(Ikatlong bahagi)
KUNG pagkain, trabaho, at kalusugan ang pangunahing pangangailangan ng mahihirap na pamilya, sa maykayang pamilya, mahahalaga pa rin ang mga nabanggit, subalit may dagdag pa silang pagtutuunang gastusin. Ang susi sa kakayahan ng maykayang Filipino ay ang edukasyon. Ibig sabihin, parehong tapos ng kolehiyo ang tatay at nanay. Parehong matatag ang kanilang hanapbuhay. May mataas silang posisyon sa kumpanya o dili kaya’y sumusuweldo ang na may kabuuang humigit-kumulang PhP55,000–PhP97,000 pataas. Ayon sa datos ito ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na napaulat sa balita. Kung ang isa sa kanila’y hindi nagtatrabaho sa anumang kadahilanan, basta naaabot ng sinumang may trabaho ang household income na nabanggit sa itaas, pasok pa rin ang pamilya sa maykayang Filipino. Awtomatiko, prayoridad pa rin ang edukasyon ng mga anak. Kadalasan, ang mga anak ay nag-aaral sa UP, PUP o mga publikong pamantasan at kolehiyo sa bansa dahil libre ang edukasyon dito. Kung hindi man lubos na libre, kakayanin ng maykayang pamilya ang mga gastusin sa pagpapaaral ng kanilang anak. Ang ilan ay susubukang pumasok sa mga pribadong pamantasan tulad ng DLSU, Ateneo, at UST sa tulong ng iskolarsyip na inaalok ng mga ito para sa mahuhusay na estudyante na galing sa mahirap o maykayang pamilya.
Ang senyal na nakatuntong na sa ibang antas ang pamilyang Filipino ay kapag nagkaroon na sila ng sariling bahay at iba pang ari-arian. Kakayanin ng mag-asawa na bumukod na kung naninirahan pa sila sa bahay ng kaninumang magulang o kaya’y magdesisyong huwag nang mangupahan. Imbes na sa renta ng apartment napupunta ang suweldo nila, kukuha sila ng low-cost housing mula sa Pag-ibig. Inaasahan din na magpupundar sila ng mga gamit at appliances para sa sarili nilang bahay. Tumataas din nang unti-unti ang kanilang luho—mga bagay na mahal bilhin ngunit pinangangatwiranan nilang kailangan tulad ng motorsiklo o murang sasakyan, branded na damit, smartphone, alahas, atbp. Sa mata ng mga lending institution tulad ng mga bangko, may kakayahan na silang magbayad ng utang. Bumabaha ang offer ng credit cards sa maykayang pamilya. Sa mga bangko, isa ka nang ganap na mamamayang may pinansyal na kakayahan o citizenship by credit.
Kapag umakyat na sa household income na PhP97,000-167,000, ibig sabihin, napapabilang na sa upper middle-income ang maykayang pamilyang Filipino. Tumataas din ang simbolikong hangad nilang umangat sa iba. Kaya na nilang lumipat sa pribadong subdibisyon, bumili ng disenteng sasakyan, at magpaaral sa mga pribadong pamantasan. May sobra silang kita para mamasyal maski sa ibang bansa. Tataas lalo ang kanilang gastusin sa luho. Malaki rin ang posibilidad na lumobo ang kanilang utang at mga obligasyong pinansyal sa bangko.
