25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Dalawang daan sa patakarang import substitution

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo tinalakay ko sa kolum na ito ang mabilis na pag-usad ng ekonomiya ng South Korea at Taiwan kung ihahambing sa ekonomiya ng Pilipinas. Tinukoy ko ang isang dahilan na nakaugat sa malawak at maunlad na industriya ng mga hilaw na materyal sa South Korea at Taiwan samantalang palaasa ang Pilipinas sa pag-aangkat ng mga hilaw na materyal. Ang dahilan sa nagkakaibang resultang ekonomikong ito ay ang paraang ipinatupad ng mga bansa sa kanilang patakarang import substitution.

Ang import substitution ay isang patakarang ekonomikong itinaguyod ng maraming bansa sa buong daigdig noong dekada 1950 hanggang 1960 upang palitan ang kanilang mga inaangkat na produkto sa produktong gawa sa kanilang ekonomiya. Halimbawa, sa halip na umangkat ng mga telebisyon at iba pang produktong pagkonsumo, iproprodyus na lang ang mga ito sa loob ng bansa. Maraming layunin ang import substitution strategy (ISS). Kabilang dito ang pagtitipid ng bansa sa kanilang reserba ng mga dayuhang salapi; paglihis sa epekto ng pagbagsak ng terms of trade o presyo ng eksports relatibo sa presyo ng mga inaangkat bunga malawakang ng eksports ng mga produktong agrikultural; at ilatag ang programa ng industriyalisasyon ng bansa.

Maganda naman ang layuning ekonomiko ng ISS subalit maraming bansa sa Latin Amerika, at Asya kabilang na ang Pilipinas ang hindi nagtagumpay sa pagtugon sa mga layuning nabanggit. Sa karanasan ng Pilipinas, sa pagtitipid ng reserba ng dayuhang salapi, lalo pa itong bumaba hindi dahil sa matinding pag-aangkat ngunit dahil sa lumiit na suplay ng dayuhang salapi bunga ng makitid na produksyon ng mga eksports ng bansa. Dahil limitado ang yaman ng bansa, malaking bahagi ng mga ito ay inilaan sa produksyon sa mga produktong pinapalitan ang mga imports at naging maliit na lamang ang naibahagi sa produksyon ng mga produktong mailuluwas. Sa epekto sa terms of trade, bumagsak ang ating terms of trade. Una, ang presyo ng ating makitid na eksport ay bumaba bunga ng malaking bahagi ng eksport ng Pilipinas ay mga produktong agrikultural na may mabababang presyo sa bilihang internasyonal. Samantala ay presyo ng inaangkat ay tumaas.  Naging mahal ang mga produktong inaangkat dahil sa pagrarasyon ng limitadong dayuhang salapi ng Bangko Sentral sa pamamagitan ng import permit. Kahit mababa ang palitan ng salapi, ang pagbabayad ng import permit ay nagpataas sa gastos ng pag-aangkat.  Sa paglalatag ng industriyalisasyon, hindi naging matagumpay ang Pilipinas sa pagpapatupad nito dahil makitid lamang ang lokal na bilihan na hinaharap ng ating mga industriya. Hindi tayo makapagbenta sa ibang bansa dahil sa mataas na gastos ng produksyon at presyo ng mga produkto gawa ng ating mga industriya. Hindi rin nalasap ng ating mga industriya ang mga economies of scale o katipiran sa  lawak ng produksyon bunga ng makitid na demand sa bilihang lokal. Dahil sa mapanglaw na resulta ng ISS ng bansa inilunsad ng administrasyon ni Ferdinand E. Marcos ang export promotion at export substitution noong dekada 1970 upang tugunan ang naging limitasyon ng import substitution strategy ng Pilipinas.

Samantala, ginamit din ng South Korea at Taiwan ang ISS bilang daan tungo sa kanilang industriyalisasyon. Bakit naging matagumpay ang dalawang ekonomiyang ito at ang Pilipinas at marami pang bansa ay nabigo? Sa South Korea at Taiwan, tinanggap nila ang liit ng kanilang domestic market kaya itinuon nila ang import substitution sa mga produktong hilaw na materyal sa halip na mga produktong pagkonsumo. Dahil dito, nalasap nila ang mga katipiran sa malawak na produksyon dahil naipagbibili nila ang mga hilaw na materyal sa buong mundo hindi lamang sa kanilang lokal na bilihan. At dahil naging mura na ang mga hilaw na materyal, naging magaan sa dalawang ekonomiyang ito ang paghalili ng mga inaangkat na produktong pagkonsumo sapagkat hindi na sila umasa sa mahal na presyo ng mga inaangkat na hilaw na materyal. Sa halip ay nakuha nila ang mga ito sa murang halaga loob ng kanilang ekonomiya.  Ang resulta ay produksyon ng mga produktong pagkonsumo na may mababang gastos na kayang makipagkompetensya sa mga produktong gawa sa ibang bansa. Hindi lamang sila nakapagtipid sa mga dayuhang salapi, umani pa sila ng napakalaking halaga ng reserba ng dayuhang salapi bunga ng malawakang pagluluwas ng mga hilaw na sangkap at produktong pagkonsumo sa bilihang internasyonal. Sa kasalukuyan, ang South Korea at Taiwan ay mga ekonomiyang may malalawak na reserba ng dayuhang salapi na nagpapatatag sa eksternal halaga ng kanilang salapi. Sa epekto naman sa terms of trade, ito ay tumaas bunga ng mataas na presyo ng kanilang eksports ng hilaw na materyal at produktong pagkonsumo. Samantala, bumaba naman ang presyo ng kanilang inaangkat na kadalasan ay produktong agricultural at iba pang primary goods na kanilang pinoproseso. At sa huli ang estratehiyang ginamit ng dalawang ekonomiyang nabanggit ay naging susi sa kanilang mabilis na industriyalisasyon.

Ang karanasan ng South Korea at Taiwan sa ISS ay aral sa ibang ekonomiya. Kinakailangang ipatupad ang ISS ng may angkop na pagkakasunod-sunod. Nagsisimula sa pagpapalit ng mga inaangkat na hilaw na produkto at natatapos sa pagpapapalit sa inaangkat na produktong pagkonsumo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -