AABOT sa mahigit ₱6 bilyong halaga ng iba’t ibang klase ng iligal na droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Biyernes, Oktubre 20, sa Integrated Waste Management Incorporated Barangay Aguado, Trece Martires City sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis.
Ang iligal na droga na nagkakahalaga ng ₱5,968,744,462.01 ay nakumpiska ng PDEA sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang sa mga ito ang 274 kilograms ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nakumpiska sa Manila International Container Port (MICP) noong Oktubre 6, 2023; 208 kilograms ng dimethyl sulfone na narekober naman ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 25, 2023.
Sa kabuuan, aabot sa 1,019,204.7581 gramo ng iligal na droga ang winasak ng PDEA kasama ang 471,478 gramo ng shabu, 312.993 gramo ng marijuana, at 208,909 gramo ng dimethyl sulfone.
Pinangunahan ni PDEA Director General Moro Lazo ang pagwasak sa mga nakumpiskang iligal na droga kasama sina Cong. Dan Fernandez, Cong. Robert Barbers, mga kinatawan ng Department of Justice (DoJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), NBI, at mga lokal na opisyal ng pamahalaang lungsod ng Trece Martires.
Matatandaan na may pitong buwan pa lamang ang nakakalipas nang wasakin din ang PDEA ang may ₱19.9 billion o 3.7 tons ng mga iligal na droga sa Cavite na tinatayang pinakamalaki at may pinakamataas na halaga sa kasaysayan ng drug law enforcement. RF-PIA 4A