MAS pinahusay ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pagpapatupad ng programang Kabuhayan upang matiyak na mas maraming mahihirap na manggagawa ang makikinabang sa inisyatibong ito.
Ito ang bingyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa ginanap na 2023 Kabuhayan Awards — isang taunang pagkilala sa mga benepisaryo ng DoLE Integrated Livelihood Program (DILP) na matagumpay na pinamahalaan ang kanilang proyektong pangkabuhayan mula sa DoLE.
Sinabi ni Secretary Laguesma na ang kontribusyon sa pinahusay na pagpapatupad ng programa ay ang pinasimpleng proseso para makakuha ng tulong, inklusibong pagkilala sa magiging benepisaryo, at ang pinalawak na pakete ng tulong.
“Noong Hunyo 2023 ang DoLE ay nagpalabas ng Department Order No. 239 Series of 2023 kung saan sinimplehan, pinaikli, at binawasan ang mga proseso at dokumento na kinakailangan para makakuha ng tulong sa ilalim ng DILP at Tupad [Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program]. Bukod dito, pinalawak din ang benepisyo at saklaw ng programa… Pinaigting din ng DoLE ang ugnayan sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan at pribadong sektor upang mas mapabuti ang pagpapatupad ng programa,” pahayag ng kalihim sa ginanap na seremonya noong ika-14 ng Nobyembre sa Parañaque City.
Sa ilalim ng DILP, ang mga indibidwal o grupo ng benepisyaryo ay binibigyan ng puhunan sa pamamagitan ng mga materyales, kagamitan, kasangkapan, at mga pasilidad. Bibigyan din sila ng personal protective equipment at micro-insurance, mga seminar tungkol sa basic occupational safety and health at emergency first-aid, at iba’t ibang pagsasanay sa productivity at entrepreneurship upang matiyak na mapapanatili nila ang kanilang proyektong pangkabuhayan.
Bilang tagapamahala ng programang DILP, pinasimulan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang pagkilala at pagbibigay parangal sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Kabuhayan Awards.
Kabilang sa mga natatanging indibidwal na benepisyaryo ng DILP ngayong taon ay sina Renier Mag-abo mula sa Sindangan, Zamboanga del Norte para sa kanyang negosyong pag-ukit at paggawa ng lapida (champion), si Melfo Bitor mula sa Sogod, Southern Leyte para sa kanyang negosyo na street food (1st runner-up), at Dolores Casem mula sa Bayombong, Nueva Vizcaya para sa kanyang healthy foods processing venture (2nd runner-up).
Tumanggap ang mga nagwagi ng plake ng pagkilala premyo na nagkakahalaga ng P50,000 para sa champion, P40,000 para sa 1st runner-up, at P30,000 para sa 2nd runner-up.
Samantala, tinanghal bilang pinakamahusay na mga DoLE-assisted livelihood project sa ilalim ng group category ang Tayak Agri-Fishery Producers Association mula sa Abulug, Cagayan para sa kanilang mushroom production venture (champion), Del Pilar Makugihon Fishing Association mula sa Socorro, Surigao Del Norte para sa kanilang general merchandise project (1st runner-up), at Rehoboth Agriculture Cooperative para sa kanilang chocolate processing venture (2nd runner-up).
Nakatanggap ang bawat grupo ng plake ng pagkilala at premyo na nagkakahalaga ng P100,000 para sa champion, P80,000 para sa 1st runner-up, at P60,000 para sa 2nd runner-up.
Kinilala rin sa nasabing okasyon ang mga DILP at Tupad regional implementers.
Kinilala bilang pinakamahusay na tagapagpatupad ng programang Tupad ang regional office ng DoLE Central Luzon, DoLE Davao, at DoLE Zamboanga Peninsula. Samantala, kinilala naman bilang pinakamahusay na performing regional Tupad focal person sina Angelica Gay Dela Cruz ng DoLE Regional Office 2 at Charlene Frances Hallegado ng DoLE Regional Office 12 (2nd runner-up), Rodrigo Roble, Jr. ng DoLE Regional Office 11 (1st runner-up), at Ethel Galvan ng DoLE Regional Office 3 (champion).
Ginawaran din bilang pinakamahusay na regional office ang DoLE Zamboanga Peninsula, DoLE Davao, at DoLE Central Luzon sa pagpapatupad ng Sustainable Livelihood Framework; at DoLE Northern Mindanao, DoLE Zamboanga Peninsula, at DoLE Davao sa ilalim ng livelihood implementation.
Bukod pa rito, kabilang sa pinakamahusay na regional livelihood focal persons sina Franklin Rivera ng DoLE Zamboanga Peninsula (2nd runner-up), Marie Therese Garcia ng DoLE SOCCSKSARGEN (1st runner-up), at Ma. Lesly Romero ng DoLE Mimaropa (champion).
Binigyan din ng special awards ang mga sumusunod na nagwagi sa jingle-making contest: Jayron Ramirez ng DoLE Regional Office 12 (champion), Ephraim Laqueo ng DoLE National Capital Region (1st runner-up), at Mariane Fatima Mastura ng DOLE Regional Office 11 (2nd runner-up).
Tumanggap ng best video documentation award ang DoLE Ilocos Region (2nd runner-up), DoLE Zamboanga Peninsula (1st runner-up), at DoLE Northern Mindanao (champion) para sa individual category; at DoLE CALABARZON (2nd runner-up), DoLE Zamboanga Peninsula (1st runner-up), at DoLE Caraga (champion) para sa group category.
Binigyang-diin din ni Workers’ Welfare and Protection Cluster Undersecretary Benjo Santos Benavidez ang layunin ng Kagawaran na makapagbigay ng napapanahon at sapat na tulong sa mga nangangailangan, marginalized, at manggagawang nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng DILP at Tupad.
“Iyong mga kababayan natin na nasa informal sector sila ang mga itinuturing nating disadvantaged workers at siyang target ng ating mga programa katulad ng DILP at Tupad. Huwag silang mag-atubiling lumapit sa pamahalaan upang sa ganoon ay maibigay natin ang akmang tulong para sa kanila. Kung sila ay nawalan ng trabaho o naghahanap ng pagkakakitaan, ang aming programa ay angkop para sa kanilang pangangailangan. Ang aming programa ay para sa lahat. Ang aming serbisyo ay sapat at kagyat,” wika ni Undersecretary Benavidez kasabay ng kanyang pangbanggit sa tema ng okasyon na “Serbisyong Kagyat at Sapat, Kabuhayan Para sa Lahat!”