27.5 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Ang halaga ng statistics sa ating buhay

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Agosto 11, 2023 dumalo ako sa paglulunsad ng aklat na Statistical Analysis with Software Applications na inilatha ng Rex Book Store. Ang aklat ay isinulat ng katuwang ko sa maraming pananaliksik at paglalathala sa halos dalawang dekada at dating estudyanteng si  Dr. John Paolo Rivera ng Asian Institute of Management.

Madaling maunawaan ang aklat na isiulat ng isang mahusay na guro sa pananaw ng mga estudyante lalo na yung mga napipilitan lamang kunin ang subject. Habang binabasa ko ang aklat ay parang naririning kong nagsasalita ang awtor sa kanyang mga estudyante. Malinaw ang paglalahad, maayos ang pagpapaliwanag, at sistematiko ang paglalahad ng mga paksa mula sa pinakapayak hanggang sa pinakamasalimuot.

Bilang awtor din ng mga aklat ekonomiks na ginagamit sa mga paaralan sa buong bansa nagustuhan ko sa aklat ni Dr. Rivera dahil nakatuon ito sa pagpapataas sa antas ng kaalaman ng ating kabataan sa pagdidiin nito sa kahalagahan ng statistics sa ating buhay.

Kaming mga ekonomista ay gumagamit ng statistics sa pananaliksik lalo na ang pagtatantiya sa direksyon ng mga ekonomikong varyabol sa paglipas ng panahon. Higit na ginagamit ang statistics sa pagtatalaga ng epekto ng mga patakarang ekonomiko sa iba’t ibang sektor upang ipagtanggol o tanggihan ang mga panukalang isinusulong ng pamahalaan. Ang mga doctor ay gumagamit din statistics upang malaman ang bisa ang isang gamot. Natatandaan ang isa sa mga dahilang kung bakit ayaw irekomenda ang paggamit ng Ivermectin sa paggamot sa Covid 19 ay dahil hindi raw mahigpit ang pagsusuring estadistika ng mga pananaliksik tungkol sa bisa nito. Kahit nga ang mga forecaster sa direksyon ng tatahakin ng isang bagyo ay gumagamit din ng statistics.

Ang statistics ay ang pagsusuri ng mga datos at pagsasabuod nito upang makalikha ng isang pahayag na gagabay sa mga gawain at desisyon ng mga tao sa ating lipunan. Kinakailangan ang proseso ng pagsasabuod dahil napakalawak at napakaraming datos ang nakapaloob at naaapektuhan ng isang pangyayari.


Ang pinakapayak na statistic  na ginagamit na panukat upang ilarawan ang isang pangyayari ay ang gitnang pagkabunton measures of central tendency. Kasama rito ang katamtamang halaga (mean o average), gitnang halaga (median) at halaga kung saan nagtutumpukan ang mga datos (mode). Mahalaga ang sukatan ng gitnang  pagkabunton dahil naisasaubod sa isang statistic o halaga ang napakaraming datos tungkol sa isang bagay upang ilarawan ang mga datos sa isang halaga. Kung walang statistics magiging mahirap at hindi matibay ang paglalarawan ng anumang pangyayari sa ating buhay.

Halimbawa, sa pagtatantiya ng inflation rate, naghahayag ang Philippine Statistics Authority  ng isang bilang na nasasabuod sa pagbabago ng mga presyo ng napakaraming produkto at serbisyo sa ating ekonomiya batay sa nakalap nilang impormasyon.  Dahil ang alokasyon ng mga produkto at serbisyong kinukonsumo ng isang ordinaryong pamilya ay hindi pantay pantay hindi angkop na gamitin ang simple average upang isabuod ang pagbabago sa presyo. Bagkus ang ginagamit ay weighted average upang mabigyan nang mabigat na halaga ang presyo ng mga produkto at serbisyong malaki ang alokasyon sa gugulin ng isang pamilya.

Kahit may nasusukat tayong nagsasabuod ng mga datos hindi dito natatapos ang pagsusuring statistics. Kinakailangang tignan ang distribusyon ng mga datos lalo na ang variance o ang pagkakaiba ng napakaraming datos. Kung ang mga datos ay may malalawak na agwat, walang saysay ang nasukat nating average. Kung ang nasukat halaga ay hindi lamang ang katamtamang halaga ngunit ito ay nasa gitna at kung saan natutumpukan ang mga datos, mas siguro at matibay nating magagamit ang static na nasukat sa paghahayag sa lagay ng sinusukat nating bagay.

Hindi nagtatapos ang pagsusuring statistic sa pagsukat average at variance. Dahil maikli lamang ang kolum na ito ipagpapaliban natin ang  pagtalakay ng mas masalimuot na mga paksa. Mahalagang maunawaan na ang mga statistic ay hindi lamang isang bilang na nasukat ngunit nangungusap ito ng napakaming implikasyon. Pasalamatin natin sa Dr. John Paolo Rivera sa kanyang misyong gawing makabuluhan ang pagsusuring statistics sa kanyang aklat.

- Advertisement -

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -