26.8 C
Manila
Lunes, Hulyo 27, 2026

Dalawang pabula mula sa Pillipinas at Japan, pinaghambing ni Dr. Jose Rizal

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG binanggit ang pabula (fable), ang pumapasok sa isip natin ay ang mga kuwentong maiikli na ang mga tauhan ay mga hayop. Personified ang mga ito. Ibig sabihin, binibigyan ng katangiang pantao ang mga bagay na non-human gaya ng mga hayop, bagay, o mga ideya. At kadalasan, ito ay nagtuturo sa mga mambabasa ng isang ‘moral lesson.’ Intensiyonal ang pagtuturo ng aral sa pamamagitan ng mga ganitong kuwento; hindi nagkataon lamang.  Ang mga pabula ni Aesop o ‘Aesop’s Fables’ ay sobrang naging popular. Sa pamamagitan ng mga kuwentong gumagamit ng mga hayop bilang tauhan, maraming aral ang naihatid sa mga mambabasa noon.

Ang pabulang ‘The Monkey and the Tortoise’ na muling isinalaysay ni Dr. Jose Rizal

Ang popular na kuwentong bayan na ‘Si Matsing at si Pagong’ ay maituturing na isang pabula. Muli itong isinalaysay ni Dr. Jose Rizal bilang ‘The Monkey and the Tortoise.’ Ang kuwentong ‘Ang Tipaklong at ang Langgam’ ay nagtuturo sa atin ng pag-iimpok upang may madudukot sa panahon ng taghirap o krisis. Ang ‘Karera ng Kuneho at Pagong’ ay nagtuturo sa atin nang pagiging matiyaga: ‘slow and steady wins the race’. Pansinin na ang mga katangiang taglay ng mga hayop ay siya rin mismong nakatampok sa kuwento. Ang pagiging mabilis tumakbo ng kuneho. Ang mabagal na pag-usad ng pagong. Ang paglundag-lundag (o waring pagiging carefree) ng tipaklong. Ang pagiging tuso ng matsing.

Isang tagpo sa pabulang ‘The Battle of the Monkey and the Crab’ mula sa Japan (Larawan mula sa internet)

Nalathala ang kuwentong ‘Si Matsing at si Pagong’ sa Trubner’s Oriental Record sa London matapos na ito’y ipasa roon ni Dr. Jose Rizal. Ang naturang akda ay nalathala sa ilalim ng ‘Two Eastern Fables’ (‘Dalawang Pabulang mula sa Silangan’). Sa London unang nalathala ang kuwentong-bayan nating ito. Nang minsang magtungo nga sa Bristish Museum si Neni Sta. Romana-Cruz, kilalang children’s book author at dating Tagapangulo ng National Book Development Board, inalam namin sa kanya kung talaga nga bang nandoon ang akdang ito ni Dr. Rizal. Na kinumpirma naman niya.

Sipi ng unang pahina ng artikulong sinulat ni Dr. Jose Rizal: ang ‘Two Eastern Fables’ (mula sa publikasyong Philippine Review ng UP Diliman)

Bukod sa kuwento nina Matsing at Pagong, ang isa pang kuwento na binabanggit sa ‘Two Eastern Fables’ ay ang ‘Saru Kani Kassen: The Battle of the Monkey and the Crab’, isang Japanese folktale (na ibinatay ni Rizal ayon sa bersiyon nang pagkakalathala nito sa Kobusha sa Tokyo). Gumawa si Dr. Rizal ng isang comparative review nang pagkakatulad ng dalawang kuwentong-bayang ito. Nais niyang ipunto na bagama’t magkaiba ang naging wakas ng kuwento, maaaring iisa ang pinanggalingan ng mga ito. Na maaaring nagkaroon na lamang ng modification. Ngunit alin sa dalawa ang nauna? Walang makapagsasabi. Ang kuwentong-bayan ay mga kuwentong nagpapasa-pasa sa iba’t ibang henerasyon.

Hayaan n’yong ikuwento ko sa inyo ang buod ng ‘Saru Kani Kassen: The Battle of the Monkey and the Crab.’ Isang araw, habang naglalakad sa tabi ng bundok ay nakapulot si Matsing ng isang buto ng punongkahoy (persimmon seed). Ang crab (sabihin nating alimango) naman ay nakapulot ng isang toasted rice cake (o maaaring rice ball). Nakaramdam ng gutom ang matsing at naisipang ipagpalit ang kanyang hawak na buto ng persimmon kay alimango na may dalang bilog na kakanin. Nang una’y ayaw pumayag ni Alimango dahil mas malaki ang napulot niya kaysa sa buto ng Persimmon. Pero kinumbinsi ni Matsing na kapag itinanim ang buto at naging puno, ito’y mamumunga ng maraming persimmon fruits. Matapos makumbinsi at maipagpalit ang buto, agad kinain ng matsing ang naturang rice cake. Iniuwi naman ng alimango ang buto at itinanim.


