KINUWESTIYON ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang naging batayan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpili ng mga bahagi ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na kanilang pinaniwalaan at inimbestigahan.
Sa ikawalong araw ng impeachment trial ni VP Sara nitong Martes, July 21, 2026, tinanong ni Cayetano si NBI Director Melvin Matibag kung paano nila napagdesisyunan na tutukan ang umano’y banta laban sa Pangulo ngunit hindi ang iba pang pahayag ng Vice President.
Ipinaliwanag ni Cayetano na sa parehong video na ipiniresenta noong paglilitis, sinabi rin ni VP Sara na may banta laban sa kanyang buhay at nagbanggit din siya ng malawakang korapsyon sa gobyerno.
“Simple question: paano ang naging process kung anong parts ng video at ng statement niya ang paniniwalaan mo or ng task force?… Ano ang process niyo kung anong parts ng video ang paniniwalaan niyo at hindi?” diretsahang tinanong ni Cayetano kay Matibag.
Sagot ni Matibag, nakatuon ang kanilang imbestigasyon sa bahagi ng pahayag na nagsasabing nag-utos umano si VP Sara ng pagpatay sa tatlong opisyal at pagbibigay diin na ito ay “no joke” o hindi isang biro.
Ayon sa NBI chief, nakita nila rito ang posibleng paglabag sa batas at usaping may kinalaman sa national security.
Hindi naman nakuntento si Cayetano at muling iginiit ang kanyang tanong.
“If you’re gonna believe that she contracted or may kausap siya at papapatay y’ung tatlo, will you not believe the previous [statement] nung sinabi niyang ‘kung ako naman ang papatayin?’”
Nang ipaliwanag ni Matibag na ang pahayag na “kung papatayin ako” ay tiningnan lamang nilang bahagi ng konteksto ng umano’y pagbabanta, muling nagtanong si Cayetano.
“Pero ang question ko, paano y’ung proseso niyo or y’ung naging thinking niyo na itong ipapapatay y’ung Presidente [ay] pinaniniwalaan [niyo,] pero itong siya ang papatayin [siya ay] hindi [niyo] paniniwalaan, at itong graft and corruption [ay] hindi rin [niyo] paniniwalaan. What’s the process there?”
Iginiit ni Matibag na ang kanilang naging batayan ay ang posibleng kasong grave threats at ang epekto nito sa national security.
Bago matapos ang kanyang pagkakataong magtanong, nilinaw ni Cayetano na hindi niya kinokontra ang sagot ng testigo kundi nais lamang niyang maunawaan ang naging batayan ng NBI.
“OK, I won’t argue with you. Iyan y’ung proseso niyo, ” sabi ni Cayetano.
Samantala, pinuna ni Cayetano ang pagpapalawak ng kapangyarihan ng NBI sa mga imbestigasyon.
Ito’y matapos sabihin ni Cayetano na limitado lamang ang kapangyarihan ng NBI sa pag-iimbestiga ng mga kaso, maliban kung uutusan ito ng Pangulo o ng Secretary of Justice na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang krimen kapag kinakailangan para sa kapakanan ng publiko (“undertake investigation of any crime when public interest so requires”).
“Why do they (the law) have to say ‘any crime’ if you can investigate any crime after all? It seems that you’re expanding your jurisdiction by yourself,” sabi ni Cayetano kay Matibag, na tumestigo sa ikawalong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inilahad ni Cayetano ang isyung ito matapos sabihin ni Matibag na maaaring mag-imbestiga ang NBI ng anumang krimen motu proprio o sa sarili nitong pagkukusa.
“Lahat ng mga pumapasok sa amin na mga krimen ay amin pong pwedeng imbestigahan motu proprio. Ganon din po y’ung mga krimen na mayroon pong nagreklamo,” sabi ni Matibag.
Ngunit sinabi ni Cayetano na taliwas ang pahayag ni Matibag sa Republic Act No. 10867, ang batas na nagtatakda ng mga kapangyarihan at tungkulin ng NBI.
“Section 4, the NBI shall have the following powers and functions. Undertake and investigate the detection of crimes and offenses enumerated under Section 5,” wika ni Cayetano sa pagbasa ng bahagi ng batas.
Ipinaliwanag niya na malinaw na nakalista sa Section 5 ang mga kasong sakop ng NBI. Kabilang dito ang mga kaso ng human trafficking sa lahat ng paliparan, extrajudicial at extra-legal killings ng mga pwersa ng estado laban sa mga mamamahayag, pagpatay sa mga mahistrado at hukom, paglabag sa Cybercrime Prevention Act, mga kasong isinasangguni ng Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council (IAGCC), at paglabag sa Anti-Dummy Law.
Dagdag ni Cayetano, kabilang din sa saklaw ng NBI ang mga ito: “Cases involving threats, security assaults against person of the president, vice president, senate president, speaker of the house, chief justices… Transnational crimes pursuant to existing international agreements, identification of dead victims in case of mass fatalities, incidents caused by natural disaster, and violation of commercial, economic, financial, white collar crimes.”
“Nandiyan iyong law. So, exclusive yung enumeration. Then it adds ‘Provided, however, that the President or Secretary of Justice may direct the NBI to undertake investigation of any crime when public interest so requires.’ So hindi ba limited ang pwede niyong imbestigahan except ang Department of Justice at Presidente ang pwede mag-atas?” sabi ni Cayetano.
Kinilala ni Matibag na tama ang listahang binanggit ni Cayetano ngunit iginiit niyang hindi nito nililimitahan ang kapangyarihan ng NBI.
“Yes. Y’ung pong ating listahan na iyan, tama po, nandiyan. Subalit hindi naman po sinasabi na nalilimita diyan ang aming pong pag-imbestiga,” sagot ni Matibag.
“We can still help and coordinate in the same way that if we are the primary investigating body,” dagdag pa niya.
Hindi sumang-ayon si Cayetano at sinabing taliwas ang interpretasyon ni Matibag sa pangunahing prinsipyo ng batas.
“Director, if that’s your interpretation, that goes against what they taught us in law school na kapag exclusive y’ung enumeration, you cannot add,” aniya.
Kasalukuyang nagsasagawa ang NBI ng dalawang magkahiwalay na imbestigasyon na may kinalaman kay Cayetano. Ang una ay tungkol sa umano’y hindi na-liquidate na pondo at mga iregularidad sa procurement kaugnay ng 2019 Southeast Asian Games. Ang pangalawa naman ay tungkol sa umano’y mga “ghost” flood control projects sa Lungsod ng Taguig, kung saan alkalde ang kanyang asawang si Lani Cayetano

