26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Kahit ano pa man, ‘huwag matakot, si Hesus ito!’

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

“Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, natakot siya at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro.

                                Ebanghelyo ni San Mateo, 14:27-33


SA kasamaang palad, katulad ni San Pedro tayong lahat, mula pa kina Adan at Eba. Kung naniwala at nagtiwala lamang sana sa Diyos ang kauna-unahang magkabiyak, hindi sana sila kumagat sa “fake news” ng ahas na hindi raw ikamamatay ang bawal na prutas, gaya ng babala ng Maykapal.

Lalong masama, sa panahon ngayon, mas matindi pa ang panira sa ating pananampalataya sa Panginoon. Sa paglaganap ng digma at dahas, kahirapan, karangyaan at katanyagan, nagiging mga diyos-diyosan ng madla ang armas, yaman, luho, pasarap at pasikat.

Sa gayon, padalang nang padalang ang nakikinig at tumatalima sa Panginoon — kabaligtaran ng pangaral sa mga babasahing-misa ng Agosto 13, ang Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon.

Kung direkto mang nangungusap ang Diyos gaya kay Propetang Elias sa unang pagbasa mula sa Unang Aklat ng mga Hari (1 Hari 19:9, 11-13) o sa pangangaral ng mga alagad ng Simbahan gaya ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa mula sa kanyang Sulat sa mga taga-Roma (Roma 9:1-5), sadyang taingang kawali ang tao.

Lunod ang tinig ng langit

Para sa higit na nakararami marahil, lunod sa atungal at ingay ng mundo ang tinig ng langit, gaya ng bulong ng Panginoon sa labas ng kuweba ni Elias, matapos ang ihip ng hangin, dagundong ng lindol at kulog ng kidlat. Hirap ang madlang mapakinig ang Diyos sa gitna ng ligalig ng daigdig, at may sumasamba pa sa mga nakaririnding puwersa ng kapangyarihan, kayamanan at katanyagan.

Samantala, nanlulumo si Apostol San Pablo sa mga kapwa Hudyo na sukat tumanggi kay Hesukristo. Aniya, “di mapawi ang pagdaramdam ng puso ko tungkol sa aking mga kalahi at mga kababayan, anupat mamatamisin kong sumpain ako at mawalay kay Kristo, alang-alang sa kanila. … Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako. Nagmula sila sa mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Kristo nang maging tao siya, Diyos na Kataas-taasan, na pinapupurihan magpakailanman!”

At sa pagbasang-misa mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 14:22-33), maging si San Pedrong pinuno ng mga Apostol at unang Papa ng Simbahan, nayanig ang pananalig sa Panginoon nang maramdaman ang bugso ng hangin sa karagatan kahit nasa harap niya mismo si Hesus na siyang nag-anyaya sa kanyang lumakad sa tubig.

Ito ang kalagayan ng milyun- o bilyun-bilyong tao, maging mga Kristiyanong binyag, sa daigdig nating umaasa sa makamundong puwersa at bagay, sa halip ng Diyos. Sa katunayan, ito ang babala ng katapusang aklat ng Bibliya, ang Pahayag o Apokalipsis. Sa Kabanata 6, isinalaysay ng may-akdang si San Juan ang tinaguriang Apat na Mangangabayo ng Apokalipsis na masasabing sumasagisag sa mga idolo ng mundo.

Sakay sa puting kabayo ang unang mangagabayo, may dalang pana at sumasakop. Sagisag ito ng mga bansang nangingibabaw sa daigdig, gaya ng Roma noong panahon ni Kristo at ng Amerika sa ating kapanahunan. Sa kanilang paghahari sa maraming bayan, kinakalaban nila hindi lang ang mga karibal ng mananakop, kundi ang Diyos din.

Sunod na mangangabayo ang tinaguriang Gera, nakapulang kabayo, “binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao” (Pahayag 6:4). Sa mundo ngayon, ito ang nagbubunsod hindi lamang ng pagdanak ng dugo, kundi ng paramihan at palakasan ng armas. Ngunit sa ating pagtanaw sa sandata upang maging payapa, lalo tayong nagbabanta at nangangamba sa isa’t-isa.

Pangatlong mangangabayo ang may itim na kabayo at may timbangan para sa trigo, naglalako sa halagang labis-labis. Ito ang diwa ng pangangalakal, magbibigay lamang ng mga pangangailangan ng tao kung kikita. Dahil dito, isa sa bawat sampung tao sa mundo — mahigit 830 milyon — ang nakararanas ng gutom ngayon, bagaman labis-labis ang pagkain natin para sa buong sangkatauhan.

Ito ang mga diyos-diyosan ng ating panahon: mga bansang mananakop na ibig maghari sa daigdig, mga hukbong nagpapaligsahan sa armas sa maling akalang naroon ang kapayapaan at seguridad, at ang pangangalakal na walang pakundangan sa gutom, sakit, paghihikahos at iba pang salot na nagpapahirap sa bilyun-bilyong tao.

Papayagan ba ito ng Maykapal? Sabi ng Salmong Tugunan (Salmo  84:9-14), “ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas … sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan, magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.”

Isa lamang ang Hari ng lahat. “At sinamba siya ng mga nasa bangka,“ salaysay ni San Mateo sa pagbasang-misa. “Sabi nila, ‘Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!‘”

Anuman ang mga tinitingala ng madla, nasa Panginoon Diyos ang ating kaligtasan. Amen.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -