29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Ang Unang Martes

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Salin mula sa Tuesdays with Morrie

 BINUKSAN ni Connie ang pinto at pinapasok ako. Nakaupo si Morrie sa kanyang wheelchair sa tabi ng mesa sa kusina, nakasuot ng maluwang na T-shirt na cotton at mas maluwang na itim na sweatpants. Maluwang ang mga ito dahil natuyo na ang kanyang mga binti sa normal na size ng damit—puwede mong pagdikitin ang dalawa mong mga kamay sa palibot ng kanyang hita at magdikirit ang mga daliri mo. Kung puwede lang siyang tumayo, aabot lang siya ng limang talampakan sa taas, at siguro’y kakasya siya sa maong ng isang estudyante sa Grade Six.

“May dala ako para sa inyo,” inanunsyo ko, sabay pakita ng isang brown paper bag. Mula sa airport ay dumaan ako sa isang supermarket at bumili ng karne ng pabo, potato salad, macaroni salad, at mga bagel. Alam kong marami namang pagkain sa bahay niya, pero gusto kong magdala ng kahit ano lang. Pakiramdam ko kasi’y wala akong kapangyarihang makatulong kay Morrie. At naaalala ko rin na mahilig siyang kumain.

“Ah, ang daming pagkain!” halos pakanta niyang sinabi. “Well. Ngayo’y kailangan mong kumain kasabay ko.”


Umupo kami sa mesa sa kusina, napapaligiran ng mga silyang gawa sa rattan. Ngayon, dahil hindi na namin kailangan pang mag-update sa labing-anim na taon ng impormasyon, bumalik agad kami sa pamilyar na daloy ng aming dating usapan sa kolehiyo, si Morrie na nagtatanong, nakikinig sa aking mga sagot, hihinto na parang isang chef para magbigay ng dagdag sa aking nalimutan o hindi alam. Tinanong niya ako tungkol sa strike sa aming diyaryo, at tulad ng dati na niyang nakagawian, hindi niya maintindihan kung bakit hindi na lang nag-usap ang dalawang panig para maresolba ang kanilang problema. Sinabi ko sa kanyang hindi lahat ng mga tao’y sing-galing niya.

Madalas ay hihinto siya para gumamit ng toilet, isang proseso na matagal niyang ginagawa. Itutulak ni Connie ang wheelchair niya papuntang toilet, at pagkatapos ay bubuhatin siya nito mula sa silya at susuportahan siya habang umiihi siya sa isang arinola. Tuwing babalik siya ay mukha siyang pagod.

“Naaalala mo ba noong sinabi ko kay Ted Koppel na darating ang araw na mayroong magpupunas ng aking puwet?” tanong niya.

Tumawa ako. Hindi madaling malimutan ang mga pagkakataong ganiyan.

- Advertisement -

“Well, sa tingin ko’y parating na ang araw na ‘yan. Nag-aalala ako diyan.”

“Bakit?”

“Dahil ‘yan ang pinaka-huling signos ng pagiging depende mo sa ibang tao. May ibang nagpupunas ng iyong puwet. Pero hinahayaan ko na lang. Sinusubukan kong i-enjoy ang proseso.”

“I-enjoy ito?”

“Oo. Dahil dito, para akong magiging baby sa isa pang pagkakataon.”

“Kakaibang paningin ‘yan sa bagay na ito.”

- Advertisement -

“Well, kailangan kong tumingin nang kakaiba ngayon sa buhay. Tanggapin na natin ito. Hindi naman ako puwede nang mag-shopping, o mag-transaksyon sa aking mga bank accounts, o maglabas man lang ng basura. Pero puwede akong umupo rito sa aking nalalabi pang mga araw at tingnan ang sa palagay ko’y mahalaga sa buhay. Mayroon akong oras—at dahilan—para gawin ‘yan.”

Kaya, sabi ko, sa isang sagot na paikot lamang pero sinikal, na sa palagay ko ang susi sa paghahanap ng halaga ng buhay ay ang hindi na paglalabas ng basura.

Tumawa siya, at nabunutan ako ng tinik na ginawa niya ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -