25.7 C
Manila
Martes, Hulyo 28, 2026

Open Distance e-Learning (ODeL) Checklist

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG Open Distance e-Learning o ODeL ay isang inobasyon sa larangan ng pagtuturo at pagkatuto. Patuloy itong lumalaganap sa iba’t ibang antas ng edukasyon sa maraming panig ng daigdig. Ayon kay Dr. Grace Javier-Alfonso, dating tsanselor ng University of the Philippines Open University (UPOU) at kasalukuyang executive director ng TVUP, ang Open Distance e-Learning ay tumutukoy sa tambalan ng paggamit sa pilosopiya at etika ng pagiging bukas (openness), pedagohiya ng distance education, at teknolohiya ng e-learning upang makapagturo at matuto sa kabila ng distansiya, pagkakaiba ng oras at iba pang tukoy na limitasyon. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang paalala at panuntunan sa pagpapatupad ng ODeL batay sa repleksyon ko mula sa naging karanasan bilang dating mag-aaral at ngayon ay affiliate faculty ng UP Open University.

·      Tiyaking taglay ang maayos at maaasahang imprastraktura at teknolohiyang kakailanganin para sa ganitong moda ng pagtuturo at pag-aaral.

·      Tanganan ang pilosopiya at etika ng pagiging bukas (openness) upang makapagbigay ng oportunidad sa nakararami at karapat-dapat na magtamasa ng de-kalidad na edukasyon.

·      Pahalagahan ang malaking ambag ng ODeL sa sustainability praxis dahil sa mas mababang pangangailangang magbiyahe at kumonsumo ng petrolyo. Nakatutulong din ito upang mas mapagaan ang daloy ng trapiko.

·      Pahalagahan ang malaking ambag ng ODeL sa mga nagtatrabaho, migrante at may kapansanan.


·      Kilalanin din ang naitulong ng ODeL sa pagtugon ng mga institusyong pang-akademiko lalo na noong panahon ng pandemya upang matiyak ang learning continuity.

·      Unawain mabuti ang learning context ng mga mag-aaral upang mas mai-angkop ang pagtuturo at pagkatuto sa balangkas ng ODeL.

·      Alamin ang profile ng mga mag-aaral batay sa kanilang geographical, gender at age distribution. Mahalagang salik ang mga ito sa kontekstuwalisasyon at demokratisasyon ng karunungan.

·      Kaugnay ng nauna, alamin din ang mga partikular at magkakaibang learning need at learning style ng mga mag-aaral at maging ang kanilang mga communication preference.

- Advertisement -

·      Sa konteksto ng nauna, maaaring maging multimodal din ang learning materials at learning assessments upang mas matiyak na tumutugon at epektibo ang pagtuturo at pagkatuto. Alinsunod sa multimodal na balangkas, gumamit ng mga materyales na maaaring basahin, pakinggan at panoorin.

·      Balansehin ang paggamit ng individual at group requirements.

·      Alinsunod sa open learning, bigyan ng pang-akademikong kalayaan at ahensiya (academic freedom and agency) ang mga guro at mag-aaral upang maging pleksible, demokratiko at mayabong ang karanasan sa pagtuturo at pagkatuto.

·      Bigyang diin ang kahalagan ng komunikasyon sa pagpapatupad ng ODeL.

·      Kaugnay ng nauna, unawain mabuti ang mga elemento sa proseso ng komunikasyon sa pagbalangkas at pagpapatupad ng ODeL upang mas maging epektibo at episyente. Kabilang sa mga elementong ito ang source, message, channel, barrier, receiver, feedback at socio-cultural context.

·      Panatilihin ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng masusing pagpaplano ng course curriculum, delivery at assessment.

- Advertisement -

·      Ihanda mabuti ang mga guro at mag-aaral sa ganitong balangkas sa pamamagitan ng sapat na oryentasyon at pagsasanay.

·      Hasain ang mga education stakeholder sa larangan ng digital literacy. Kasama rito ang AI literacy at AI ethics.

·      Tiyaking malinaw ang patakaran ng pamantasan ukol sa paggamit o hindi paggamit ng artificial intelligence.

·      Unawain ang ODeL batay sa mga sumusunod na aspekto: pang-edukasyon, pangteknolohiya at panlipunan.

·      Kaugnay ng nauna, huwag din kalimutan sipatin ito mula sa moral at etikal na lente upang manatiling tapat sa makatarungang gamit at aplikasyon.

·      Tukuyin at ihanda ang lahat ng stakeholders sa gagamiting learning management system (LMS).

·      Maging handang umagapay sa mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng technical support upang matugunan ang mga magkakaiba pero magkakaugnay na usapin ng technological transition, technological dysfunction, at technological divide.

·      Magbigay rin ng kaukulang psycho-social at psycho-emotional support sa mga guro at mag-aaral upang matugunan ang anumang learning difficulty at technological pressure.

·      Tiyaking demokratiko ang akses na naibibigay sa lahat upang ganap na mapangatawanan ang praksis ng open learning.

·      Bumuo ng pleksibleng balangkas sa pagdidisenyo ng course syllabus at course guide sa asignatura nang may pagsasang-alang sa tambalan ng program, course at lesson outcomes.

·      Matuto mula sa mga sumusunod na nagtatambalang interaksyon: learner-learning material, learner-fellow learners, learner-teacher, learner-university at learner-community.

·      Gawing pleksible ang mga course assessment upang ganap pa rin itong matugunan ng mga mag-aaral anumang oras o saan mang lugar ang kanilang kinaroroonan.

·      Gawing abot-kaya ang course offerings upang ganap na maging demokratiko para sa lahat, lalo na para sa mga pinakanangangailangan.

·      Tukuyin ang mga karaniwang balakid o sagka sa matagumpay na pagpapatupad ng ODeL. Isa rito ay ang pagkabigong kumawala sa balangkas ng residential mode of learning delivery.

·      Palaganapin ang ODeL hindi lamang sa mga paaralan kundi maging sa iba pang organisasyon at ahensiya.

·      Sa konteksto ng nauna, unawain na ang ODeL ay nakabalangkas sa konsepto at prinsipyo ng adult learning. Bilang panimula maaaring basahin rin ang akdang ito: Adult Learning 101 – Pinoy Peryodiko.
·      Kilalanin din ang potensiyal na ambag ng ODeL sa human resource development ng mga organisasyon at opisina.

·      Maging pamilyar sa iba’t ibang porma at paraan ng course support at course delivery na nakabalangkas sa open learning kagaya ng Open Educational Resources (OER), Massive Open Online Course (MOOC) at microcredentials.

·      Kaugnay ng nauna, palaganapin din ang paggamit ng open textbooks bilang paraan ng demokratisasyon ng akses sa instructional materials (IM).

·      Matuto mula sa best practices ng ibang institusyon sa loob at labas ng bansa na nakapaloob din sa balangkas ng open learning, open university at ODeL.

·      Unawain ang nagbabagong educational landscape at tugunan ito alinsunod sa prinsipyo ng hustisya at pagiging likas-kaya (justice and sustainability).

·      Iwasang sumentro lamang ang dulog (o approach) sa usapin ng teknolohiya. Ang OdeL ay dapat tinanataw rin mula sa sosyolohikal at komunikatibong lente.

·      Palakasin ang online collaboration at social connection sa balangkas ng ODeL upang hindi maging mapag-isa (solitary o isolated) ang pag-aaral at pagkatuto.
·      Tiyakin ang kalidad ng ODeL sa pamamagitan ng periodic benchmarking, review, accreditation at quality assurance.

·      Gawing intersektoral, interdisiplinal at interpropesyonal ang konseptuwalisasyon at implementasyon ng ODeL upang matiyak na ito ay mas tumutugon, maramihang panig at may pananagutan.
·      Paunlarin ang ODeL praxis sa pamamagitan ng teaching-informed research at research-informed teaching.

·      Isulat ang karanasan sa OdeL at bumuo ng pananaliksik sa pamamagitan ng autoethnographic inquiry.

·      Tiyaking walang naiiwan at napagkakaitan ng oportunidad bunsod ng tendensiya ng iba na makipag-unahan at makipagtagisan sa pagkakamit ng digital breakthrough. Laging balikan ang open philosophy bilang salalayan ng inobasyong ito.

·      Pagmalasakitan ang mga sinaklot ng kalamidad at bigyan sila ng kaukulang konsiderasyon at agapay.

Bilang pagbubuo(d), dapat kritikal na maunawaan ang patuloy na nagbabagong instruksyonal, teknolohikal at panlipunang konpigurasyon na humuhubog sa disenyo at balangkas ng pagtuturo at pagkatuto. Sa parametrong ito, masasabing naging sentral ang papel ng open, distance, e-learning sa kasaysayan at pagpapanibagong-hubog na nasasaksihan natin sa larangan ng edukasyon. Mahalaga ring mabigyang pansin ang sentral na gampanin ng ODeL bilang inobasyon at interbensiyon sa konteksto ng tinatawag na VUCAD3 world (volatile, uncertain, complex, ambiguous, diverse, digital, and disruptive). Kaugnay nito, kailangan nating patuloy na maging mapagnilay (reflective), umaangkop (adaptive) at mapagbantay (vigilant) sa anumang susulpot pang mga oportunidad, alalahanin at hamon.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -