LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nagpasalamat si Gov. Dennis “Delta” Pineda sa OFW Partylist, sa pangunguna ni Representative Marissa “Del Mar” Magsino, sa malawak na suporta nito sa mga vulnerable na sektor sa lalawigan.
May kabuuang 479 barangay volunteers sa Apalit ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na bawat isa ay tumanggap ng P3,000.
Pinangasiwaan ng anak ni Magsino, Partylist’s Chairman Raymond Adriano, ang pamamahagi ng tulong kasama sina Governor Delta, Apalit Mayor Jun Tetangco, Vice-Mayor Peter Nucom, Special Assistant to the Governor / PDRRM Chief Angelina Blanco, at iba pang opisyal ng DSWD.
“Maraming salamat po OFW Partylist, hindi po namin makakalimutan ito. Sabi ko nga po sa mga Kabalen ko, hindi man po ako nanghingi ng tulong, kusa po kayong nagbigay ng tulong. Kaya lahat po ng mga taong lubos na may kailangan sa mga programang ito, sila muna po ang inuna namin,” saad ng gobernador.
Sa Arayat, 379 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) ang sumailalim sa briefing sa mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DoLE) bago simulan ang kanilang 10 araw na emergency work period na may suporta mula sa partylist. Isinagawa ang briefing kasama sina Arayat Mayor Maria Lourdes Alejandrino at Vice Mayor Emmanuel Alejandrino.
“Ako po ay masayang masaya dahil nagagampanan po ng partylist po natin ang responsibilidad na dapat po nating gawin, which is tulungan po yung mga kababayan nating nangangailangan ng ekstrang tulong sa pang-araw araw nila. Makapagbigay ng ligaya sa kanilang mga pamilya at ipinapakita na nandito lang tayo para magserbisyo,” ani Magsino.
Pinasalamatan din ng mga benepisyaryo ang Partido sa patuloy na tulong sa mga Kapampangan.
“Makakatulong po ito para pantustos sa mga gastusin sa eskwelahan ng tatlong kong anak. Kaya malaking bagay po ito sa amin,” ayon kay Thelma Villacorta, isa sa mga benepisyaryo ng programa ng AICS.
Bukod dito, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng mga food packs sa lahat ng benepisyaryo.
Kinakatawan ng OFW Partylist ang boses ng mga tao sa Kongreso, na nagtataguyod para sa mga karapatan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang mga pamilya. Nagbibigay rin ang partylist ng tulong sa mga mahihinang miyembro ng populasyon sa bansa.