30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Dapat tiyakin ng DOE ang karagdagang suplay ng kuryente para iwas brownout – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na tiyakin ang pagpasok ng karagdagang 1,196 megawatts (MW) na suplay ng kuryente sa loob ng unang anim na buwan upang maiwasan ang power interruptions sa mga buwan ng tag-init.

“Mahalaga ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente upang tuloy-tuloy din ang pagbangon ng ekonomiya lalo na’t nakaangkla ito sa kakayahan ng pamahalaan na magbigay ng power supply kung saan at kailan ito kailangan. Kaya dapat matiyak na ang anumang karagdagang pangangailangan ay matutugunan ng sapat na suplay,” sabi ni Gatchalian.

Binanggit ni Gatchalian na base sa pinakahuling power outlook ng DOE, magkakaroon ng 1,196 MW na committed power generation capacity para sa grid ng Luzon at Visayas ngayong taon. Ang karagdagang kapasidad ay inaasahang makakatulong sa inaasahang peak demand sa taong ito na maaaring mangyari sa huling linggo ng Mayo.

“Habang ang DOE ay nagsabi na ng posibleng 12 yellow alert sa pagitan ng Marso at Nobyembre ngayong taon, kailangang tiyakin ng kagawaran na ang inaasahang karagdagang supply ay makakamit bago umakyat ang pangangailangan o demand sa mga buwan ng tag-init,” diin ni Gatchalian.

Hinikayat din niya ang DOE na tiyaking walang planta ang sasailalim sa maintenance shutdown sa peak months para maiwasan ang anumang red alert status na nagdudulot ng rotational brownouts.

Kasabay nito, sinabi ni Gatchalian na dapat paigtingin ng gobyerno ang kampanya sa pagtitipid ng enerhiya sa pamamagitan ng komprehensibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11285, na kilala bilang Energy Efficiency and Conservation Act.

Ang naturang batas ay nagtatakda ng pagpapatupad ng Government Energy Management Program (GEMP) na naglalayong bawasan ang buwanang pagkonsumo ng gobyerno sa kuryente at paggamit ng gasolina ng mga sasakyan ng gobyerno. Kasama rin sa GEMP ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), government financial institutions (GFIs), state universities and colleges (SUCs) at local government units (LGUs).

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -