30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

PCUP, MPD nagkaisang tumulong sa mga maralitang taga-Maynila

- Advertisement -
- Advertisement -

MAYNILA — Nagsagawa ng usapan ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Manila Police District (MPD) upang buuin ang tambalan na magpapaigting sa pagsulong at mapalawig ang mga programa at polisiya na mag bibigay ng mahahalagang pagtulong sa mga maralitang taga-Maynila.

Sa courtesy call kay MPD chief Brig. Gen. Andre Dizon, binigyang-halaga ni PCUP National Capital Region (NCR) commissioner Rey Galupo ang pakikipagtulungan ng komisyon sa pulisya upang matiyak na marerespeto at mapoprotektahan ang mga karapatan ng mga maralitang tagalungsod, partikular na sa dahilang ang Maynila ang may pinakamalaking bilang ng mga informal settler family (ISFs) sa bansa.

“Kailangan po nating makipagtulungan sa lahat ng ahensya ng pamahalaan upang maging maayos ang ating pakikitungo sa ating mga maralitang tagalungsod kaya malaki ang bahagi ng ating pulisya sa pagpapatupad ng aming mandatong magbigay ng tunay na serbisyo sa publiko, partikular na sa ating urban poor,” punto ni Galupo.

Tiniyak naman ni Dizon sa dating mamamahayag at kasalukuyang PCUP-NCR commissioner na ang Pulis Maynila ay palagiang magiging handa sa pagsuporta sa mandato ng PCUP ukol sa pagseserbisyo sa mga maralita nating kababayan, pati na ang pagprotekta sa mga karapatan ng lahat ng mga stakeholder ukol sa mga demolisyon at eviction.

“Makakasiguro ang PCUP at maralitang tagalungsod na ibibigay namin ang suporta at sapat na seguridad sa ganitong mga pagkakataon upang maiwasan ang anumang pang-aabuso o masamang bagay na maaaring maganap,” idiniin ng hepe ng MPD.

Binigyan diin din ng magkabilang panig ang kanilang mga layunin upang makatulong sa pagtugon sa lumalaking bilang ng mga street children at street dwellers na nagiging malaking hamon sa programa ni Pangulong Marcos na itaas ang antas ng mga maralitang tagalungsod.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -