26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Gatchalian pinuna ang BI dahil sa pagpasok ng mga dayuhang pugante

- Advertisement -
- Advertisement -

PINUNA ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Investigation (BI) dahil sa kabiguan nitong pigilan ang pagpasok ng mga dayuhang pugante sa bansa, na kalaunan ay nasasangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad tulad ng human trafficking at iba’t ibang uri ng online scam sa pamamagitan ng paggamit ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Nanawagan si Senator Win Gatchalian sa Bureau of Investigation (BI) sa kabiguan nito na mabantayan ang pagpasok ng mga dayuhang pugante sa bansa, na nagsasagawa ng iba’t ibang kriminal na aktibidad tulad ng human trafficking at iba’t ibang online scam na nagbabalatkayo gamit ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).Larawan ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Kung matatandaan noong Hunyo ay nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa Xinchuang Network Technology sa Las Piñas, na nagresulta sa paghuli ng pitong dayuhang pugante. Noong Mayo ay natukoy din ang pitong dayuhang pugante noong ni-raid ang CGC Technologies na nasa Sunvalley Corp. sa Pampanga. Ang Xinchuang at CGC ay pawang mga POGO-accredited service provider.

 

“Paano nakakalusot ang mga puganteng ito papasok ng bansa na kinukuha pa ng mga lisensyadong kumpanya ng POGO?” tanong ni Gatchalian.

 

Batay sa mga ulat ng pulisya, ang mga dayuhang pugante, kabilang ang mga indibidwal mula sa China at Taiwan, ay pinaghahanap dahil sa krimeng may kinalaman sa pandaraya, pagnanakaw, iligal na droga, human trafficking, at iba’t ibang uri ng online scam, bukod sa iba pa.

 

“Kino-korap ng mga POGO ang sistema kaya maraming palusot ang nangyayari. Sa kabiguan ng ahensiya na mapigilan ang mga puganteng ito na pumasok ng bansa, ang mismong ahensya ay nababahiran ng mga kalokohang nangyayari sa mga POGO at kailangang maimbestigahan ang mga sangkot dito,” sabi ni Gatchalian.

 

Binigyang-diin niya na kung dumadaan sa masusing pagsisiyasat ang mga Pilipinong pasahero na  palabas ng bansa, na dumating pa sa puntong hinahanapan ang mga ito ng kung anu-anong dokumento tulad ng birth certificates at transcript of school records, dapat istrikto din aniya ang ahensiya sa mga kahina-hinalang dayuhang pumapasok ng bansa.

 

Muling nanawagan ang chairman ng Senate Committee on Ways and Means na patalsikin na ang mga POGO sa bansa at nagpaalalang ang presensya nila ay ‘di hamak na nagpapalala sa kaayusan at seguridad ng bansa. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -