Kinalap mula sa PCUP Public Information Unit
LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Pinangunahan ni Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson Elpidio Jordan Jr. ang awarding ng mga accreditation certificate sa 25 urban poor organizations na kinilala ng ahensya na kakatawan sa mga miyembro nito na siyang uugnay sa kanilang mga komunidad sa pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng iba’t iba mga line agency nito.
Bukod kay Jordan, dinaluhan ang aktibidad ng iba pang opisyal ng PCUP na kinabibilangan nina National Capital Region (NCR) Commissioner Rey Galupo, NCR Field Operations Division (FOD-NCR) Assistant Chief Dennis Protasio at mga kinatawan ng FOD-NCR.
.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Jordan ang kahalagahan ng pagbibigay akreditasyon sa mga urban poor organization upang magkaroon sila ng access sa mga kinakailangan nilang serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan para sa mga marginalized sector tulad ng urban poor na kung minsa’y nabibiktima ng mga paglabag ng kanilang mga karapatan.
“Nakikita kong excited po kayo sa inyong bagong tungkulin bilang mga lider ng ating mga UPO. Hindi pwedeng maliitin o tawaran ang magiging tungkulin n’yo dahil siksik at hitik sa iba’t ibang problema at isyu ang situwasyon ng ating urban poor o maralitang tagalungsod,” kanyang pinunto.
“Ito ang dahilan kung bakit nga hinirang kayo sa bagong n’yong papel dahil kailangan na mayroong gigiya at magbibigay gabay sa ating mga mahihirap na kababayan tungo sa maayos na pamumuhay sa ating lipunan,” dagdag ng hepe ng PCUP.
Sa kabilang dako, pinangako naman ni Galupo na sa ngayon, makakaasa ang mahihirap nating kababayan ng isang PCUP na handang bumaba at lumapit sa kanila para matulungan silang makamit ang ayudang hinihingi mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga polisiya at proyektong makakapag-ugnay sa kanila ng mahahalagang serbisyo tulad ng mga caravan at mga seminar at pagsasanay para sa inisyatibong pangkabuhayan.
“We will not only be sitting inside our air-conditioned offices but will be ‘hands-on’ our jobs, moving and empathizing with the people so we will have a better and clear view of what is really happening on the ground for the equal protection of all stakeholders,” wika ng opisyal.