MAS maraming multi-specialty hospital sa labas ng Metro Manila ang itatayo upang madagdagan ang access sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan. Ito ang inihayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na nagsabi pa na ang plano ay magtayo ng isang specialty hospital para sa bawat rehiyon sa bansa.
Sa kasalukuyan ang mga specialty hospital ay matatagpuan sa Quezon City sa Metro Manila. Ang mga ito ay ang Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines at Philippine Children’s Medical Center sa East Avenue pati na ang Philippine Orthopedic Hospital sa Banawe, Quezon City.
Idinagdag ng kalihim na sinabi sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pangangailangan para sa pagkakaroon ng access sa pangangalagang pangkalusugan ng mga “poor and disenfranchised” noong siya ay hinirang bilang Department of Health (DoH) chief.
“Nagawa naming ipatupad ang isang malaking pagbabago sa balangkas para sa sistema ng kalusugan. At ang pagpapatupad ng health care system ay ang access sa pangangalagang pangkalusugan, kaya (ito) napakahalaga na ang mga tao sa mga malalayong lugar ay magkaroon ng partikular na manggagamot,” dagdag ni Herbosa. (“We were able to implement a huge framework change for the health system, and the implementation of the healthcare system is the access to health care, so (it it) very important that people in remote areas are attached to a specific physician”.)
Handa rin ang pribadong sektor na makipagtulungan sa departamento para ipatupad ang mga reporma sa pangangalagang pangkalusugan.
Isang multi-specialty center ang itinatayo sa Clark, Pampanga, ang unang itinayo gamit ang mga pondo mula sa DoH, Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at mga pribadong donasyon.
Ang center ay susundan ng isang ospital para sa mga bata, isang center para sa puso, at isa pa para sa may mga kanser.
Bago lumipad patungong Malaysaia, ipinaalam ni Pangulong Marcos Jr. kay Herbosa na gustong pondohan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga cancer center.
“Kaya may commitment ako mula sa PCSO na pondohan ang tatlong cancer center kada taon,” ani Herbosa.
Layunin ng pamahalaan na punuan ang mga nakikitang kakulangan sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan na nalantad sa panahon ng pandemya.
Kabilang dito ang paggamit ng teknolohiya, pagtugon sa pag-iwas sa sakit sa pamamagitan ng health literacy, pagtutok sa mental health lalo na sa mga kabataan, at pagbabayad ng mga benepisyo para sa mga health care workers.
Umaasa si Herbosa na darating ang araw na hindi na aalis ng bansa ang mga health care workers at mananatili sa bansa para alagaan ang mga kapwa-Pilipino.
Noong Mayo 8, inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlong pagbasa ang House Bill 7751, o ang panukalang Department of Health Specialty Centers Act.
Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, may-akda ng panukala, na ang pagtatatag ng mga pasilidad ay magbibigay ng access sa specialized health care sa mga tao sa mga lalawigan lalo na ang mga mahihirap.
Layunin ng panukalang batas na magbigay ng specialized health services lalo na sa panahong mabilis ang paglaganap ng mga sakit sa puso, baga at kidney.
“Kaya kailangan natin ng mas maraming specialty centers, hindi kinakailangang kasing laki ng isang ospital tulad ng mga nasa Quezon City upang gamutin at pangalagaan ang mga tao na nangangailangan ng espesyal na pangangalagang pangkalusugan sa mga probinsya,” aniya.
Sa ilalim ng panukalang batas, mandato ang DoH na magtatag ng mga specialty center sa mga piling ospital sa ilalim ng pangangasiwa at kontrol nito.
Hindi bababa sa isang center ang dapat itayo sa bawat rehiyon sa loob ng limang taon mula sa pagsasabatas ng panukalang batas.
Prayoridad ng DoH ang mga pasilidad para sa 17 karamdaman gaya ng pangangalaga sa kanser; pangangalaga sa cardiovascular; pangangalaga sa baga; pangangalaga sa bato at kidney transplant; pangangalaga sa utak at gulugod; pangangalaga sa trauma; pangangalaga sa paso; pangangalaga sa orthopedic; gamot sa pisikal na rehabilitasyon; nakakahawang sakit at tropikal na gamot; toxicology; kalusugang pangkaisipan; pangangalaga sa geriatric; pangangalaga sa bagong panganak; pangangalaga sa dermatolohiya; pangangalaga sa tainga, ilong at lalamunan; at pangangalaga sa mata.
Clark Multi-Specialty Medical Center
Noong Hulyo 17, nag-inspeksyon si Pangulong Marcos Jr. sa lugar kung saan itatayo ang Clark Multi-Specialty Medical Center (CMSMC) sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Ayon sa Punong Ehekutibo, ang CMSMC ay isa sa mahalagang bahagi ng Health Facility Enhancement Program (HFEP) ng gobyerno.
Nilalayon ng HFEP na palawakin ang access sa mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo na para sa mga nasa mga komunidad na kulang sa serbisyo.
“Iyan ang produkto ng aming walang humpay na pagsusulong para sa Universal Health Care at hindi kami titigil hangga’t hindi nasasabi ng bawat Pilipino na mayroon silang magandang access sa de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan sa ating sistema ng kalusugan,” dagdag niya. (“That is the product of our relentless push for Universal Health Care and we will not stop until every Filipino can say they have good access to quality health care. I cannot endure the sight of seeing a fellow Filipino suffer only because of the lack of facilities in our health system”.)
Ang pasilidad ay itatayo sa isang 5.7-ektaryang property sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue sa Clark Freeport Zone sa pagtutulungan ng Philippine Amusement and Gaming Corp., Clark Development Corp., at ng Bases Conversion and Development Authority.
Naging posible sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pagcor, Clark Development Corp., at ng Bases Conversion and Development Authority, ang CMSMC ay may apat na espesyalisasyon sa medisina na pagtutuunan ng konsentrasyon, pediatric, renal, cardiovascular, at oncology.
Hindi lamang sa mga pasyente mula sa Pampanga at sa nalalabing bahagi ng Central Luzon ang paglilingkuran ng pasilidad kundi maging sa mga rehiyon ng Ilocos at Cagayan Valley at maging sa Metro Manila.
Nangako rin si PBBM na magtatatag ng mga rural health care units at barangay health centers bilang suporta rin niya sa ideya ng pagpapalakas ng “Botika de Barangay” program.