LUMAGAP ang presyo ng langis noong panahon ng pandemya. Mula $63.18 per bariles ng krudo noong 2019, bumaba ito sa $$42.17 noong 2020. Nakaangat nang bahagya sa $69.40 noong 2021 at rumatsada sa $96.92 noong 2022 nang pawala na ang pandemya at bumalik na ang dating sigla ng kalakalan. Pagkatapos dumaosdos ang krudo sa $74.67 bawat bariles noong Hunyo 2023, tumataas na naman ang presyo ng langis. Noong ika-apat ng Agosto, umabot ito sa $87.23. dahil sa pagbawas ng OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) sa suplay ng langis na ibinebenta nila sa pandaigdigang merkado.
Dahil dito, noong Agosto 1, tumaas nang P2.10 bawat litro ang gasolina, P3.50 bawat litro ang diesel and P3.20-3.25 ang gaas (kerosene). Kung ikumpara noong Enero ng taong ito, mas mataas ang presyo ng gasoline ng P11 kada litro; sa diesel naman ay P3.10 kada litro ngunit sa gas (kerosene) bumaba pa ito ng P0.10 kada litro. Sa Agosto 9 ay magkakaroon ng panibagong pagtaas ng presyo na P0.50 kada litro ng gasoline, P4.00 kada litro ng diesel at P2.75 kada litro ng gas.
Dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo, naglabasan na naman sa diyaryo at TV ang panukalang tanggalin ang fuel excise tax. Kapag biglang tinatanong, madaling sang-ayunan ang panukalang ito. Ngunit kung isipin nang mas malalim, may mga magandang dahilan kung bakit ayaw ng mga ekonomista ang ganitong panukala.
Una, naka-programa na sa badyet ang mga buwis na makokolekta dito. Aabot ng mga P150 bilyon ang nakabadyet na galing dito sa badyet ng 2023. Babawasin natin ang halagang ito mula sa badyet at kung hindi ay dadagdag ito sa deposit ng gobyerno at uutangin ng gobyerno ito sa bond market. Tataas ang interest rate pag ginawa natin ito. Lalong magtatagal ang pagbagal ng ekonomiya na sanhi ng sandaigdigang pagtaas ng interest rate.
Ikalawa, ang nagbabayad ng buwis na ito ay ang mga nakakariwasang middle income at high income class. Gamit ang 2018 Family Income and Expenditures Survey na nagsasaad ng gastusin ng bawat pamilya sa transportasyon bago mag-pandemya, 68.3% ng P150 bilyon o P102.6 bilyon ay binabayaran ng high income groups o mga tahanan may taunang kita na mas mataas sa P250,000 (o P345,000 pag ginamit ang mga presyo at income level ngayon). Mga 31.18% o P46.8 bilyon ay binabayaran ng middle income class o mga tahanang may income na mas mataas sa P82,800 at mas mababa sa P345,000 (o P82,800 hanggang P345,000). Mga 0.45% lamang o P0.6 bilyon ang binabayaran ng lowest income class o may income na mas mababa sa P60,000 (o P82,800 ngayon).
Ang ibig sabihin nito ay ang pagtanggal ng fuel excise tax ay nakakapagbenepisyo nang mas malaki sa mga tahanang mataas ang kita. Sila ang gumagamit ng langis para mga sasakyang mamahalin at lumalamon ng gasolina o gas guzzlers; sila rin ang gumagamit ng elektrisidad para sa naglalakihang aircon ng mga magagarang bahay.
Ikatlo, kailangang magpataw ng fuel excise tax para mapabagal o matigil ang climate change. Umiinit na ang klima ng daigdig; maraming matatanda ang namamatay sa heat stroke. Maraming hayop at halaman ang naapektuhan. Bumababa ang ani at pagprodyus ng pagkain. Lumalakas at tumitindi ang mga bagyo at tagtuyot. Kailangang bawasan ang paggamit ng langis. Ang mas mataas na presyo ay hudyat para mag-conserve ng enerhiya, mag-develop ng alternative fuels at maprotektahan ang kapaligiran.
Dahil sa mga objections na ito, simula noong 2010, naisipan ng economic team ng Pilipinas na kolektahin ang fuel excise tax at mula sa excess revenues, magbigay ng mga temporaryo at targeted na subsidiya sa mahihirap gaya ng Pantawid Pasada Program at mga lifeline na subsidiya sa kuryente. Di kailangang isama ang mga nakakariwasa sa buhay sa benepisyo at may kaya naman nila. Di rin kailangang tapyasan ang gastusin ng pamahalaan o taasan ang deposit at sa huli, tataasan ang pangungutang na babayaran pa ng susunod na henerasyon.
Nang nag-deregulate ang Pilipinas simula 1997 hanggang 2019, bumaba ang pagtaas ng konsumo ng langis sa 5.5% bawat taon kumpara sa real GDP na growth na 4.9% bawat taon. Mula 1984 hanggang 1997 bago ang deregulasyon, ang konsumo natin ng langis ay lumago nang 7.9% bawat taon samantalang ang real GDP ay umakyat lamang ng 3.4% bawat taon. Ang ibig sabihin nito ay mas mataas na produksyon ang nalikha ng pagkonsumo ng magparehong pagtaas ng bolyum ng langis–0.89 ngayon (4.9%/5.5%) kumpara sa 0.43 (3.4/7.9%) bago mag-deregulate. Malaki talaga ang magandang nagagawa kapag sinunod ang law of supply and demand. Magtitipid ang mga tao kung presyo ay tumaas; magluluwag ang paggamit pag presyo ay bumaba. Mas efficient ang paggamit kasi mas nararamdaman ang halaga nito.
Kailangan lang ayusin ng gobyerno ang pamamahagi ng subsidiya para mapabilis at maisama lahat ng kwalipikadong tahanan. May national ID na tayo at puwede na itong gamitin sa pagbigay ng serbisyo. Kailangan ding ayusin at bilisan ang pagdesisyon sa pamasahe para di naman ma-perwisyo ang mga tsuper na naghahanap-buhay nang marangal. May mga pormulang matematikal na puedeng gamitin para mapabilis ito gaya ng ginagawa ngayon sa presyo ng kuryente na automatic nang kino-compute bawat buwan.