Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa lahat ng ahensyang kinauukulan na tugisin ang mga smugglers ng mga agricultural commodities at protektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa kompetisyon.
“Kaliwa’t kanan ang mga nakukumpiskang produktong smuggled pero wala pang nahuhuling malaking isda. Dapat masawata ang mismong mga “big fish” upang mahinto o mabawasan ang iligal na pag-aangkat ng mga produkto,” ani Gatchalian.
Kung matatandaan, nagsagawa pa nga ng pagdinig ang Senate Committee of the Whole tungkol sa isyu noong Hunyo ng nakaraang taon at lumabas sa report ang sinasabing pagkakasangkot ng ilang indibidwal sa malakihang pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura.
“Malaki ang itinaas ng presyo ng iba’t ibang produktong pang-agrikultura dahil sa talamak na pagpupuslit ng mga produktong ito sa bansa na nakikipagkumpitensya sa lokal na produko at nagpapahina sa productivity ng ating mga magsasaka,” sabi ni Gatchalian.
“Bukod sa nadedehado nito ang ating mga magsasaka, ang smuggling ay nagdudulot din ng pagkalugi ng gobyerno dahil sa mga hindi nababayarang buwis. Napipigilan din nito ang paglago ng ekonomiya, partikular na sa kanayunan kung saan matatagpuan ang maraming sakahan,” dagdag niya.
Base sa datos ng agriculture department, sa pagitan ng 2019 at 2022 lamang, humigit-kumulang P667.5 milyong halaga ng mga agriculture at fishery products ang naipuslit sa bansa kahit na nagsagawa ang Bureau of Customs (BOC) ng 542 na kaso ng seizure na kinasasangkutan ng P1.99 bilyong halaga ng mga produktong pang-agrikultura. Kabilang sa mga farm commodities na ipinuslit sa bansa ang asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, karot, at isda, ayon sa datos ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture.
Sa paglipas ng mga taon, ang mas mababang antas ng productivity ay humantong sa mas mataas na halaga ng farm products na nakakaapekto sa presyo ng mga bilihin sa merkado lalo na sa panahong mataas ang demand bukod pa sa epekto ng mga bagyo at iba pang kalamidad, punto ni Gatchalian.
Binigyang-diin niya na ang Republic Act 10845, na kilala rin bilang An Act Declaring Large-Scale Agricultural Smuggling as Economic Sabotage, ay dapat ipatupad nang maayos. Sa kabila kasi ng pagsasabatas nito anim na taon na ang nakararaan simula noong 2016, talamak pa ring ang agricultural smuggling, dagdag niya.