“Ang parangal na ito ay hindi lamang po para sa akin, kundi para rin ito sa lahat ng mga gaya kong manunulat ng mga teleserye, na kahit kailan, liban sa napakahalagang okasyon na ito, ay hindi man lang nagagawaran ng kahit na anong parangal at pagkilala” pahayag ni Bb. Suzette S. Doctolero, nang tinanggap niya ang KWF Gawad ng Panitikan 2023 sa Lucky Chinatown Hotel, Binondo, Lungsod Maynila, 27 Abril 2023.
Naging makasaysayan ang KWF Gawad ng Panitikan 2023 dahil ito ang naging daan upang kilalanin ng KWF ang ambag ng manunulat ng teleserye sa telebisyon partikular na ang may mga temang pangkultura na nakaugat sa panitikan ng bansa.
Isa ring makasaysayan ang Buwan ng Panitikan 2023 dahil muling isang babae ang tinanghal na KWF Makata ng Taon 2023 na si Mikka Ann V. Cabangon.
“Ang pagsusumikap ng ating mga kapatid na mga katutubo sa pagsulong, pagpapasigla, at pagpapanatili ng kanilang sining at kultura ay dapat mas lalo pa nating pagsumikapan bilang isang bayan,” pagbabahagi ni Binibining Cabangon.
Nagtala rin ng kasaysayan sa larangan ng panitikan ang KWF sa pagkakaloob kay Dennis Rhoneil C. Balan bilang kauna-unahang nabigyan ng gawad sa KWF Tulang Senyas 2023. Naniniwala si Ginoong Balan na ang mga bingi ay makapagbabahagi ng kanilang talento sa pagtula at iba pang akdang pampanitikan sa kabila ng kanilang kalagayan.
Patuloy ang Komisyon sa Wikang Filipino sa pagsusulong, pagtataguyod, at pagpapauswag sa paggamit ng Filipino bílang Wikang Pambansa hábang pinapangalagaan ang mga wikang katutubo ng Pilipinas tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa, at kaunlaran ng sambayanang Pilipino.
Patuloy rin na nangunguna ang KWF sa pagpapalaganap, pagpapaunlad, at pagpapayaman ng wikang Filipino habang pinangangalagaan ang mga wikang katutubo ng Pilipinas.