32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Ang Silid-Aralan

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin ng Tuesdays with Morrie)

Ang Klasrum

SUMILAY ang sinag ng araw sa bintana ng hapag kainan, inilawan ang sahig na kahoy. Halos dalawang oras na kaming nagkukuwentuhan. Kumililing muli ang telepono at sinabihan ni Morrie ang kasamang si Connie na paki-sagot ito. Inililista ng babae ang pangalan ng lahat ng mga tumatawag kay Morrie sa isang maliit at itim na appointment book. Mga kaibigan. Titser sa meditasyon. Isang discussion group.

May isang taong gustong kunan siya ng litrato para sa magasin. Malinaw na hindi lamang ako ang interesado na dumalaw sa aking matandang propesor—ginawa siyang parang isang celebrity ng interbyu niya sa TV show na “Nightline. Pero napahanga ako, at medyo nainggit din, sa lahat ng mga kaibigan ni Morrie. Naisip ko ang aking mga “kaibigan” na kasama ko noong nasa kolehiyo pa kami. Saan na kaya sila napadpad?

“Alam mo, Mitch, ngayong nag-aagaw-buhay na ako, naging mas interesado ako sa mga tao.”

Dati ka na namang interesado

“Ho.” Ngumiti si Morrie. “Mabait ka talaga.”

Hindi ah, naisip ko.

“Ito ang nangyayari,” sabi niya. “Ang tingin ng mga tao sa akin ay isa akong tulay. Hindi na ako sing-tibay na tulad nang dati, pero hindi pa naman ako patay. Para lang akong . . . nasa gitna.”

Umubo siya, at ngumiti muli. “Nandito na ako sa aking huli at malaking biyahe—at gusto ng mga taong sabihin ko sa kanila kung ano ang dadalhin sa kanilang biyahe.”

Muling kumililing ang telepono.

“Mitch, puwede ka bang sumagot sa tawag?” tanong ni Connie.

“Bisita ko ngayon ang matagal ko nang kaibigan,” inanunsyo niya. “Sabihin mong tumawag na lang sila uli.”

Hindi ko masasabi sa iyo kung bakit mainit ang pagtanggap niya sa akin. Hindi naman ako ang estudyanteng may magandang hinaharap na iniwan siya labing-anim na taon na ang nakararaan. Kung hindi lang sa “Nightline,” maaaring namatay si Morrie nang hindi ko man lang nakita pang muli. Wala naman akong matinong dahilan dito, maliban na lang sa dahilang sinasambit ng lahat ng tao ngayon. Sobrang nakatutok  lang ako sa aking sariling buhay. Naging busy ako.

Ano ang nangyari sa akin? tinanong ko ang aking sarili. Ibinalik ako ng mataas at parang-usok na boses ni Morrie noong panahong nasa unibersidad pa ako, nang panahong inisip ko na masamang tao ang mga mayayaman, na ang isang long-sleeved shirt at kurbata’y damit lamang para sa mga preso, at ang buhay na walang kalayaang tumayo at umalis—habang nakasakay sa motorsiklo, may hangin sa iyong mukha, pababa sa mga kalye ng Paris, paakyat sa mga bundok sa Tibet—ay hindi magiging mabuting buhay kailan pa man. Ano ang nangyari sa akin?

Dumating ang 1980s. Dumating ang 1990s. Dumating ang kamatayan at pagkakasakit at pagtaba at pagkalagas ng buhok. Ipinagpalit ko ang marami kong mga pangarap sa mas malaking suweldo, at ni hindi ko man lang naisip na ginagawa ko ito.

***

Gayunpaman, narito si Morrie at nagsasalita tungkol sa ganda ng aming panahon sa unibersidad, na para bang nagbakasyon lang ako nang matagal.

“May nakilala ka na bang puwede mong mahalin?” tanong niya.

“Nagbabalik ka ba sa iyong komunidad?”

Tahimik ba ang iyong kalooban?”

“Pinipilit mo bang magpakatao sa abot ng iyong makakaya?”

Hindi ako mapakali, ipinakikitang malalim kong binuno ang mga tanong na ito. Ano ang nangyari sa akin? Dati’y ipinangako ko sa aking sarili na hindi ako magtratrabaho para sa pera, na sasali ako sa Peace Corps, na titira ako sa magagandang lugar na puno ng inspirasyon.

