30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

 Financially free ka ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

HABANG kumakain kami ni Juan sa isang restoran, nakakatawang kami’y nag-Marites dun sa mga nag-uusap na kapwa ko senior at mukhang mga retired na rin.

Sabi ng isa, “salamat at nabayaran ko na lahat ng utang ko at ngayo’y puwede nang mag-enjoy!”

“Mahirap manghingi sa mga anak ko. Sila din medyo hirap pa rin”, kuwento ng isa.

Yung isa naman, “haay naku, pagkatapos ng halos apat na dekada, nakalaya din at natapos na din ang pagkatali ko sa opisina.”

At dagdag pa ng isa, “nagnenegosyo na ko ngayon at nagagawa ko na kung ano talaga ang gusto kong gawin, ang maging baker ng mga cupcake at muffin!”


O, Juan, narinig mo yun? Alam mo ba na ang pinag-uusapan nila ay tungkol sa “financial freedom”. Ano ba yun?

Iba-iba ang ibig sabihin nyan sa iba’t ibang tao, depende kung nasaan ka sa life cycle mo.

Sa mga nagsisimula pa lang sa kanilang career, maaring ang financial freeedom ay yung hindi na sila nanghihingi ng pera sa kanilang magulang at nabibili na na nila ang gusto nila na hindi mang-iistorbo ng iba. Parang ikaw, Juan. Basta may trabaho, yun ang mahalaga.

Yung iba, pagkatapos ng ilang taong pagiging empleyado ay nag-iisip na magnegosyo at sinasabing naabot na nila ang pagkakataong pumili ng puedeng gawin para kumita ng mas malaki na hindi habang-buhay na naninilbihan para sa iba.

- Advertisement -

At sa mga katulad kong retired na at hindi na kumikita na katulad ng dati, ang financial freedom ay ang pagkakaroon ng choice kung anong gusto ko sa oras ko, wala akong utang na obligasyon kong bayaran, ang kawalan ng anxiety tungkol sa kawalan ng pera para matustusan ang gastos ko at matupad ang lifestyle kung saan ako comportable at ang magandang kalusugan ko’t ng buong pamilya.

Kung tutuusin, ang financial freedom ay may apat na dimensyon:

Kalayaan sa pagpili ng buhay na gusto mo. Ito ay konektado sa pangarap mong manatili o umaangat ng konti ang lifestyle na gusto mong ma-experience at kung saan ikaw ay payapa’t maligaya.

Kalayaan sa pagiging insecure. Hindi ka na takot na mawalan ng pera dahil sa mga kinita mo na naipon at na-invest mo nang tama at ngayo’y umaani ka ng passive income dito. Kahit wala kang trabaho, patuloy ang cash flow mo para suportahan ang lifestyle mo.

Kalayaan na mag-adventure sa buhay habang malakas pa ang kalusugan. Ang pagbiyahe sa hindi dating marating sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at mundo ay isang pribilehiyo ng mga taong nakapag-save at invest nung mga panahong malakas pa ang kita.

Kalayaaan sa oras. Ang ating oras ang may pinakamataas na halaga sa buhay natin. Mabilis tumakbo ang panahon at palagi na lang nating pinapalit ang oras sa pera para lang mabuhay at hindi maging miserable. Kaya marami tayong napabayaan sa ating mga sarili. Lahat ng oras natin ay sinasakripisyo natin para sa pamilya at sa ibang tao. Paano kung magagawa na natin kahit anong gusto natin sa ating oras at hindi ididikta ng boss o ng ibang tao? Gumawa ng hobby katulad ng cooking, painting, pottery, dance or music, magfarming, magcycling, magbeach, magmall, makipagkita sa kaibigan, mag-Netflix, magalaga ng mga aso o magbilang ng bituin sa langit? May sisita ba?

- Advertisement -

Wala. Dahil pinaghirapan natin yan. Deserve natin yan. Anong ibig sabihin?

Hindi libre ang financial freedom. Marami kang lalabanang balakid at milya milyang daan na tatahakin.

Hindi pantay pantay ang oportunidad na kumita para sa lahat. May masuwerte at meron ding hindi. Umiikot ang buhay natin sa kabusugan at kawalan, sa pagiging stable at hindi, sa may bubog at wala. Ang katapat nyan ay hard work, sacrifice at paniniwala sa sarili na kaya natin lahat yan.

Ang oras ang pinaka sa pinaka na kalaban ng financial freedom. Lahat tayo ay tatanda. Lahat ay magreretire o titigil sa active na pagtratrabaho. Lahat ay mawawalan ng stable income o hihina ang dating kinikita. Lahat ay magkakasakit. Lahat ay papanaw sa mundo.

Mahalaga at hindi biro kung ano ang tamang ginawa mo bago ka makarating sa estadong ito na hindi ka na nag-iisip tungkol sa pera kahit wala kang trabaho (dahil di mo na kayang magtrabaho) at ikaw ay self-sufficient o hindi umaasa sa kahit na kanino, kahit sa anak mo na may mga sariling buhay din.

Paulit-ulit kong sasabihin itong mga tips na ito para matulungan mo ang sarili mong magkaroon ng tunay na financial freedom:

  1. Ipon is life. Wala kang mararating kung di ka matutong mag-ipon.mabilis maubos ang pera. Pero pairalin ang disiplina at ang pag-iwas sa mga temptation at pressure mula sa social media at mga kaibigan. Mag-ipon para sa emergencies, tulad ng pagkakasakit, kawalan ng trabaho, kamatayan sa pamilya at iba  pang biglaang pangangailangan, na katumbas ng anim na buwan mong suweldo. Planuhin ang mga big purchases tulad ng bakasyon, kotse o gadgets.
  2. Mag-budget ka. Walang impossible kung meron kang financial goals at ibudget mo ang gastos na makakatulong sa goals mong ito. Live below your means. Ugaliin ang “saka na lang” mindset kapag hindi pa talaga kaya ang gustong bilhin.
  3. Utang ay death. Kaya dapat linisin mo ang mga utang mo sa mabilis na panahon. Hindi ko sinasabing huwag mangutang. May mabuti at masamang utang. Pag-usapan natin yan sa susunod. Pero habang may utang ka, kinakain nito ang kinikita mo kaya kadalasa’y ubos na bago mo pa man ito mapasakamay. Lalo na yung mga home mortgages natin sa bangko. Kung may extra ka sa budget, mas malaki ang ibayad  mo sa bangko para mabawasan ang utang mo sa principal amount at hindi lang sa interest napupunta ang bayad mo. Iba ang  pakiramdam pag nakatapak ka na sa bahay mong iyong-iyo at wala ka ng utang. Yan ang financial freedom. Gusto mo ba na sa pagtanda mo’t wala ka ng trabaho, ang pensyon mo ay mapupunta lang sa utang mo? Yan ay financial death, hindi financial freedom.
  4. Investment is king. Pagtanda mo at wala ka ng stable income o di kaya’y kulang ang pensyon mo mula sa gobyerno, kailangan mo ng passive income kung saan may pumapasok sa yong cash kahit wala kang trabaho. Yung iba nag-iinvest sa pagbili ng real estate, tulad ng condo, apartment o farmland, at inaasahang ito ang magbibigay ng income sa kanila. Ang iba naman ay nag-iinvest sa mga financial instruments sa mga bangko, insurance companies at stock brokerages . Pag-aaralan din natin yan sa susunod.
  5. Pagplanuhan ang retirement. Marami ang umaasa sa ipinangakong pensyon pagdating ng 60 na anyos. Sigurado na meron ka nito kung ikaw ay nag-contribute sa SSS o GSIS. Pero sigurado din na kulang ito sa taas ng bilihin ng pagkain, gamot o pagpapa-ospital. Kailangan mong isama sa budget mo ang ipon para sa retirement habang bata ka pa.  Sa aking karanasan, kulang na kulang ang pensyon ko para mabuhay ako ng disente. Malaking pakinabang ang ginawa kong pag-iipon at pag-iinvest mula noong ako ay bata pa. Mabuti na lang din mababait ang mga anak ko at hindi kami pinapabayaan. Pero gusto ba natin na maging pabigat sa mga anak natin? Paano kung nabuhay tayo ng 100? Kaya pag-uusapan natin  sa susunod kung paano mag-plano para sa ating sunset years.
  6. Gawing balanse ang career choices sa kung saan magbibigay sa yo ng kasiyahan at katumbas na economic value o halaga sa oras at hirap na binigay mo sa trabaho.  Lahat ng sinabi ko tungkol sa pag-iipon at pag-iiinvest at nakadepende sa income na papasok sa yo. Hindi naman kasi puwedeng passion lang ang dahilan kung bakit ka nagpapatuloy sa ginagawa mo. Mahalaga din ang kikitain mo para mabuhay ayon sa gusto mong future. Mahirap talagang balansehin yan at siguradong may igi-give up ka–may pera pero hindi palaging masaya o walang pera pero gusto mo yung ginagawa mo. Depende sa financial goals mo, pilitin mong magkaroon ng happy balance sa career choices mo. Ang pundasyon pa rin ng financial freedom ay ang income o kinikita mo.

Nakaalis na itong mga katabi namin. Sumarap ang kinain namin sa sahog ng tsismis nila. Tara na, Juan, mahirap itong maraming oras. Kung ano-ano ang nasasagap natin.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -