LUNGSOD NG MANDALUYONG, Kalakhang Maynila — Alinsunod sa poverty alleviation program ng administrasyong Marcos, nagpahayag ng buong suporta si Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr. sa gagawing Local Government Unit Forum ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na hihimok sa partisipasyon ng mga LGU na lumahok sa mga programa at proyekto ng PCUP.
Dahil sa ito ang kauna-unahang LGU Forum na isasagawa ng PCUP sa Oktubre 25, inaasahang lalahok ang mga LGU sa National Capital Region (NCR) at ilang piling lungsod at munisipalidad sa Luzon para mapaigting ang pakikipag tambalan sa pagitan ng Komisyon at mga local government chief executive (LGCE) sa layuning makapagbigay ng serbisyo at tulong sa mga mahihirap, partikular na ang mga maralitang tagalungsod.
Ikinatuwa ni PCUP chairperson and chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang pangakong suporta mula kay Abalos para idiing naniniwala siyang ito’y magbubunsod ng mas maraming pang pag suporta mula sa iba’t ibang LGU sa pagtupad ng mandato ng PCUP na tumulong at protektahan ang ating mahihirap na kababayan.
“Nakakatuwang isipin na napakadaling kausapin at kumbinsihin ang ating mahal na alkalde at nararamdaman kong ang dahilan ay nakatalima din siya sa adhikain ng ating Pangulo na paigtingin ang mga oportunidad ng ating mamamayan na magkaroon ng mas magandang pamumuhay sa pamamagitan ng mga inisyatibong makakatulong sa kanila at maingat sila mula sa karukhaan tungo sa maliwanag na kinabukasan,” pinunto ni Usec. Jordan.
Sinabi ni Abalos na lalahok siya sa gaganaping LGU Forum sa Quezon City habang idinagdag na gagawin niya ang lahat para matiyak na magiging matagumpay ang pagpupulong na dadaluhan ng 16 na alkalde at nag-iisang municipal mayor at piling mga local government executive (LGEs).
Nangako din si Abalos na susuportahan niya ang nalalapit na Urban Poor Solidarity Week (UPSW) sa Disyembre bilang host ng aktibidad sa Mandaluyong.
Kanyang binigyang-diin na may mahalagang bahagi ang PCUP sa programang pang-mahirap ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.’ at gayun din sa panawagan ng pagkakaisa ng punong ehekutibo para sa pagtugon at pagresolba ng problema ng bansa ukol sa kahirapan at pagpapalakas muli ng ating ekonomiya.