Naghain si Senador Win Gatchalian ng resolusyon sa Senado na naglalayong alamin o imbestigahan ang potensyal ng langis at gas sa West Philippine Sea upang matugunan ang pag-i-import ng bansa para sa mga pangangailangan natin sa enerhiya.
Ang imbestigasyon ay sesentro sa pagtulak ng exploration, development, at utilization ng naturang mga oil at gas reserves tungo sa pagkamit ng seguridad sa enerhiya.
“Dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nararanasan sa buong mundo, mahalagang tiyakin natin ang potensyal ng langis at gas sa West Philippine Sea para magkaroon ang bansa ng katatagan at proteksyon mula sa mga geopolitical conflict na lubhang nakaapekto sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa,” sabi ni Gatchalian.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), may tinatayang 6,203 milyong bariles ng kabuuang yamang langis at 12,158 bilyong cubic feet ng kabuuang gas resources sa West Philippine Sea.
Sa kasalukuyan, mayroong limang service contract ng petrolyo sa West Philippine Sea. Ito ang Service Contract 54 na hawak ng Nido Petroleum Philippines Pty Ltd. sa Offshore Northwest Palawan, Service Contract 58 na hawak ng Nido Petroleum sa West Calamian o Northwest Palawan, Service Contract 59 na hawak ng Philippine National Oil Company-Exploration Corp. sa Southwest Palawan, Service Contract 72 na hawak ng Forum (GSEC101) Ltd. sa Recto Bank, at Service Contract 75 na hawak ng PXP Energy Corp. sa Northwest Palawan.
“Ang kakulangan ng oil at gas exploration at bilang resulta ng kakulangan ng indigenous oil at gas ay nagdulot sa bansa ng import dependence kung saan umabot sa 98% noong 2021 ang mga na-import nating produktong petrolyo,” sabi ni Gatchalian.
“Sa katunayan, bumaba ang energy self-sufficiency ng bansa sa 51.15% noong 2021 mula 61.4% noong 2011,” dagdag niya.
Ayon kay Gatchalian, ang masamang epekto ng palaging umaasa sa imported na gasolina ay lalong naramdaman noong nagsimula ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagpataas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan mula USD50 kada bariles noong Enero 2021 hanggang USD120 kada bariles noong Marso 2022. Kung matatandaan, ito ay nagresulta sa pagtaas ng presyo ng lokal na produktong petrolyo mula P50 kada litro hanggang halos P90 kada litro noong Hunyo 2022.