31.2 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Gatchalian: ‘Education recovery’ tutukan sa pagwawakas ng COVID-19 global emergency

- Advertisement -
- Advertisement -

Matapos ideklara ng World Health Organization ang pagwawakas ng COVID-19 bilang global health emergency, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na kinakailangang tutukan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon, isa sa mga pinaka-apektado noong kasagsagan ng pandemya.

Binigyang diin ni Gatchalian ang pangangailangan para sa ganap na pagpapatupad ng programa para sa learning recovery lalo na’t nagdulot ng learning loss ang kawalan ng face-to-face classes sa loob ng halos dalawang taon. Upang maisakatuparan ito, muli niyang isinulong ang inihain niyang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na aprubado na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado noong nakaraang Marso. Ayon sa UNESCO, PIlipinas ang may pinakamahabang pagsasara ng klase sa buong mundo mula noong nagsimula ang pandemya.

Layon ng Academic Recovery and Accessible Learning Program o ARAL Program na tulungan ang mga mag-aaral na makahabol sa kanilang mga aralin at matugunan ang learning loss. Sa ilalim ng ARAL Program, magagabayan ang mga mag-aaral ng mga tutor sa ilalim ng mga well-designed intervention plans.

Tinataya ng World Bank na umabot na sa 90.9% ang learning poverty sa Pilipinas noong June 2022. Nangangahulugan itong siyam sa 10 batang may edad na 10 ang hindi makabasa o makaunawa ng maikling kwento.

“Bagama’t nalagpasan na natin ang pinakamalalang yugto ng pandemya ng COVID-19, patuloy nating dapat tugunan ang pinsalang dinulot nito, lalo na sa sektor ng edukasyon. Kailangan nating magpatupad ng mga programa para makahabol ang ating mga mag-aaral. Kailangan din nating tiyakin na magiging mas matatag ang sektor ng edukasyon sakaling humarap tayong muli sa malawakang krisis,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Ito rin aniya ang layon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Nilikha ang EDCOM II sa bisa ng Republic Act No. 11899. Nitong nakaraang Enero, sinimulan na ng EDCOM II ang pagrepaso sa performance ng buong sektor ng edukasyon.

Mandato rin ng EDCOM II na magpanukala ng mga reporma upang gawing globally competitive ang mga Pilipino sa education at labor markets.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -