SINADYA kong ibitin ang pag-uusap sa nakaraang kolum upang ipasa na lamang sa kalikasan ang tinutumbok na mga magaganap. Pamagat ng kolum ko noong nakaraang linggo: Isang bagyo na lang, giyera na? Sa kanyang talumpati sa senado, galit na galit na isiniwalat ni Senador Bato de la Rosa ang deklarasyon ng China na sa susunod na magkabagyo, China na ang hihila sa BRP Sierra Madre sa pagkabalahura nito sa Ayungin Shoal. Kagyat kong tinapos ang diskusyon sa pagsisiwalat na iyun ni Bato, patanong na nagpahayag: “Isang bagyo na lang, giyera na?”
Sa normal na istilo ng pagsusulat, lubos na dadalirutin ng manunulat ang paksa. Halimbawa, halukayin ang puno’t-dulo ng isiniwalat ni Bato na banta ng China na hatakin na lamang mula sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre oras na magka-bagyo upang iligtas ang mga Pilipinong sundalong Marines na nangangalaga rito. Sa panahong sunod-sunod ang pananalasa sa bansa ng mga unos (Egay, Falcon, atbp.), walang pinakamatibay na paraan upang patunayan ang reklamo ni Senador Bato kundi ang hintayin na lamang ang pagdating ng susunod na sigwa: ano ang gagawin ng China oras na mangyari ito?
Ang nangyari pagkaraan niyon ay nakagimbal sa bansa. Hindi na bagyo ang kinailangan upang bulabugin pa nang husto ang dating bulabog nang ugnayan ng China at Pilipinas. Nalantad sa media ang video ng isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na kinakanyon ng tubig ng isang barko ng China Coast Guard. Kung pagbabatayan lamang ang video ng pangyayari at ang kaakibat na mga pahayag na iyun ay panganganyon nga ng tubig ng China Coast Guard, malinaw na iyun ay malupit na agresibong gawain ng China laban sa Pilipinas.
Kung ang pagtalakay sa usapin ng bagyo sa nakaraan kong kolum ay pumalaot pa sa kung anu-anong mga ispekulasyon ng giyera, tiyak na mamamali ang usapan. Eto nga’t wala pang bagyong dumarating, pisikal nang nagbabanggaan ang China at Pilipinas — hindi nga lang kanyong de bola ang ipinuputok kundi kanyong de tubig. Subalit magkaganun man, ang ratsada ng panganganyon ay malinaw na bugso ng damdaming pandigmaan.
Sa ibang salita, sumabog na ang Digmaang Chino-Pilipino. Siyempre, tulad ng iba pang socio-pulitikal na pangyayari, ang labanan ay may iba’t-ibang saray. Ibig sabihin, sa ngayon kanyunan muna ng tubig. Oras na gumanti ang Pilipinas, ano na ang susunod? Kanyunan na ng mga balang de pulbura.
Di man kasukat na kasukat, ang insidenteng ito ng panganganyon ng China ng tubig ay maipapadron sa “special military operation” na inilunsad ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 2022. Hindi maiiwasang gawin iyun ng Russia sa harap ng pagpupumilit ng Ukraine na sumapi sa NATO — na pinakatutultutulan ng Russia dahil magbabadya iyun ng ganap na pananalakab sa kanya ng NATO. Noon pang panahon ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada, pinayuhan ng China si Erap na alisin na ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa dahilang bahagi ito ng teritoryong inaangkin nga ng China sa South China Sea. Ilang palitan na ng presidente, naroroon pa rin ang BRP Sierra Madre. Sabi nga ni Bato, “Kinakalawang na.” Ang tanging silbi nito ay bigyan ng katwiran ang Pilipinas na manghawakan sa pinag-aagawang teritoryo.
Sa ingay na likha ng kanyunan ng tubig, isang bagay ang ganap na nakaligtaang liwanagin: na dalawang barko ng Philippine Coast Guard ang sangkot dito. isang may lulan ng mga suplay ng pagkain para sa mga tropang Marines sa BRP Sierra Madre at isang may kargang mga materyales pang-konstruksyon. Sa intindihan ng China at ng administrasyon ni Erap, papayagan lamang ng China ang pagparoon-pagparito ng mga barko ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal upang magdeliber ng suplay na pagkain sa mga tropang Filipino Marines na nagbabantay sa BRP Sierra Madre. Ang mga materyales pangkonstruksyon, bawal.
Sa kanyunan ng tubig na naganap, ang kinanyon ng China Coast Guard ay hindi ang barko ng Philippine Coast Guard na lulan ang suplay ng pagkain kundi ang nagtataglay ng mga materyales pangkonstruksyon. At ang panganganyon ay hindi direktang patama kundi padaplis lamang, paiwas disgrasya upang huwag makapanakit.
Sa anu’t-anuman, ang tindi ng labanan ay hindi pa ang inaasahang masaksihan sa isang tunay na digmaan. Wala pa itong sangkap ng “special military operation” ni Russian President Vladimir Putin na pagkaraan ng isang taon ay namiminto nang umigpaw sa lebel na nukleyar. At, di unawa ng maraming Pilipino, ito ay isang bagay na dapat ipagpasalamat ng Pilipinas sa China. Ang pananatili sa pagkabalahura ng BRP Sierra Madre ay dapat na kilalanin bilang salamin ng kagandahang loob ng China: hinayaang magkanlong roon ang kaibigang kapitbahay sa loob ng mahigit dalawampung taon. Nangyayari lamang ang gulo ngayon dahil ang nakipanganlong na kapitbahay ay inaangkin na ang Ayungin Shoal na kanya.
Iyan ang totoo, at buong katotohanan lamang, sa likod ng pinakakonde-kondena ngayong panganganyon ng tubig ng China Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard. Di ba dapat na pasalamatan pa ang China at di nakakasakit na tubig lamang ang ibinala niya sa kanyang kanyon? Alam kasi ng China na ang mga maniobrang militar ng Pilipinas sa rehiyon ng South China Sea ay mandato ng Estados Unidos. Hindi wasto na Pilipino ang papanagutin sa kasalanan ng Amerika. Sabi nga ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi totoong sasaklolo sa Pilipinas ang Amerika oras na sumalakay ang China. Aniya, eto na nga at kinanyon na ng tubig ng China ang barko ng Pilipinas, bakit di ipadala ng Amerika ang kanyang mga higanteng warship sa South China Sea? Dahil hindi totoong sasaklolo ang Amerika sa Pilipinas sa panahon ng giyera. Ni hindi nga kinikilala ng Estados Unidos na ang West Philippine Sea ay sa Pilipinas, dagdag pa ni Roque.