26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Dami at kalidad ng yamang tao

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

Isa sa mga mahahalagang salik sa paglaki ng isang ekonomiya ay ang dami at kalidad ng kanyang yamang tao. Binanggit sa kolum na ito noong isang linggo na ang paglaki ng hukbong paggawa ay isa sa mga pangunahing dahilan ng S&P Global Ratings kung bakit ang Pilipinas ay isa sa mga ekonomiya sa rehiyon na may tinatayang mabilis na paglaki ng GDP sa mga susunod na mga taon.

Makatutulong talaga ang halos 50 milyong manggagawa (2022) sa hukbong paggawa ng Pilipinas sa pagpapataas ng produksyon ng ating ekonomiya.

Subalit hindi lamang ang dami ng hukbong paggawa ang dahilan sa paglaki ng ekonomiya. Kahit maliit lamang ang hukbong paggawa ng isang ekonomiya kaya nitong makapagambag ng higit na malaking produksyon kaysa malaking hukbong paggawa.

Tignan natin ang halimbawa ng Malaysia na may hukbong paggawa na umabot lamang sa 16.6 milyon noong 2022. Maliit lamang ito kung ihahambing sa 50 milyong hukbong paggawa ng ekonomiya ng Pilipinas.

Subalit ang 16.6 milyong hukbong paggawa ng Malaysia ay kasangkot sa produksyon ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa noong 2022 na nagkakahalaga ng $423 bilyon samantalang ang mas malaking hukbong paggawa ng Pilipinas ang kasangkot sa produksyon ng mas maliit na GDP ng bansa na nagkakahalaga ng $ 418 bilyon sa parehong taon.


Samakatuwid, hindi lamang ang dami ng mga manggagawa ang nakadaragdag sa  pagtaas ng Kabuuang Produktong Panloob o GDP ng isang ekonomiya. Higit na mahalaga ang kalidad ng yamang tao.

Ano ba ang mga salik na humuhugis sa kalidad ng yamang tao ng bansa?

Ang antas ng produktibidad ng mga mga manggagawa ang nangunguna sa paghubog ng kalidad mga manggagawa. Batay sa nabanggit na GDP at hukbong paggawa ng dalawang bansa, ang payak na average na produktibidad ng paggawa sa Malaysia ay umabot sa halos $ 25,436 noong 2022 samantalang nakapagambag lamang ng $ 8,360 ang bawat manggagawang Filipino sa produksyon ng ekonomiya sa parehong taon.

Di hamak na mababa ang produktibidad ng mga manggagawang Filipino kung ihahambing sa produktibidad ng manggagawang Malaysian. Ano ang mga dahilan kung bakit mataas ng produktibidad ng mga manggagawa sa Malaysia? Isa sa mga dahilan ay ang mataas ang antas ng edukasyon ng mga manggagawa sa Malaysia kung ihahambing sa Pilipinas.

- Advertisement -

Ayon sa datos mula sa World Bank sa Malaysia 77% (2020) ng kanilang hukbong paggawa ay nakatapos ng mataas na antas na edukasyon samantalang halos 64% (2018) lamang sa hukbong paggawa sa Pilipinas ang may mataas na antas ng edukasyon.

Ang malawak at malalim na kasanayan ay nakukuha sa mataas na antas ng edukasyon at iba pang pagsasanay sa yamang tao. Sa pamamagitan ng mataas na antas na edukasyon nagiging magaan sa mga manggagawa ang pagpapatupad sa mga pamamaraan sa paggamit ng mga makina at makabagong teknolohiya. Dito tumataas ang kanilang produktibidad o ambag sa produksyon.

Higit pa sa antas ng edukasyon ang isa pang mahalagang salik na nagpapataas sa produktibidad ng mga manggagawa ay ang lawak ng kapital na kasangkap ng mga manggagawa sa proseso ng produksyon. Ayon sa teorya, kapag malalawak at makabago ang mga kapital, kagamitan at instrumentong  tumutulong sa mga manggagawa mas mataas ang kontribusyon ng mga manggagawa sa produksyon.

Makagagawa sila ng mas marami dahil tinutulungan sila ng maraming kagamitan at makabagong teknolohiya. Ayon sa Asean Secretariat, ang daloy ng dayuhang kapital na pumasok sa Malaysia noong 2022 ay umabot sa $ 17,096 milyon samantalang mahigit sa kalahati lamang ang pumasok sa Pilipinas sa antas ng $ 9,200 milyon.

Dalawang mahahalagang patakaran ang dapat ipatupad upang maitaas ang antas ng produktibidad ng mga manggagawa. Una, palawakin ang pangangapital sa edukasyon at paghubog ng kasanayan. Ikalawa, pataasin ang paggamit ng marami at makabagong kapital sa pamamagitan ng panloob na pangangapital at pag-anyaya sa mga dayuhang kapital.

Samakatuwid, kinakailangang maging bukas ang ekonomiya ng Pilipinas sa dayuhang kapital at sa paggamit ng makabagong teknolohiya. Dahil sa malawak na pangangapital ng Malaysia sa mataas na edukasyon at  pananaliksik, sa isang banda, at ang magaan na pagtanggap nila sa dayuhang kapital, sa kabilang banda, nagbunga ito ng kita bawat tao na naitala sa $ 12,472 noong 2022 samantalang nagtala lamang ang Pilipinas ng $ 3,623 bawat tao sa parehong taon.

- Advertisement -

Matagal pang panahon bago natin mahabol ang antas ng kita bawat tao ng Malaysia. Ngunit kinakailangang magsimula tayo sa unang hakbang sa pagpapataas ng produktibidad ng ating mga manggagawa at bibilis din ang pagsulong ng ating ekonomiya.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -