INAASAHANG 46,861 minimum wage earner sa lahat ng sektor sa Mimaropa ang direktang makikinabang mula sa dagdag na P40 sa arawang minimum na sahod simula sa ika-7 ng Disyembre.
Ito ay matapos ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board, motu proprio, ang Wage Order No. RB-Mimaropa-11 noong ika-24 ng Oktubre. Alinsunod sa umiiral na batas at patakaran, isinumite para sa pagsusuri ang wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) at pinagtibay noong ika-10 ng Nobyembre. Naipalathala ang wage order noong ika-21 ng Nobyembre at magkakabisa pagkatapos ang 15 araw o sa ika-7 ng Disyembre.
Dahil dito, ang arawang minimum na sahod sa lahat ng sektor ng mga establisimyento na may 10 o higit pang manggagawa, ay magiging P395 at P369 naman para sa establisimyento na wala pang 10 ang manggagawa.
All Sectors | Minimum Wage
Under WO No. RB-MIMAROPA-10 |
Amount of Increase
(Upon Effectivity) |
New Minimum Wage Rates (Upon effectivity) |
Establishments with 10 workers and above | ₱355.00 | ₱40.00 | ₱395.00 |
Establishments with less than 10 workers | ₱329.00 | ₱40.00 | ₱369.00 |
May 113,324 full time wage at salary worker na kumikita ng higit sa minimum na sahod ang maaari ding makinabang bilang resulta ng pagsasaayos ng sahod sa antas ng negosyo na magmumula sa pagwawasto ng wage distortion.
Inilabas din ng Regional Board ng motu proprio ang Wage Order No. RB-Mimaropa-DW-04, na nagbibigay ng karagdagang P1,000 sa buwanang minimum na sahod ng kasambahay. Magiging P5,500 na ang buwanang sahod para sa mga lugar sa rehiyon:
Area/ Location | Minimum Wage Under WO No. RB-MIMAROPA-DW-03 | Amount of Increase | New Minimum Wage Rates |
MIMAROPA Region | ₱4,500.00 | ₱1,000.00 | ₱5,500.00 |
Inaasahang makikinabang sa pagtaas ng sahod ang may 28,269 kasambahay, kung saan tinatayang 21 porsiyento (5,800) sa mga ito ang nasa live-in arrangement.
Isinasaalang-alang sa pagbibigay ng dagdag-sahod ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy ng sahod sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act. Ang Board, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, employer, at manggagawa, ay nagsagawa ng serye ng mga pampublikong pagdinig noong ika-21 ng Setyembre sa Occidental Mindoro, ika-27 ng Setyembre sa Marinduque, ika-11 ng Oktubre sa Puerto Princesa City, at ika-24 ng Oktubre sa Oriental Mindoro at deliberasyon sa sahod noong Oktubre 24.
Ang bagong rate para sa mga manggagawa sa pribadong sektor ay nangangahulugan ng 11 porsiyento-12 porsiyento pagtaas mula sa umiiral na minimum na arawang sahod sa rehiyon at nagreresulta sa 23 porsiyento pagtaas sa mga benepisyong nauugnay sa sahod kabilang ang 13th-month pay, service incentive leave (SIL), at social security benefit tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Gaya ng anumang wage order, at tulad ng itinatakda ng NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, maaaring mag-aplay ang mga retail/service establishment na may regular na manggagawa na hindi hihigit sa sampu, at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad ng exemption mula sa pagtaas ng sahod sa RTWPB. Hindi saklaw ng batas sa minimum na sahod ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) alinsunod sa Republic Act No. 9178 [2002].
Magsasagawa ng information campaign ang RTWPB-Mimaropa upang tiyakin ang pagsunod at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga negosyo sa pagwawasto ng wage distortion. Para sa aplikasyon ng exemption at karagdagang paglilinaw sa wage order, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB sa pamamagitan ng email address [email protected].
Ang huling wage order para sa mga manggagawa sa mga pribadong establisimyento at sa mga kasambahay sa nasabing rehiyon ay naging epektibo noong Hunyo 2022.