BILANG bahagi ng selebrasyon ng Elderly Week sa lalawigan, isinagawa ang Bida si Lolo at Lola: Search for Talentadong Nakatatandang Mindoreño at ang inaabangang pagkilala sa mga nahirang na Ulirang Nakatatanda 2023 noong Nobyembre 6 sa Bulwagang Panlalawigan, Provincial Capitol Complex, Camilmil, Calapan City.
Pinangunahan ang gawain ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) katuwang ang iba’t ibang pamahalaang bayan sa lalawigan. May tema ang selebrasyon ngayong taon na Honoring the Invaluable Legacy of Filipino Senior Citizens,” na naglalayong kilalanin ang mga malalaking ambag ng mga pangunahing mamamayan sa kani-kanilang mga komunidad.
Sa mensahe ni PSWD Officer Zarah Magboo, sinugurado niya na patuloy na isusulong ng kanilang tanggapan ang kagalingan at kapakanan ng mga senior citizen katuwang ang mga kawani ng PSWDO at lahat ng mga nagpapahalaga sa mga ito sa pangunguna ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor.
Binigyang diin naman ni Dolor sa kaniyang mensahe na nais niyang magamit sa wasto at mapakinabangan ng mga senior citizen ang mga insentibong nakukuha mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Ibinalita rin ng Punong Ehekutibo na ang Senior Citizen Center Building na matatagpuan sa Brgy. Guinobatan, Lungsod ng Calapan ay nakatakdang buksan ngayong Nobyembre 27 na magbibigay bahay-pulungan at pansamantalang tirahan sa mga senior citizen na nagmula sa mga malalayong bayan na nagnanais gumamit nito.
Bahagi rin ng naging selebrasyon ang pagtatanghal ng mga senior citizens sa Bida si Lolo at Lola: Search for Talentadong Nakatatandang Mindoreño kung saan nagtagisan ng galing at talento ang mga kalahok na mga grupo mula sa iba’t ibang bayan.
Bukod sa patimpalak at pagpaparangal sa mga SC, isinagawa rin ang pagkakaloob ng libreng vitamins at anti-flu vaccines at anti-pneumonia ng Provincial Health Office (PHO) at Department of Health (DoH) sa mga ito upang higit na lumakas ang resistensya kontra mga sakit. (JJGS/PIA Oriental Mindoro)