay binubuo ng mga senador. Subalit pansinin na walang probisyon ang Konstitusyon sa kung gaano karami ang sinasabing “lahat ng miyembro ng Senado.” Pangkalahatan lamang na tinutukoy ng Konstitusyon ang nakapangyayaring bilang ng mga Senador na 24, subalit hindi bilang mga miyembro ng Impeachment Trial Court.
Sa obhetibong kalagayan ng Impeachment Trial Court, ilan ang bilang ng “LAHAT ng miyembro ng Senado” na nakapanumpa bilang mga Senator Judges?
Dalawampu’t isa.
Dalawampu’t isa (21) ang sukatang dami ng mga Senador na panggagalingan ng 2/3 na ayon sa Konstitusyon ay kailangan upang ma-convict ang Bise Presidente.
At 2/3 ng 21 ay 14, hindi 16.
Kung ganito ang siste, dalirutin na natin ang isyu.
Sa batayang panig-kontra kay Bise Presidente Sara, sinu-sino ang panig, sino ang kontra?
Sa panig: Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Loren Legarda, Bong Go, Robin Padilla, Imee Marcos, Mark Villar, Camille Villar.
Sa kontra: Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Ping Lacson, Tito Sotto, Joel Villanueva, JV Ejercito, Lito Lapid, Migz Zubiri, Francis Escudero.
Ipinanghuli natin si Escudero sa dahilang sa kanyang paggiit sa 16 bilang siyang itinatadhana ng Konstitusyon na kailangan upang ma-convict si Sara, ang kanyang boto ay maaasahan lamang na maging kabilanin.
Maaalaala na hanggang Hunyo 2, 2026, ang grupo ni Gatchalian ay hindi magawang magpulong dahil labing-isa lang sila. Noon lamang na pumakabila na si Escudero mula sa pangkat ni Cayetano nagkaroon ng sapat na bilang ang grupo ni Gatchalian upang magdeklara ng korum, ideklarang bakante ang puwesto ng mga pamunuan, at ihalal siya bilang Senate President Protempore at Acting Presiding Officer.
Noon lamang na tumawag ng Special Session ng Kongreso si Presidente Ferdinand Marcos Jr. at nakapagpakabila na rin si Joel Villanueva na pormal nang nahalal si Sherwin Gatchalian bilang Senate President.
Ngayon, sa panig-kontra kay Sara ang batayan, ito ang lumalabas na resulta: 8 panig, 13 lamang ang kontra.
Lakihan natin ang mga letra.
KULANG NG TATLO SA 16 NA IPINAGPIPILITAN NI ESCUDERO NA KAILANGAN UPANG MA-CONVICT SI SARA.
Sa pagpipilit ni Escudero na 16 ang kailangan upang ma-convict si Sara, ano ang kanyang ipinahihiwatig ngayon pa lang?
MULI, LAKIHAN NATIN ANG LETRA: ABSWELTO SI SARA.
Anak namp…!
Pa-presiding-presiding officer ka pa mandin ng Impeachment Trial Court, babastarduhin mo lang pala.
Markahan na ang bumasag sa impasse na di pagpulong ng Senado ay ang di-inaasahang pagpakabila ni Escudero mula sa mayorya ni Cayetano. Kaya nagawa na ang Korum ng Hunyo 3.
Lumilitaw na lingid sa ating kaalaman, napagplanuhan na kung papaanong ilulusot si Sara.
Lahat idaraan sa masalimuot na itse-buritse ng ligal na paglilitis, di-matapos-tapos na debate sa mga ilalahad na ebidensya. Lahat nang ito ay mauwi lamang sa isang grandyosong stage show tungo sa pagpapawalang-sala kay Sara.
Mangyari pa, lahat ng pambabastardo sa proseso ay sasagarin sa ligalidad.
Subalit sapat nang ipagpilitan ni Escudero ang bilang na 16 upang ang usapin ay humantong sa Korte Suprema.
Iyun ang naka-iskrip na finale ng palabas.
Magdedesisyon ang Korte Suprema na 16 ang bilang ng botong itinatadhana ng Konstitusyon upang mahatulang nagkasala ang Bise Presidente.
Kung mas mababa sa 16, abswelto siya.
Huwag kalimutan na una pa man, Korte Suprema na ang umunsiysmi sa marubdob na paghahangad ng sambayanan na mapanagot si Sara sa mga bintang na iniharap sa kanya ng Mababang Kapulungan.
Nakahanda na ang paglilitis, nag-convene na ang Senado bilang Impeachment Trial Court, ang mga Senador nadadamitan na ng mga robes bilang mga Senador-Huwes.
At sino ang Presiding Officer?
Si Senador Francis Escudero!
Sukat bilang unang business ay kilalanin ni Escudero ang mosyon ni Senador Ronald “Bato” de la Rosa na tanggihan ang Articles of Impeachment laban kay Sara.
Kalabisan nang alamin pa ang dahilan ni Bato. Mahalaga lamang na ipaliwanag na ang ganung mosyon ay wala sa lugar. SI Bato ay Huwes sa paglilitis. Trabaho niya ang makinig lamang at maghusga, hindi ang maghain ng mosyon na may kaugnayan na sa merito ng kaso.
Dinagdagan pa ang pagbastardo sa proseso ng pagsegunda naman ni Alan Peter Cayetano sa mosyon na may amyenda pa mandin. Ipinababalik ni Cayetano ang Articles of Impeachment sa Mababang Kapulungan upang pasertipikahan na ito ay hindi lumalabag sa one-year bar rule.
Inaprubahan ni Escudero ang mosyon.
Ang siste mo ay ito. Meron nang iniharap si Sara sa Korte Suprema na petisyon na humihinging ideklarang uconstitutional ang nasabing Articles of Impeachment sa dahilan na ito ay lumalabag sa one-year bar rule.
Ano ang makikita sa pagkakatagning ito ng mga pangyayari?
Lahat ng mga hakbang nina Bato, Cayetano at Escudero ay koordinado sa petisyon ni Sara sa Korte Suprema – na sa kaduluduluhan ay naghatol na ang Articles of Impeachment laban kay Sara ay uconstitutional.
Sumunod na sesyon ng Impeachment Trial Court, ipinahayag ni Escudero na kilalanin ang desisyon ng Korte Suprema na ang Articles of Impeachment laban kay Sara ay unconstitutional.
Wakas ng paglilitis. Malaya si Sara.
Sa ngayon na ipinagpipilitan ni Escudero na 16 ang kailangang boto upang ma-convict si Sara – alinsunod, aniya, sa probisyon ng Konstitusyon na “2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado” gayong ang aktwal na nakaupo bilang Impeachment Trial Court ay 21 lamang at sa gayon ang 2/3 ay 14 lamang – ang usapin ay muling sa kadulu-duluhan ay mauuwi sa pagpapasya ng Korte Suprema.
E, hanggang sa ngayon, sa 15 mahistrado ng Korte Suprema, nananatili ang kahindikhindik na 13 pawang mga appointee ng Tatay ni Sara na si Dating Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Saan pa ba hahantong ang hatol ng 13 kundi sa pag-abswelto sa ikalawang pagkakataon sa anak ng pinagkakautangan nila ng kanilang mga puwesto?

