25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Ang kabilang mukha ng padalang salapi ng mga OFW

- Advertisement -
- Advertisement -

MILYON MILYONG Filipino ang dumadayo sa ibang bansa upang magtrabaho. Ayon sa huling ulat, halos 2 milyong Overseas Filipino Workers (OFW) noong 2022 na kumakatawan sa 4 na porsiyento ng hukbong paggawa ng ating bansa ay nagtatrabaho sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Sila ay nagpapadala ng salapi sa kanilang pamilya na umabot sa mahigit sa $36 bilyon noong 2022.

Maraming benepisyo ang padalang salapi ng mga OFW sa mga pamilya, komunidad at sa ating ekonomiya. Pinatataas nito ang kakayahang makabili ng mga pamilyang tumatanggap nito. Kaya’t makikita natin kadalasan ang mga  anak ng mga pamilya ng OFW ay  nag-aaral sa mga pribadong paaralan na matataas ang tuition at may matataas na kalidad. Napapaayos at napapatibay din nila ang bahay na kanilang tinitirhan at may akses sila sa iba’t ibang serbisyong nagpapataas ng kanilang kasiyahn at ng yamang tao ng kanilang kaanak. Malaki rin ang naiaambag ng padalang salapi sa pagpapatatag ng ekonomiya lalo na sa palitan ng salapi. Ang padalang salapi ay nagpapataas ng suplay ng US dolyar sa ating bansa na kadalasan ay nauuwi sa apresasyon ng piso. Kung maliit lamang ang padalang salaping tinatanggap ang ating ekonomiya sa kasalukuyan baka mas mataas pa sa $57 ang presyo ng dolyar sa ngayon. Pinatataas din ng padalang salapi ang pambansang kita. Tinataya na mahigit sa 8 porsiyento ng Gross National Income (GNI) ay mula sa padalang salapi ng mga OFW na ginagamit sa pagkonsumo at iba pang gugulin. Samakatuwid, kung walang padalang salapi, malaki ang ibabagsak ng bilis ng paglaki ng ating ekonomiya dahil 8 porsiyento ang mawawala sa ating ekonomiya taun-taon.

Kahit napakalawak ng ambag ng mga padalang salapi ng mga OFW, marami rin ang posibleng negatibong epekto nito sa ekonomiya. Una, maaaring magkaroon ng pagtaas ng halaga ng ating salapi o apresasyon ng piso sa pagpasok ng malaking pondo mula sa padalang salapi. Tinataya na ang kabuoang padalang salaping tinatanggap ng bansa ay mahigit pa sa pinagsama-samang FDI at ODA na tinatanggap ng Pilipinas mula sa Estados Unidos, Japan at European Union. Dahil sa mabilis na apresasyon ng piso, nagiging mahal ang mga produktong iniluluwas natin at nagiging mura ang mga inaangkat. Masama ito sa ating mga industriyang nagluluwas dahil maaaring mabawasan ang demand sa kanilang produkto at serbisyo sa pagmahal ng presyo nito sa pananaw ng mga dayuhan. Ito ang tinatawag na Dutch disease. Ang mga industriyang nagluluwas ay nananamlay sa pagtaas ng eksternal halaga ng piso. Hindi lamang ang produksyon ng mga industriyang nagluluwas ang masamang naaapektuhan ng apresasyon ng piso ngunit nawawalan din ng trabaho ang libo libong manggagawa sa mga industriyang naapektuhan ng pagtaas ng halaga ng piso.

Kasama ng pagtaas ng eksternal na halaga ng piso, maaaring tumaas din ang internal na halaga ng piso na ipihihiwatig ng pagbilis ng inflation rate. Dahil napalalawak ng padalang salapi ang kita ng mga mga pamilya ng mga OFW ito ay ginagamit nila sa malawakang pagkonsumo. Ang malawak na pagkonsumo ay nagpapalakas sa pwersang nagpapataas sa mga presyo mga bilihin lalo na’t hindi gaanong bumibilis ang pagtaas ng suplay ng mga produkto at serbisyo.

Maaari ring magdulot ang padalang salapi na maging palaasa ang mga miyembro ng pamilya sa tinatanggap nilang padalang salapi mula sa kanilang kaanak sa ibang bansa.  Dahil sa laki ng kanilang tinatanggap na padalang salapi kung ihahambing sa pasahod ng mga kompanya at industriya sa ating bansa, maaring mauwi ito sa pagbaba ng suplay ng manggagawa. Kadalasan, itinatangong nila, bakit ako magtatarabaho sa suweldong P 600 bawat araw o P14,000 bawat buwan kung nakatatanggap naman ako ng P 18,000 bawat buwan mula sa mga kamag-anak? Ang tawag sa epektong ito ay ang pagtaas ng reservation wage ng mga manggagawa. Ang reservation wage ay ang pinakamababang sweldong handang tanggapin upang magtrabaho o pumasok sa hukbong paggawa ang isang tao. Samakatuwid, handa lamang silang magtrabaho kung ang pasweldo ay hihigit pa sa tinatanggap nila mula sa padalang salapi ng mga kaanak. Dahil dito, maaaring bumaba ang suplay ng paggawa. At sa pagbaba ng suplay ng paggawa, maaari itong magpababa sa antas ng produksyon.  Samakatuwid, dahil sa pagbaba ng suplay ng paggawa ang padalang salapi ay magpapababa sa GDP ng bansa kahit na pinatataas nito ang GNI ng bansa.


Alam natin maraming benepisyo ang padalang salapi ngunit kinakailangang timbangin natin ang mga benepisyong ito sa harap ng mga sakripisyong maaaring idulot nito sa pamilya, komunidad at sa buong ekonomiya. Sa pagtitimbang na ito malalaman natin ang tunay na ambag ng pandarayuhan at padalang salapi ng mga OFW.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -