MAINIT pa sa tanghalian ang tunggalian ng TAPE Inc. laban kina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon (TVJ) nang matanggap kamakailan ng Television and Production Exponents Inc. mula sa Intellectual Property Office of the Philippines o IPOPHL ang Certificate of Renewal of Registration na naglalaman na sila pa rin ang nagmamay-ari ng titulo at trademark ng “Eat Bulaga!.”
Ito ay matapos kumpirmahin ni Atty. Maggie Abraham-Garduque, legal counsel ng TAPE Inc., noong Sabado, Agosto 5, sa PEP o Philippine Entertainment Portal na natanggap nila mula sa IPOPHIL ang patunay na na-renew ang trademark ng programa noong ika-14 ng Hunyo 2023 epektibo hanggang ika-14 ng Hunyo 2033.
“TAPE Inc. renewed its registration and we are happy na na-issue na ang Certificate of Renewal which makes TAPE Inc. the continuous owner of the name Eat Bulaga! and EB and its logos until 2033,” paliwanag pa ni Garduque.
Ibig sabihin sa loob ng 10 taon, ayon sa mga dokumentong ipinakita ni Garduque, ang trademark na nakarehistrong pagmamay-ari ng TAPE Inc. ay para sa pamagat at logo ng Eat Bulaga! na makikita sa mga trademark classes sa Section 16, 18, 21, at 25 — o merchandise items na nasa papel at cardboard, leather at mga immitation ng leather, household o kitchen utensils, at clothing/ footwear/ headwear, atbp.
“Importante ito kasi kumbaga sa lupa, ang Certificate of Registration and in this case, the Certificate of Renewal of TAPE Inc., ay ang titulo to prove its ownership over the trademark Eat Bulaga!” dagdag pa ng abogado.
Patuloy din na nanindigan sina Tito Sotto at Joey de Leon na ang TVJ ang nagmamay-ari ng pangalang Eat Bulaga! at hindi ang TAPE Inc.
Nariyan banggitin ni Tito Sotto sa panayam ng PEP nang tanungin kung nagmamatigas ang TAPE na may karapatan ito sa pangalang Eat Bulaga!, “Siguro. Sinasabi ng abogado nila, ‘Trademark, trademark.’ Iba yung trademark sa copyright. Para namang di ka nakakaalam ng legalities.”
“But then again, may mga nag-file ng trademark, but that’s trademark for goods, iba yung copyright. Yung trademark, meron pa ngang cancellation. Meron silang tinatawag na after 10 years nawawala,” dagdag pa ng Senador.
Marahil marami ang nalilito sa pagkakaiba ng trademark at copyright ngunit pareho itong tumutukoy sa pagkilala sa karapatan sa intelektuwal na pag-aari. Ang intelektuwal na ari-arian ay anumang bagay na iyong nilikha tulad ng orihinal na disenyo o larawan, mga nilalaman ng nalathalang libro at blog, elemento ng isang brand gaya ng pangalan, tatak at logo maging ang mga imbensyon na resulta mula rito.
Halimbawa, sa loob ng isang kompanya o negosyo lahat ng produkto nilikha mula rito ay mainam na protektahan at irehistro sa ilalim ng iyong pangalan nang maiwasan na makopya at magamit sa hindi magandang pamamaraan.
Copyright o Trademark
Ang Copyright o karapatang-sipi ay tumutukoy sa mga karapatang ekonomiko at moral ng mga manlilikha sa kanilang mga gawang pampanitikan o pansining, ayon sa IPOPHL.
Sa pagmamay-ari ng copyright mapoprotektahan nito ang nilalalaman ng iyong likha mula sa sandali ng paglikha dito. Nakadepende rin ito kung mayroong kontratang napagkasunduan sa pagitan ng may likha at ng kompanyang kinabibilangan nito, ayon sa alburolaw.com.
Makakakuha ka lamang ng copyright kung ang iyong likha ay naiparehistro na bago maibahagi sa publiko, tulad ng sa mga pelikula at libro, anumang imahe o teksto mula sa iyong akda na ilegal na lumabas ay labag sa batas.
Sa ilalim ng Intellectual Property Code o Republic Act 9293, hindi sakop ng copyright ang “mga ideya, pamamaraan, sistema o operasyon, konsepto, panuntunan, natuklasan o datos lamang, kahit pa ito ay inihahayag, ipinapaliwanag, inilalarawan o kumakatawan sa isang likha.”
Samantala, ang trademark o tatak pangkalakal naman ay anumang nakikitang palatandaan na maaaring mapagkilanlan ng mga produkto ng magkaibang negosyo, o mapag-aalaman ng pinagmulan o nagkakaloob ng mga produkto, ayon din sa IPOPHL. Ang nagmamay-ari ng isang trademark ay base sa kung sino ang unang nagparehistro nito. Maaari itong salungatin sa pamamagitan ng petisyon para sa kanselasyon.
Gaya ng copyright, maaaring makakuha ng trademark sa sandaling gamitin na ang iyong logo, iyong brand, at iba pang katangian na nauugnay dito kabilang ang slogan at packaging. Tulad nang sa Adidas, ang sikat at classic na three-striped design nito ay naka-trademark na sa kanila simula pa 1949.
Matatandaan na marami nang kinasuhan ang Adidas hinggil sa trademark matapos gayahin umano ang kanilang “three-quadrilaterals” na logo. Isa na dito ang kumpanyang Thom Browne na nagwagi sa kaso kontra Adidas noong Enero 2023 matapos panigan ng korte ang argumento ng Thom Browne na ang lahat ng uri ng stripes ay hindi pag-aari ng Adidas.
Gayunpaman, nakasaad din sa R.A. 9293 na may iba-ibang uri rin ng trademark class na puwedeng iparehistro sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPO).
Sa kaso ng Eat Bulaga!, ipinarehistro ng TAPE sa IPO ang programa para sa trademark classes na may kinalaman sa mga produkto o merchandise items ng show. Habang ang TVJ kasama ang dating presidente ng TAPE na si Antonio Tuviera ay naghain ng aplikasyon sa IPO noong Pebrero para irehistro ang trademark, kabilang na dito ang merchandise content at entertainment services. At nang sumunod na buwan, nag-file naman ng aplikasyon si de Leon sa ngalan ng TVJ, na nakatuon lamang sa huli.
Sa madaling sabi, gaya ng sikat na brand na Eat Bulaga!, hindi maaaring maglabas at lumikha ng anumang produkto o programa na may tatak o pagkakakilanlan katulad nito.
Kung kaya’t ang pag-usbong ng dalawang Eat Bulaga sa telebisyon ay mainit na isyu ngayon at iginiit ng kampo ng TAPE na ang titulo at logo ng show na Eat Bulaga! ay trademark daw dapat yun at hindi copyright, ayon kay Atty. Maggie.
“Ang mga copyright, yung mga libro, kanta, o kaya… halimbawa may film ka, tapos sa baba dun nakalagay ‘copyrights reserved’ ganun. Hindi ka puwedeng mag-copyright sa title at saka sa logo, trademark talaga siya, under IPO law,” pagdidiin pa nito.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano ang resolusyon ng IPOPHIL kaugnay ng pinaglalaban ding trademark class Section 41 ng TVJ at TAPE Inc ngunit batay sa rekord na makikita sa website ng World Intellectual Property Organization (WIPO), nakabinbin pa ang aplikasyon sa pagpaparehistro ng TVJ para sa Eat Bulaga! trademark class 41 o entertainment services.