Totoo ang hinuha na habang tumataas ang kita, tumataas din ang utang ng pamilya. Habang panay ang paggamit ng credit cards at nababayaran pa naman, tumataas din ang credit line. Kung dati’y PhP50,000 ang ilalako ng bangko, pataasin ito hanggang PhP100,000 o higit pa para lalo kang umutang at gumastos. Kung sa mahihirap na Filipino, ang problema at pangamba nila ay ang pagkagutom; sa may kayang pamilya naman, ang pangamba nila lagi ay ang pagbabayad ng utang. Ang masahol dito’y umuutang sila para magbayad ng utang. Ang gitnang uring fantasya sa pananaw ng kritikong si Rolando Tolentino ay nagiging gitnang uring fantasyang nabuo sa utang. Sa aking palagay, gitnang uring pangamba ang mabuway na posisyon ng maykayang pamilya sa bansa. Ang fantasya ay nakaumang na mangarap o umastang “can afford” o kaya’y “be like somebody else,” tulad ng hinihiraya’t hinahangaang tao, pamilya, o kolektibong mga tao na angat sa kanila. Samakatuwid, ang fantasya ay tukso at alok ng mga institusyong panlipunan tulad ng mga bangko, negosyo, at media/advertisement upang patuloy na kumonsumo ang bawat pamilya at indibidwal na may kakayahang magbayad o umutang. Kapag mas mataas ang utang o obligasyon ng pamilya kaysa sa buwanang kita nila dahil mas mataas ang gastusin sa luho kumpara sa pangunahing pangangailangan nila, nakalulungkot isipin na nasa bingit sila ng sukdulang pangamba—ang bumalik sa pagiging mahirap na pamilya. Narito ang mga katangian ng gitnang uring sukdulang pangamba:
- Lubog sa utang ang pamilya.
- Nakasangla o nagbebenta na ng mga ari-arian, o kaya’y naremata na ng bangko ang mga hinuhulugang lupa, bahay, sasakyan, at iba pa.
- Nawalan ng trabaho ang may pinakamataas na kita sa pamilya
- Tumigil sa pag-aaral ang mga anak o kaya’y lumipat sa ibang kolehiyo o paaralang mas mura.
- Hindi matustusan agad ang biglaang pagkakasakit o iba pang simpleng gastusin ng pamilya. Matutugunan ito kapag umutang uli.
Hindi ako ekonomista o financial adviser, subalit may praktikal akong pagtingin sa usaping pinansyal ng pamilya dahil sa aking karanasan at sa trial and error ng buhay. Natututo tayo sa mga naging maling desisyong pampinansyal at higit tayong natututo mula sa mga eksperto sa ganitong mga usapin. Kapag naabot na ng maykayang pamilya ang household income para matawag na middle class (middle o upper), kailangang magkaroon ng higit na financial security. Ito ang pananaw at praxis na matutulog at magigising tayo para maghanapbuhay, hindi upang magbayad ng mga utang, kundi para mas iangat ang estado ng ating pamumuhay. Hindi mawawala ang utang, ngunit mapapamahalaan ito nang maayos. Kailangang may savings mula sa household income. Ang payo at turo ng iba: kailangan ang forced savings. Unahin agad ang halaga ng savings, kung 5% o 10% ng income o anumang halaga mula sa income, at saka pa lamang maglaan para sa regular na gastusin ng pamilya. Kapag kasi ang gastusin ang uunahin, malamang wala nang matitira sa savings. Iba pa ang usapin ng investment dahil ang mga ito’y gastusin pa rin. Ang pagbili ng lote ay investment, subalit babayaran mo iyan buwan-buwan na tuluyang kakain din sa household income. Kung sa una kong pagtalakay, ang determinasyon ng mahihirap na pamilya’y makapagtapos ng pag-aaral ang mga anak, sa maykayang mag-asawa, kailangan ng pagpupursige upang magkaroon ng financial security. Sa ganang akin, kapag net zero ang income matapos ibawas ang gastusin, nasa alanganin ka. Lubos na nakababahala kapag net negative—mas mataas ang gastusin at marami kang utang. Technically, hindi ka mahirap; hindi rin maykaya. Napapabilang ka sa gitnang uring may sukdulang pangamba. Subalit sa mga financially literate na maykayang Filipino, paano nila maaabot ang pagiging mayaman? Hindi ito madali. Susugal tayo rito. Ang pagnenegosyo ang isang pathway. Nugnit, susuot muna tayo sa butas ng karayom.
(Itutuloy)