Pero sa totoo lang, sampung taon na akong nakatira sa Detroit, sa parehong trabaho, gumagamit ng isang bangko, pinupuntahan ang parehong barbero. Tatlumpo’t pitong taon na ako, mas mahusay kaysa noong nasa kolehiyo, nakatali sa mga computer at cell phone. Nagsulat ako ng mga artikulo tungkol sa mga mayayamang mga atleta na karamihan nama’y wala talagang pakialam sa mga taong katulad ko. Hindi na ako singbata ng aking mga kasama, at hindi naman ako naglalakad nang naka-abuhing sweatshirt at may hindi-nakasinding sigarilyo sa aking bibig. Wala na akong mahahabang diskusyon tungkol sa ibig sabihin ng buhay habang kumakain ng egg salad sandwiches.

Punung-puno ang mga araw ko, pero sa aking kalooban, wala itong saya.

Ano ang nangyari sa akin?

“Coach,” sabi kong bigla, dahil naaalaa ko ang palayaw ko sa kanya.

Napangiti si Morrie. “Ako ‘yan. Ako pa rin ang iyong coach.”

Tumawa siya at itinuloy ang kanyang pagkain, na sinimulan niyang gawin apatnapung minuto na ang nakararaan. Pinanood ko siya ngayon, habang maingat ang kanyang mga kamay, na para bang ginagamit niya ang mga ito sa unang pagkakataon.  Ni hindi niya maidiin ang kanyag kutsilyo. Nanginig ang kanyang mga daliri. Hirap siya maski sumubo; matagal niyang nginuya ang kanyang pagkain bago ito lunukin, at minsa’y lumalabas ang mga ito sa tabi ng kanyang mga labi, kaya kailangan niyang itigil kung anuman ang kanyang ginagawa at punasan ng napkin ang kanyang mukha. Ang balat mula sa kanyang pulsuhan papuntang mga buto ng mga daliri’y puno ng mga bilog na gawa ng edad, at lawlaw na ito, tulad ng lawlat na balat mula sa isang buto ng manok.

Sa ilang sandali’y ganoon lang kami, isang matandang lalaking may-sakit, at isang bata at malusog na lalaki, parehong ninanamnam ang katahimikan ng kuwarto. Maaari kong sabihing parang nakakahiya itong katahimikan, pero parang ako lang naman ang siyang nahiya.

“Ang pag-aagaw-buhay,” biglang sinabi ni Morrie, “ay isang bagay lamang na dapat ikalungkot, Mitch. Ang mabuhay nang hindi masaya ay ibang bagay naman. Marami sa mga taong dumadalaw sa akin ay hindi naman talaga masaya.”

Bakit?

“Well, sa isang banda, hinayaan ng ating kultura ang mga taong magkaraoon ng magandaang pakiramdam sa kanilang mga sarili. Mga maling bagay ang itinuturo natin. At kailangang matibay ka para sabihing kapag hindi akma sa iyo ang isang bagay na kultural, huwag mo itong sundan. Gumawa ka ng sarili mo. Pero hindi ito kayang gawin ng maraming mga tao. Mas malungkot pa sila kaysa sa akin—kahit sa kondisyon kong ito.

“Nag-aagaw-buhay nga ako, pero napalilibutan naman ako ng mga mapagmahal at maalagang mga tao. Ilang mga tao ang makapagsasabi ng ganito?”

Nagulat ako sa kumpletong kawalan niya nang awa sa sarili. Si Morrie, na hindi na maaari pang magsayaw, mag-swimming, maligo, o maglakad; si Morrie, na hindi na maaaring buksan ang sarili niyang pinto, patuyuin ang katawan pagkatapos maligo, o kahit gumulong man lang sa kanyang sariling kama. Paano niya natanggap ang lahat ng mga ito? Pinanood ko siyang hirap hawakan ang kanyang tinidor, mabagal na kumakain ng kamatis, dalawang beses pa nga nadulas ang kamatis bago niya ito nahagip ng tinidor—isang nakaaawang eksena. Pero hindi ko maitatanggi na ang pag-upo sa tabi niya ay halos nagbigay sa akin ng katahimikang parang mahika, ng pareho pa ring dampi ng hangin na nagpa-kalma sa akin noong nasa kolehiyo pa ako.

Bigla akong napatingin sa aking relo—isang dati ko ng gawain—medyo gabi na at inisip kong palitan ang reservation ko sa eroplanong pabalik. Pero may ginawa si Morrie na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin malimutan.

“Alam mo ba kung paano ako mamamatay?”

Itinaas ko ang aking kilay.

“Mauubusan ako ng hangin. Oo. Dahil sa aking asthma, hindi na makakaya ng baga ko ang sakit na ito. Umaakyat ito sa aking katawan, ang sakit kong ALS. Nandito na siya sa aking mga binti. Maya-maya lamang ay nasa mga kamay ko na at daliri. At kapag tumama ito sa aking mga baga . . .”

Nagkibit-balikat na lang siya.

“. . . lulubog na ako.”

Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin, kaya ang nasabi ko na lang ay, “Well, alam mo na. . . hindi naman talaga natin malalaman.”

Ipinikit ni Morrie ang kanyang mga mata. “Alam ko, Mitch. Hindi ka dapat matakot sa aking pagkamatay. Naging mahusay ang aking buhay, at alam naman nating lahat na mangyayari ito. Baka mayroon akong mga apat o lima pang mga buwan.”

Hindi naman natin talaga masabi, nerbyoso akong nagsalita.

“Masasabi ko,” mahina niyang sabi. May isa pa ngang test, eh. Itinuro sa akin ng duktor.”

Isang test?

“Huminga ka ng malalim ng ilang beses.”

Ginawa ko ang sinabi niya.

“Ngayon, isa pa, pero ngayon, habang inilalabas mo ang iyong hininga, magbilang ka ng kung hanggang saang numero ang kaya mo bago ka uli huminga.”

Mabilis kong inihinga ang mga numero. “Isa-dalawa-tatlo-apat-lima-anim-pito, walo. . .” Umabot ako ng pitumpo bago ako naubusan ng hininga.

“Mabuti iyan,” sabi ni Morrie. “Malusog ang iyong mga baga. Ngayon. Panoorin mo ang aking gagawin.”

Huminga siya ng malalim, at pagkatapos ay nagsimulang magbilang sa kanyang mahina at gumaragalgal na boses. “Isa-dalawa-tatlo-apat-lima-anim-pito-walo-siyam-sampu-labing-isa-labingdalawa-labingtatlo-labing-apat- labinglima-labing-anim-labingpito,-labingwalo—“

Tumigil siya, naubusan na ng hininga.

“Nang unang ipagawa ito sa akin ng duktor, umabot ako ng dalawampu’t tatlo. Ngayon, labingwalo na lang.”

Ipinikit niya ang kanyang mga mata. “Halos ubos na ang aking tangke.”

Nerbiyoso akong nagtambol ng aking mga daliri sa aking mga hita. Sapat na ito para isa isang buong hapon.

“Bumalik ka uli at dalawin mo ang iyong matandang propesor,” sabi ni Morrie nang niyakap ko na siya para magpaalam.

Nangako akong gagawin ko iyon, at pinilit kong huwag nang isipin ang huling beses na nangako ako nito sa kanya.

***

Sa bookstore sa kampus, binili ko ang mga libro na nasa listahan ni Morrie. Binili ko ang mga librong ni hindi ko alam na mayroon pala, mga titulong tulad ng Youth: Identity and Crisis, I and Thou, The Divided Self.

Bago ako nag-kolehiyo, hindi ko alam na ang pag-aaral ng relasyong pangtao ay puwede palang pag-aralan ng mga iskolar. Naniwala lamang ako rito nang makilala ko si Morrie.

Pero totoo at nakakahawa ang kanyang pagkahilig sa mga libro. Minsa’y ng-uusap kami ng seryoso pagkatapos ng klase, kapag wala nang iba pang mga tao sa kuwarto. Tinatanong niya ako tungkol sa aking buhay, at pagkatapos ay magbibigay siya ng mga linya mula kina Erich Fromm, Martin Buber, at Erik Erickson. Madalas ay nagpapasintabi siya sa mga salita ng mga ito, at ibinibigay ang  kanyang mga payo. Sa mga panahong ito ko napatunayan na isa nga siyang propesor at hindi ko isang tito. Isang hapon, nagrereklamo ako tungkol sa kaguluhang nararamdaman ko sa aking edad, iyong inaasahan ng mga tao sa akin laban sa kung ano talaga ang gusto kong gawin.

“Nasabi ko na ba sa iyo ang tensiyon ng mga magkakabaligtad?” tanong niya.

Tensiyon ng mga magkakabaligtad?

“Ang buhay ay isang sunud-sunod na paghila papunta rito at papunta roon. Gusto mong gawin ang bagay na ito, pero ito naman ang ginagawa mo. May isang bagay na nakasakit sa iyo, kahit alam mo namang hindi ka dapat nasaktan dito. May mga bagay na hindi mo binibigyan ng halaga, kahit na alam mong dapat mo itong bigyan ng halaga.

“Isang tensyon ng mga magkakabaligtad, tulad ng paghila sa isang lastiko. At karamihan “Isang laban sa wrestling.” Natawa siya. “Oo, maaari mo ngang ihambing diyan ang buhay.”

“Pero anong bahagi ang nananalo?” tanong ko.

Ngumiti siya sa akin, ang matang naningkit, ang ngiping tabingi.

“Panalo ang pag-ibig. Laging panalo ang pag-ibig.”

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -