LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Makaraang magsagawa ng mga mini caravan mula Mayo hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan, nagawang maabot ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at makapagbigay ng mahahalagang serbisyo sa mahigit 6,000 benepisyaryo sa bansa at nahigitan ang target nitong 3,000 para sa taong 2022.
Habang ang proyekto ay nakumpleto na para sa taong kasalukuyan at sinimulan na ang paghahanda sa nalalapit na Local Government Unit Forum (LGUF) sa Oktubre 25 at Urban Poor Solidarity Week (UPSW) sa Disyembre, nangako si PCUP chairperson at chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. na bumabalangkas na ang Komisyon ng iba pang mga inisyatibo na mas makakapagbigay ng serbisyo sa sektor ng mahihirap, partikular na ang mga maralitang tagalungsod.
“This does not mean that we will no longer reach out to our poor countrymen because we will be expanding our programs to further accommodate those who need our services. Hindi kami titigil sa pagtulong sa ating mga maralitang kababayan,” pagdidiin ni Jordan alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.’s na tugunan at lutasin ang problema ng kahirapan.
Bahagi ng mandato ng PCUP ay iugnay ang mahihirap at bigyan sila ng access sa kaukulang ahensya ng pamahalaan na makakatulong na matugunan ang kanilang mga hinaing at pangangailangan, tulad ng pabahay at hanapbuhay at maging ang mga usapin sa kalusugan, edukasyon at trabaho.
Sa mga isinagawang mini caravan ng PCUP, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng mahahalagang serbisyo, kabilang na dito ang mga medical mission at dental care, feeding program, job hiring at skills training at pamamahagi ng mga hygiene kit at food packs.
Nagpahayag ng taus-pusong pasasalamat ang mga benepisyaryo sa PCUP dahil sa dedikasyon nito na bigyan sila ng tulong para lalo silang mapalapit sa pamahalaang nasyonal.
“Nagpapasalamat kami kay Pangulong Marcos dahil ngayon ay nararamdaman namin ang katapatan ng pamahalaan na tulungan kaming mga maralita,” anila.
Mula Mayo 31 hanggang Setyembre 22, naisagawa ang mga reach out activity sa sa Barangay Cabuan sa Guinsiliban, Camiguin; Pangarap Village sa Bgy. 182 sa Lungsod ng Caloocan; Bgy. Badiang sa Maasin City, Southern Leyte; Bgy. Fatima sa Ubay, Bohol; Bago City sa Negros Occidental; Bgy. Poblacion sa Kalamansig, Sultan Kudarat; Bgy. Manoc-Manoc sa Malay, Aklan; Bongao sa Tawi-Tawi; at Ipil sa Zamboanga Sibugay.