NANINIWALA ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na ang paghahain ng petisyon para makansela ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Election (COMELEC) ay bahagi ng pinaiigting na mapanlinlang na batikos sa kanya para pigilan siyang manalo sa darating na halalan.
Sa panayam ng GMA-DZBB kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, sinabi nito na pinayuhan siya ni Marcos na paghandaan pa ang sunod-sunod na atake at maruming pulitika o “gutter politics” habang papalapit ang 2022 national elections.
“Naiiling na lang. Sinabihan niya ako na this is just the start of their vicious attacks para pigilan siya (sa kanyang kandidatura),” ani Rodriguez nang tanungin siya sa reaksyon ni Marcos ukol sa petisyong inihain sa kanya.
Pero iginiit din ni Rodriguez na pinayuhan siya ni Marcos na paalalahanan ang lahat ng supporters na huwag patulan ang “gutter politics” o maruming pulitika ng kabilang kampo.
“Sinabihan niya kami na huwag mapikon at huwag pansinin at tuloy lang ang kampanya na “unifying leadership,” dagdag ni Rodriguez
Matatandaan na naghain ng petisyon sa Comelec ang grupo ng Kapatid, isang prisoners’ rights group, para ipakansela ang certificate of candidacy ni Marcos.
Sinabi pa ni Rodriguez na malinaw umano na pamumulitika lamang ang intensyon ng naturang grupo.
“Kitang-kita ng sambayanang Filipino na patuloy ang pang-aapi ng iba’t ibang grupong dilawan kay presidential aspirant Bongbong Marcos,” giit ni Rodriguez.
Dagdag pa ng abogado na bahagi pa rin ito ng maruming pulitika na pilit ipinabato laban sa kanilang kampo.
“Alam naman ng lahat na ito ay nagmumula sa “yellow wannabe political assassins, ani Rodriguez.”