Muling isinalaysay at pinaghambing ni Dr. Rizal ang dalawang pabulang galing sa Pilipinas at Japan sa artikulong ‘Two Eastern Fables’ na nalathala sa Trubner’s Oriental Record sa London 

Di nagtagal, ang naturang buto’y lumaki, lumago, at namunga ng maraming persimmon, isang napakasarap na prutas. Ang problema, hindi kayang akyatin ni Alimango ang puno ng persimmon. Kaya nakiusap siya kay Matsing na ito na ang pumitas para sa kanya. Pumayag si Matsing. Ang kaso, noong nasa taas na ng puno si Matsing, kinain niya ang lahat ng bungang hinog ng persimmon. Nakiusap si Alimango na hulugan naman siya ng hinog na bunga. Sa halip, mga hilaw na bunga ang ibinabato niya kay Alimango, na halos mabasag ang katawang shell kapag tinatamaan. Mabuti’t nakapagtago sa butas ng lupa ang Alimango upang makaligtas sa lupit na ipinakita ng Matsing.

Nang nalaman ng mga kaanak ng Alimango ang pangyayari, nagpasya silang maghiganti sa pamamagitan nang pag-iimbita sa Hari ng mga Matsing na dumako sa kanilang lugar. Nais nilang humingi ng paumanhin ang mga matsing sa ginawang pang-aapi kay Alimango. Walang kamalay-malay ang matsing sa plano ng mga crabs. Sunod-sunod ang naging pangyayari (batay sa plano): napaso ang kamay ng matsing nang tamaan siya ng nilagang itlog mula sa abo, nakagat ng putakti, nadulas sa seaweed, bumagsak sa sahig, at nahulugan ng matigas na mortar (dikdikang bato) sa likod. Halos hindi na makalakad ang matsing.

Sa mga naturang salaysay, parehong may tauhang kontrabidang matsing (o unggoy) na sakim, abusado, at mapaghiganti. Parehong naging mapagsamantala ang mga matsing sa dalawang kuwentong ito. Samantala, ang pagong naman sa ating kuwentong-bayan ay may pagkakatulad sa crab (na maaaring talangka, alimango, o alimasag). Parehong mabait, mababang-loob, masipag, at mapagpasensiya ang pagong at ang alimango.

Tungkol naman sa punong napulot nila, ang sa atin ay ang mismong ‘puno ng saging’ na nakita nina Matsing at Pagong na palutang-lutang sa ilog. Samantala, ang sa mga Hapones naman ay hindi puno kundi isang buto ng ‘persimmon tree’ (na may bungang kulay-kahel, matamis na parang chico, malutong, at madalas na mabibili lang sa ating bansa kapag nalalapit na ang pasko). Ang pagpitas sa mga prutas na ito – ng saging at persimmon – ang magpapasimula ng matinding alitan o away sa pagitan ng dalawang tauhan sa magkaibang kuwento.

- Advertisement -

Binanggit ang ‘mortar’ o dikdikang-bato sa parehong salaysay. Sa kuwento nina Matsing at Pagong, ito ang naisip ni Matsing na gagamiting pandurog kay Pagong na nagtanim ng maraming matutulis na suso (snail) sa katawan ng punong saging at sumugat sa kanya. Sa kabilang banda, upang lansihin si Matsing, pumayag si Pagong sa kasunduang siya’y dikdikin sa mortar (dikdikang-bato) sa katwirang mas lalo pa siyang dadami kapag siya’y dinikdik. Lahat daw ay puwedeng gawin sa kanya ni Matsing huwag na huwag lang ang ihagis siya sa ilog. Nalimutan ni Matsing na ang Pagong ay kayang manirahan sa tubig!

Sa ‘Battle of the Mokey and the Crab,’ ang ‘mortar’ o ‘dikdikang-bato’ ay isang bagay na bumagsak sa katawan ng Matsing na naging mapagmalabis. Sa bigat nito ay talagang nanghina at hindi na makalakad si Matsing. Noon naglabasan ang maraming crabs at gamit ang kanilang sipit ay pinagpira-piraso nila ang masibang matsing.

 

Dahil sa maraming pagkakatulad sa istruktura ng kuwento, malaki ang paniniwala ni Dr. Rizal na ang dalawang kuwentong-bayang ito ay magkaugnay o maaaring iisa ang pinagmulan. Sinasabing maaaring nanggaling ito sa Timog (South): sa Sumatra, Java, Borneo, Mindanao (o iba pang isla sa Pilipinas).   Pero pagdating sa kuwentong-bayan na ‘Si Matsing at Si Pagong,’  ganito ang sinabi ni Rizal: ‘The fact that this tale is known everywhere in the Philippines, in every land, province, village, and dialect, proves that it must be the inheritance of an extinct civilization, common to all races which ever lived in that region.”

Ang dalawang kuwentong-bayan na ito ay malinaw na naglalarawan sa labanan ng mahihina at mga makapangyarihan (the battle between the weak and the powerful). Sinasabing muling isinalaysay sa English ni Dr. Rizal ang ‘Battle of the Monkey and the Crab’ isang taon matapos niyang mabisita ang bansang Japan.

Lilipas pa ang maraming dekada at sasakupin ng Japan ang Pilipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Hindi man sinasadya’y waring mauulit ang kuwento ng tauhang mahina laban sa tauhang makapangyarihan sa dalawang pabulang ito. Hindi ba’t ang naganap na Japanese occupation sa bansa ay nagpakita ng kakaibang lupit ng mga sundalong Hapones laban sa mga kawal na Pilipino?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -