30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Paglalaan ng serbisyong medikal sa bansa

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Nobyembre 11, 2023 naibalita sa The Manila Times ang plano ng Metro Pacific Health Corporation (MPH) na palawakin ang bilang ng mga ospital na kanilang pinamamahalaan mula sa 23 hanggang 40 sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng pamimili ng mga maliliit na pribadong ospital sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.

May ilang nangangambang ang planong ito ay maaring mauwi sa monopolisasyon ng MPH sa probisyon ng serbisyong medikal. Dahil dito maaaring itaas ang presyo ng paglalaan ng serbisyong medikal sa mga lalawigan at hindi na kayang abutin ng mga ordinaryo at maralitang mamamayan. Ngunit, kahit tumaas ang bilang ng mga ospital ng pagmamay- ari ng MPH ito ay kumakatawan lamang sa halos 4% ng bilang ng mga pribadong ospital at 2.5% ng kabuoang bilang ng mga ospital sa bansa. Samantala, ang pangambang pagtataas ng presyo ng serbisyong medikal ay posibleng mangyari dahil sa pagtaas ng kalidad ng serbisyong medikal at hindi dahil kapangyarihan ng MPH sa bilihan. Sa harap na mga pangamba at inaasahang sakripisyo ng proyekto may katumbas na benepisyo ang pamimili ng ospital ng Metro Pacific Health Corporation.

Isa sa mga pangunahing benepisyo ay ang pagpapataas ng MPH ng bilang ng mga kama sa mga maliliit na ospital sa pamamagitan ng palalaan ng pondo ng kompanya sa pagpapalawak ng kapasidad ng mga ito. Sa kasalukuyan ang bilang ng mga kama sa mga ospital sa bansa ay tinataya sa 89,700 o halos 0.76 kama lamang sa bawat 1,000 populasyon na mababa sa pamantayang 1 kama sa bawat 1,000 populasyon na itinakda ng Department of Health (DoH). Kung tutuparin ang pamantayan ng DOH kakailanganin ng bansa ng karagdagang 27,637 kamang pang-ospital na halos katumbas ng 58% ng bilang ng mga kama sa mga pampublikong ospital sa kasalukuyan. Mangagailangan ang pamahalaan ng napakalaking pondo upang tugunan ang target na ito. Samakatuwid, ang pagbili ng MPH ng mga pribadong ospital ay makapag-aambag nang malaki sa pagpapaliit ng deficit natin sa bilang ng mga kama sa mga ospital. Maisasagawa ito ng MPH dahil malaki ang kanilang pondo upang tustusan ang pagpapalawak ng kapasidad kasama na ang pagdagdag ng bilang ng mga kama ng mga nabiling ospital.

Ikalawa, maaaring tumaas ang kalidad ng serbisyong medikal sa mga lalawigan hindi lamang sa dagdag na kapital na ilalagak ng MPH sa ekspansyon ng mga pribadong ospital sa iba’t ibang lalawigan ngunit sa economies of scope o katipiran bunga ng lawak operasyon ng MPH sa buong bansa. Ang mga karanasan at mabubuting praktis o gawi ng maraming ospital na pinamamahalaan ng MPH ay maaaring ibahagi sa mga bagong biniling ospital. Marami rin silang mga duktor at espesyalistang maibabahagi ang kanilang kasanayan sa mga duktor sa mga bagong ospital na magpapataas ng antas ng kaalaman ng mga duktor at iba pang profesyonal medikal sa iba’t ibang probinsya. Dahil dito may kakayahan silang mapataas ang antas ng kalidad ng serbisyong medikal sa mga lalawigan.

Samakatuwid, ang problema ng kakulangan ng mga espesyalistang duktor at makabagong kagamitan sa operasyon ng mga pasyente ay matutugunan ng pagbili ng MPH ng mga maliliit na ospital sa mga lalawigan. Ang pagtaas ng kalidad ng serbisyong medikal ang magpapataas ng presyo at hindi ang kontrol sa bilihan. Samakatuwid, hindi na kinakailangang magsisiksan pa ang mga pasyente sa mga ospital sa Metro Manila dahil marami nang de kalidad na ospital sa kanilang lugar na kayang makapaglaan ng mataas na antas ng serbisyong medikal. Malaking katipiran ito sa mga pasyente.


May ilan rin ang tumatanggi sa proyektong ito dahil hindi nila matanggap ang paglawak ng pribadong sektor sa paglalaan ng produktong publiko tulad ng serbisyong medikal. Sa katotohanan, ang serbisyong medikal ay hindi isang produktong publiko. Ang isang serbisyo ay maituturing  produktong publiko kung  hindi ito eklusibo o non-exclusive at hindi naglalabanan ang mga gumagamit nito  o non-rivalrous. Ngunit ang probisyon ng serbisyong medikal ay ekslusibo dahil maaaring tanggihan ang iba sa pagkonsumo nito. Ang nakikinabang sa pagkonsumo nito ay mga nakapagbabayad ng presyo nito. May labanan din sa paggamit ng serbisyong medikal dahil sa limitasyon sa bilang ng mga kama sa mga ospital. Ang paggamit ng isang pasyente ng kama sa ospital ay nagpapababa sa bilang kama na maaaring gamitin.

Ang serbisyong medikal ay maituturing bilang merit good o kapakipakinabang na produkto at serbisyo bunga ng napalawak na mga benepisyo nito hindi lamang sa indibidwal ngunit sa buong lipunan. Masasabi ring malaki ang positibong eksternalidad nito. Ito ang dahilan kung bakit inilalaan ito ng pamahalaan. Ngunit bunga ng  limitasyon ng yaman ng pamahalaan nagkukulang ito sa paglalaan ng serbisyong medikal kaya’t pumapasok ang pribadong sektor upang punan ang kakulangan sa harap ng lumalaking demand na sanhi ng pagtaas ng populasyon na nagsisiksikan o naglalabanan sa probisyon ng serbisyong medikal. Halos 40% lamang ng mga ospital sa buong bansa ay nasa pamamahala ng pampublikong sektor.

Sa halip tanggihan at labanan ang pagpasok ng pribadong sektor sa paglalaan ng kapakipakinabang na serbisyong medikal, dapat itong salubungin ng tuwa at magpasalamat dahil tinutugunan ng pribadong sektor ang napakahalagang pangangilangan ng tao at ng lipunan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -