26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

‘Buohang’ pagpapalakas sa agrikultura isusulong ni Bongbong

- Advertisement -
- Advertisement -

Sinabi kamakailan ni Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na nais niyang isulong ang isang ‘buohang paglapat ng sistema’ na magpapalakas sa sektor ng agrikultura ng bansa.

Sa kanyang panayam sa FMR Tacloban, sinabi ni Marcos na kanyang nakikita ang pangangailang mas mapaunlad ang sistema ng agrikultura upang mas lalong makapagbigay ang gobyerno ng magandang buhay sa mga magsasaka na lubusang naapektuhan ng pandemiya.

Ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ang kanyang plano ay mamumuhunan ng malaki sa pananaliksik at paggawa ng mga programang tiyak na makakatulong sa mga magsasaka hanggang makatapos sila sa pag-aani.

Dagdag pa ni Marcos, ang bawat programa ay makakatulong sa bawat isa na siyang magreresulta sa masagana at masiglang sektor ng agrikultura.

“Malaking sistema ang agrikultura at kailangan natin buuin ulit yan para maging mas maganda ang buhay ng ating mga farmer. Ang tulong na mabibigay ng gobyerno ay magbuo ng sistema gaya ng meron tayo noon,” ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.

Inalala ni Marcos ang pagtatag ng International Rice Research Institute (IRRI) noong 1960s, at ayon sa kanya, pananaliksik o research ang unang hakbang sa pagpapabuti ng sektor ng agrikultura kung saan ang mga researchers ay hahanap ng iba’t ibang uri ng pananim na makakaya ang pabago-bagong panahon at iba pang paraan upang matulungan ang mga magsasaka na kabilang sa sektor na pinaka-apektado kapag panahon ng kalamidad.

Para kay Marcos, ang susunod na hakbang na dapat gawin ng pamahalaan ay ang paghahanda ng mga loan packages at tulong teknikal sa mga magsasaka.

“Yung binhi, fertilizer, pesticide, lahat ‘yan ay dapat makabili ang gobyerno ng marami para makamura tapos kasama ‘yun sa production loan. Hindi naman dapat kumita ang gobyerno kaya maibibigay nila ng mas mura ,” sabi niya.

Noong 1973, lumikha ang dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ng isang emergency program na kanyang tinawag na “Masagana 99” upang matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga technology packages na may matataas na uri ng palay at murang mga pesticides at pataba. Ang programang ito ay naglayon na maresolba ang problema sa kakulangan ng bigas.

Sinabi ni Marcos na ang Masagana 99, IRRI, pati na rin ang proyekto ng first lady Imelda Marcos na Kadiwa ay mga sistematikong program na lubusang nakatulong sa mga magsasaka pati na rin sa mga mamimili.

“Meron tayong sistema noon. Meron tayong Masagana 99 for high production, merong IRRI (International Rice Research Institute), at meron tayong NFA (National Food Authority) na ini-stabilize yung presyo ng palay at mais,” sabi niya.

“Yung technical support para sa mga farmer, kailangan na kailangan natin yan so dapat maglagay tayo ng sistema na may technical support. Meron naman tayo ngayon pero siguro palawakin natin. ‘Yung tinatawag na techno demo (or) technical demonstration kung saan yung mga scientist, pupunta mismo sa mga magsasaka at tuturuan sila ng bagong teknik kung ano ‘yung bagong produkto na pwedeng gamitin,” dagdag pa niya.

Dapat din aniya na magkaloob ang pamahalaan ng mga malalaking gilingan at dryer machines para mas mapabuti at mapataas ang produktibidad ng mga magsasaka.

Sabi ni Marcos, ang sistemang kanyang nabanggit gaya ng pagbibigay ng loan at tulong sa mga magsasaka ay ang kanyang mismong ginawa noong siya ay gobernador pa ng Ilocos Norte.

“’Yun ang aming ginawa sa Ilocos Norte. Ang aming ginawa ay nagtabi ako ng pondo, ‘yun ang ginamit namin na pang production loan. Bumili kami ng maraming pesticide, maraming fertilizer, lahat ‘yan at ‘yun ang sinama namin sa production loan. Ang pambayad ng farmer, hindi pera, pambayad nila palay. So ‘yung palay, nung provincial governor ako, tinatabi ‘yan tapos pinoprocess sa malalaking milling machine,” sabi ni Marcos.

“Tapos nun, ginawa kong trader yung probinsiya, nagpa-accredit ako na trader ‘yung probinsiya. Kami ang nagbebenta ng bigas, ‘yung kinita na pagbenta sa bigas, balik sa pondo para sa susunod na planting season,” paliwanag pa niya.

Ang paggamit ng maayos na sistema para kay Marcos ay magreresulta sa mas malaking kita ng mga magsasaka  na maglilikha din ng matatag na kabuhayan sa farming sector.

Isinusulong ni Marcos na mas palakasin pa ang sektor ng agrikultura matapos makita ang kahinaan nito ng tamaan ng pandemiya ang bansa.

Ayon sa datos na nilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang agriculture production para sa third quarter ng 2021 ay bumaba sa 2.6 percent.

“Balikan natin ang agrikultura, patibayin natin ulit kasi ang katotohanan diyan napag-iwanan, napabayaan ang agrikultura sa Pilipinas kaya’t kailangan balikan,” sabi ni Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -