30.4 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

DoLE itinampok sa pulong ng Asean partikular ang plano para sa trabaho ng mga kabataan

- Advertisement -
- Advertisement -

GAGANAP sa isang aktibong papel ang Pilipinas upang matugunan ang mga usapin na may kaugnayan sa kakayahang magtrabaho ng mga kabataan sa Asean sa pamamagitan ng mga programa na magpapanatili sa mga kabataan sa paaralan, pagpapahusay ng kanilang mga kasanayan, at pagbibigay-daan para sa maayos na paglipat mula sa paaralan patungo sa produktibong trabaho.

Binigyang-diin ni DoLE Undersecretary Carmela Torres (kanang larawan) ang aktibong papel ng Pilipinas sa pagtugon sa mga usapin na may kaugnayan sa kakayahang magtrabaho ng mga kabataan sa ginanap na ASEAN Regional Dialogue on Young People’s Skills, Employability, and Transition to Decent Work noong Oktubre 17-18 sa Jakarta, Indonesia. Ipinahayag niya ang layunin ng Kagawaran na tumulong sa pagtaas ng kakayahang magtrabaho ng mga manggagawang Pilipino at pagpapalawak ng kanilang oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng mga programang nakalaan para sa mga kabataan, kabilang ditto ang Special Program for Employment of Students, Government Internship Program, JobStart Philippines, Career Development Support Program, at Assistance to First-Time Jobseekers Act. Kasama sa talakayan sina (mula kaliwa) Doan Tran Trung, bise presidente ng Ho Chi Minh City, Vietnam General Federation of Labor; Amira Mohamed Nasuhar, assistant manager, Singapore National Employers’ Federation; at Dharendra Wardhana, senior planner, Directorate of Employment, Ministry of National Development Planning, Indonesia. Larawan mula sa DOLE

Ito ang pahayag ni Department of Labor and Employment (DoLE) Undersecretary for Employment and Human Resource Development Cluster Carmela Torres sa ginanap na Asean Regional Dialogue on Young People’s Skills, Employability, and Transition to Decent Work noong Oktubre 17-18 sa Jakarta, Indonesia.

Nagtipon sa dalawang araw na kaganapan ang mahigit 150 kinatawan mula sa pamahalaan, ahensya ng UN, kabataan, pribadong sektor, at mga organisasyon ng mga manggagawa at employer, para sa pagpapatupad ng lifecycle approach para sa kasanayan at trabaho ng mga kabataan, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng green at digital na kasanayan at trabaho sa kontemporaryong sistema ng edukasyon at merkado ng paggawa.

Ayon sa labor undersecretary, nahaharap sa hamon ang kakayahan ng mga kabataan na makapag-trabaho, kabilang ang mabagal nilang transisyon mula sa paaralan tungo sa pagtatrabaho, pagtaas ng bilang ng mga kabataang hindi nagtatrabaho, nag-aaral, o nagsasanay (NEET), hindi pagkakatugma ng mga kasanayan, at paglilipat ng mga demograpiko sa lugar-paggawa.


Sa pamamagitan ng mga programa ng DoLE na nakalaan para sa kabataan, kabilang dito ang Special Program for Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP), JobStart Philippines (JSP), Career Development Support Program (CDSP), at Assistance to First-Time Jobseekers Act, kung saan ang layunin ng Kagawaran ay itaas ang kakayahang magtrabaho ng mga manggagawang Pilipino at palawakin ang oportunidad nilang makapagtrabaho sa ilalim ng isang magandang kapaligiran batay sa lifelong learning at magkabahaging pamamahala sa merkado ng paggawa. Ang mga estratehiyang ito ay naaayon din sa mga layunin ng Philippine Development Plan 2023-2028 at ng Philippine Labor and Employment Plan (LEP) 2023-2028.

Magiging bahagi ng Asean Joint Recommendation ang mga istratehiya ng bansa para sa pagtatrabaho ng kabataan, kung saan bibigyang-diin ang pangangailangan para sa mas mataas na pakikipagtulungan ng pribadong sektor at ng mga kabataan upang isulong ang pantay na pagkakataon para sa mga kabataan sa rehiyon. RKQ/GMEA/DOLE

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -