Sa gitna ng pagdiriwang ng Local Government Month ngayong Oktubre, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas aktibong pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa paghahatid at pag-angat sa kalidad ng basic edukasyon.
Sa ilalim ng 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) na inihain ni Gatchalian bilang prayoridad na panukalang batas ngayong 19th Congress, palalawigin ang local school board upang gawing bahagi ang iba pang education stakeholders at miyembro ng komunidad. Magiging mandato sa mga local school board ang pagpapatupad ng mga polisiya upang iangat ang kalidad ng edukasyon. Pinapalawig din ng naturang panukala ang maaaring paggamitan ng Special Education Fund (Fund) upong suportahan ang papel ng local school board.
Ang SEF ay nagmumula sa dadgag na isang porsyentong buwis sa real property na nilalaan ng Local Government Code (Republic Act No. 7160) sa local school board para sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan at pagpapatayo at pagkumpuni ng mga school buildings.
“Marami na tayong ginawa upang tugunan ang mga isyu sa sektor ng edukasyon, ngunit hindi pa natin nabibigyan ng puwang ang ating mga komunidad upang makalahok nang lubos sa edukasyon ng ating mga kabataan. Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, mabibigyan natin ang ating mga LGU ng mahalagang papel sa paghahatid at pag-aangat ng kalidad ng edukasyon,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang tagumpay ng mga programa at repormang ipapatupad ng mga local school board ay susukatin gamit ang mga batayang tulad ng participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng mga dropouts at out-of-school youth, achievement scores sa mga national tests o assessment tools, bilang ng mga naipatayong child development centers, suporta sa special needs education at Alternative Learning System (ALS), at ang pagpapatupad ng parent effectiveness service program.
Magiging responsibilidad din ng local school board ang pagpapatupad ng mga akma, napapanahon, at organisadong mga hakbang sa paghahatid ng edukasyon sa panahon ng kalamidad at mga sakunang nagiging sanhi ng pagka-antala ng edukasyon. Magiging responsibilidad na rin ng local school board ang pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng ALS sa mga siyudad at munisipalidad.
Sa ilalim ng panukalang batas, papayagan na ang paggamit ng SEF para sa mga bagay tulad ng sahod ng mga guro at kawani sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school, sahod ng mga pre-school teachers, capital outlay para sa pre-schools, pagpapatakbo ng mga programa para sa ALS, honorarium at allowances ng mga guro at kawani para sa mga dagdag na trabaho sa labas ng regular na oras ng trabaho.