27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Komun: Pagkaing sosyal, produksyong sosyal

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

(Katapusan ng tatlong bahagi)

UULITIN sa bahaging ito ang batayang prinsipyo na ipinanukala sa simula: alisin ang problema ng pagkain sa saklaw ng malayang kalakalan ng sistemang kapitalismo. Sa isang kaayusan ng lipunan na ang mga tao ay nahahati sa mga uri, alalaon baga’y uring mayayaman at uring walang-wala, imposibleng magkaroon ng kapasidad ang isang mahirap na makipagkumpetensiya sa mayayaman sa paglahok sa negosyo ng kalakalan. Mayayaman lamang ang may kapital, ang mga maralita ay wala. Papaano mo ngayon sasabihin na malaya ang kalakalan?

Ang kalakalan ay hindi malaya. Bukas lamang ito sa kakaunting may kakayahang mamuhunan, ang 1 porsiyento ng lipunan. Sa 99 porsiyento ng sambayanang Pilipino, magtiis na lamang sa kung ano man ang mga tira-tirang pagkaing itatapon ng mga oligarko.

Partikular sa mga pinakadahop, kahit pa ang mga momo ng mayayaman ay hindi na sila mabahaginan. Nagkakasya na lamang sila sa pakikibahagi sa kabuhayan ng mga kaibigan at kamag-anak na may kaunting kakayahan, umasa sa kawanggawa, manghalukay ng mga basura’t mamulubi.

Ang armadong pakikibaka na dinaanan ng Unyong Sobyet at China upang igpawan ang kapitalismo at diretso nang pairalin ang sosyalismo para sa paggapi ng kahirapan ay hindi na mangyayari pa sa Pilipinas. Pinatunayan na ito ng 53 taong pagpapakatagal-tagal ng insurhensya ng CPP/NPA/NDF (Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front).


Alinsunod sa pang-mundong proseso na dinaanan ng historikong materyalismo, mula sa primitibo komunal na sistema tungo sa sosyalismo, sa sandaling ang isang kaayusang panlipunan ay naging matatag na sa isang bahagi ng mundo, ang iba pang bahagi ng mundo ay nangyayaring pumapaloob na lamang dito. Kaya nga bagama’t ang Rebolusyong Sobyet noong 1917 ay laban sa piyudal na dinastiyang Romanov, hindi na piyudal na kaayusan ang humalili sa pagbagsak ng dinastiya kundi ang burgis nang sistema na dala ng nanagumpay na pamahalaang Kerensky. Sa mga panahong iyun, wagi na ang bagong uring burgesya sa Rebolusyong Pranses ng 1848 na siyang nagpanimula sa pagtatag ng kapitalismo. Nangyari nga lang na pailalim sa kilusang Menshevik ni Kerensky, umusbong din ang kilusang Bolshevik ni Lenin at sa sumunod na tinaguriang “sampung araw na pagyanig sa mundo,” inaresto ni Lenin ang buong gabinete ni Kerensky at iprinoklama: “All power to the Soviets (Lahat ng kapangyarihan sa mga Sobyet)!”

At doon sumilang ang kauna-unahang sosyalistang pamahalaan sa kasaysayan, ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR o Unyong Sobyet).

Samantala sa China, ang tunguhin ng kontra-piyudal na pagtatatag ni Dr. Sun Yat Sen ng Republic of China (RoC) ay ang demokrasyang burgis na dala ng Estados Unidos sa ilalim ng doktrina ng malayang kalakalan, na ano pa ba kundi kapitalismo. Sa Pangalawang Digmaang Sino-Hapones noong 1937, ang Partido Nasyonalista ni Dr. Sun na kilala sa taguring Kumintang ang pangunahing nanguna sa pagdadala ng laban. Bagama’t nang mga panahong iyun ay naitatag na ang Communist Party of China (CPC), ang Kumintang pa rin ang kinilala ng Unyong Sobyet bilang maykapangyarihan sa China. Inatasan na lamang nito ang CPC na pumaloob na lamang sa Kumintang. Si Mao Zedong at mga 20 pang kasamahan na noon ay bumubuo sa CPC ay napilitang sumunod. Kaya sa buong panahon ng pananalakay ng Hapones, magkasama ang Kumintang at ang CPC sa pagtatanggol sa China. Nabiyak ang dalawa sa pagsabog ng digmaang sibil Chino sa pagwakas ng Ikalawang Digmaang Pabdaigdig noong 1945, na humantong sa pananagumpay ng CPC at pag-atras ng Kumintang sa Taiwan, upang mula noon ay makilalang suwail na lalawigan ng China.

Tunay nga, ipinakikita ng kasaysayan na sa sandaling ang isang sistema ng lipunan ay naitatag na sa isang panig ng mundo, ang iba pang bahagi ng mundo ay pumapaloob na lamang dito. Mula sa tagumpay ng China sa digmaang sibil noong 1949, kahanga-hangang kaunlaran sa kabuhayan ang naabot na nito upang ang sosyalismong ibinahagi sa kanya ng Unyong Sobyet ay magkaroon na ng natatanging tatak: “sosyalismo na may katangiang Chino”. Ito ang namumukod na kaanyuan ng Belt and Road Initiative (BRI) ni Chinese President Xi Jinping na ayon sa mga kongkretong datos ay nagbunga na ng kaunlaran sa hindi kukulangin sa dalawang ikatlong (2/3) bahagi na ng mundo, na kinabibilangan ng mga dahop na bansa sa Asya,
Gitnang Silangan, Europa at Africa. Bakit ang ganitong kaunlaran ay hindi rin maibahagi ng China sa Pilipinas?

- Advertisement -

Sa 9th Manila Forum na ginanap sa New Era University noong Agosto 22, 2023, ipinagdiinan ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na walang kapalit ang dayalogo sa paglutas sa away ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea. Subalit bakit sa halip na sa dayologo magpursige, ang mga namumunong elemento ng Pilipinas, tulad ni PCG spokesperson Jay Tarriela, Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro, at mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay puro hamon sa China ang namumutawi sa bibig sa tuwing may maliit na away sa pagitan ng PCG at CCG.

Sabi nga ni Singapore Premier Lee Hsien Loong, “Sigurado ba kayong gusto ninyong giyerahin ang China na Pilipinas ang lupa ng sagupaan?”

Si Senador Bato De La Rosa naman ay nagpahayag na ng di na pakikihamok sa China at iasa na lamang ang kaligtasan ng Pilipinas sa habag ng Poong Maykapal.

Sa ganang kolum na ito, idinudulog sa China ang ultimong solusyon sa problema sa pagkain ng mga Pilipino. Tulungan silang makahulagpos sa pananakal ng kapitalismo sa pamamagitan ng pagpapaloob sa kanila, kahit man lang sa batayang usapin ng pagkain, sa sosyalismo: pagkaing sosyal, produksyong sosyal.

Paano ito isasagawa?

Tukuyin ang pinakapangunahing halimbawa: bigas.

- Advertisement -

Sa kaayusang Komun, ang bigas ay tiyak na naipamamahagi kada umaga pa lang sa bawat isa sa 100 pamilyang kasapi ng Komun. Saan nanggaling ang palay na giniling para maging ang bigas na ipinamahagi sa kanila? Sa ani ng kanilang itinanim. Sa kaayusang Komun, ang pagtatanim at pangangalaga ng palay hanggang sa anihin ay sama-samang tungkulin ng pinagsanib na mga representante mula sa bawat pamilyang kasapi ng Komun. Kaya makatarungan lamang na ang mga pamilyang kasapi ng Komun ang siya ring kumain ng inaning pagkain.

Ngayon, kung ano ang sistema ng produksyon at konsumpsyon sa usapin ng palay, ganun din sa iba pang usapin tulad ng sa karne, gulay, isda at iba pa.

Kaya sa mga paglalahad na ito, makikitang posible ang isang kaayusan na ang sambayanang Pilipino ay saganang kakain tatlong beses isang araw na hindi kailangang bilhin ang kakainin.

Sa huling pagtutuos, kung ang pamahalaang Bongbong Marcos ay sinsero na lutasin ang problema sa pagkain ng sambayanan, napakagaan nitong gawin ito. Dahil hindi ginagawa, pinatutunayan lamang nito ang sarili na moog nga ng kapitalismo na ultimong sikmura ng sambayanan ay ginagawang gatasan ng limpak-limpak na yaman.

Sa ganitong kalagayan, pagtitiisan ng mga pasimuno ng Komun na harapin ang mahirap ngunit kinakailangang daan tungo sa pagtatatag ng Komun, ang sosyalismo na may Pilipinong katangian.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -