GUMAWA ng follow-up na istorya kay Morrie ang show na “Nightline” dahil mataas ang ratings ng unang show nito.
Ngayon, nang pumasok na ang mga cameramen at prodyuser sa pinto, para na silang mga miyembro ng pamilya. At ang host na si Ted Koppel mismo ay halatang mas mainit ang pagtanggap kay Morrie. Walang ng proseso ng pagkakapaan, wala ng interbyu bago pa ang interbyu.
Bilang isang warm-up, nagkuwentuhan sina Koppel at Morrie tungkol sa kanilang mga kabataan. Nagkuwento si Koppel nang kanyang paglaki sa England, at si Morrie nama’y sa kanyang paglaki sa Bronx.
Nakasuot si Morrie ng isang bughaw na shirt na mahaba ang manggas — lagi na lang siyang halos giniginaw, kahit na ninety degrees na sa labas. Pero tinanggal ni Koppel ang kanyang jacket at nag-interbyu sa kanyang shirt at kurbata. Para bang unti-unti siyang pini-piraso ni Morrie, isang bahagi bawat tapyas.
“Okay ka ngayon,” sabi ni Koppel nang magsimulang rumolyo ang tape.
“’Yan din ang sabi ng lahat sa akin,” sagot ni Morrie.
“Okay din ang dating ng boses mo,” sabi ni Koppel.
“’Yan din ang sabi ng lahat sa akin.”
“So paano mo nalalaman na pababa na ang lahat?”
Napabuntong-hininga si Morrie. “Walang ibang makakaalam nito maliban sa akin, Ted. Pero alam ko.”
At habang nagsasalita siya, nabahala na ito. Hindi na niya iwinawagayway ang kanyang mga kamay habang nagsasalita siya na tulad ng una silang nag-usap. Nahihirapan din siyang sabihin ang ilang mga salita — ang ilang mga tunog y parang naiipit sa kanyang lalamunan. Ilang buwan pa, baka hindi na siya makapagsalita pa.
“Ganito ang pagdaloy ng aking mga emosyon,” sabi ni Morrie kay Koppel. “Kapag may mga tao at mga kaibigang dumadalaw sa akin, magaan ang pakiramdam ko. Pinasasaya ako ng mga mapagmahal na mga taong may relasyon ako.”
“Pero may mga araw na malungkot ako. Huwag mong hayaang lokohin kita. May nakikita akong mga bagay na nangyayari at napupuno ako ng takot. Ano na lang ang aking gagawin kapag hindi ko na maigalaw ang aking mga kamay? Ano na lang ang mangyayari kapag hindi na ako makapagsalita? Hindi naman ako masyadong nag-aalala sa paglunok ng pagkain—puwede nila akong pakainin sa pamamagitan ng isang tubo, eh ano ngayon? Pero ang aking boses? Ang aking mga kamay? Mahalaga silang bahagi para sa akin. Nagsasalita ako sa pamamagitan ng aking boses. Gumagalaw ako sa pamamagitan ng aking mga kamay. Ito ang paraan ko ng pagbibigay sa mga tao.”
“Paano ka magbibigay kung hindi ka na makapagsasalita?”
Nagkibit-balikat na lamang si Morrie. “Siguro’y sasabihin ko sa mga taong tanungin na lang ako ng mga tanong na puwedeng sagutin ng oo o hindi.”
Napakasimple ng sagot na ito kaya’t napangiti si Koppel. Tinanong niya si Morrie tungkol sa katahimikan. Sinabi niya ang pangalan ng isang matalik na kaibigan ni Morrie, si Maurie Stein, na siyang unang nagpadala ng mga kasabihan ni Morrie sa Boston Globe.
Magkasama na sila sa Brandeis University sa mga unang taon pa lang ng 1960s. Ngayo’y nabibingi na si Stein. Na-imagine ni Koppel ang dalawang lalaking ito na magkasama isang araw: ang isa’y hindi makapagsalita, ang isa nama’y hindi makarinig. Paano na lang kaya iyon?
“Maghahawakan na lang kami ng kamay,” sabi ni Morrie. “At may maraming pagmamahal na daraan sa pagitan namin. Ted, tatlumpu’t limang taon na kaming magkaibigan. Hindi mo kailangang magsalita o makinig para maramdaman ito.”
Bago natapos ang taping para sa show, binasa ni Morrie kay Koppel ang isa sa mga sulat na kanyang natanggap. Simula nang unang “Nightline” program, marami nang mga sulat na dumating. Ang isang sulat ay galing sa isang titser sa Pennsylvania na nagtuturo ng isang special class na may siyam na mga bata; bawat isa sa mga ito’y namatayan na ng isang magulang.
“Ito ang isinagot ko sa kanya,” sabi ni Morrie kay Koppel, habang inaayos ang kanyang salamin sa ibabaw ng kanyang ilong at sa kanyang mga tenga. “Mahal na Barbara . . . Tinamaan ako ng iyong sulat. Nararamdaman kong ang ginagawa mo para sa mga batang nawalan ng mga magulang ay napakahalaga. Namatay rin ang isa kong magulang nang ako’y bata pa…”
Bigla na lamang, habang umaandar pa ang kamera, inayos uli ni Morrie ang kanyang salamin. Tumigil siya, kinagat ang labi, at nahirapan nang magsalita. Nalaglag ang mga luha sa kanyang ilong. “Namatay ang nanay ko nang ako’y bata pa… at isa itong malaking dagok sa akin… Gusto ko sanang may isang grupo tulad ng sa iyo kung saan puwede kong ilabas ang lahat ng aking mga kalungkutan. Kung mayroong ganyang grupo noo’y sasama ako dahil…”
Nagkalamat na ang kanyang boses.
“…dahil sa sobrang kalungkutan…’”
“Morrie,” sabi ni Koppel, “pitumpung taon na ang nakararaan nang mamatay ang iyong nanay. Masakit pa rin ba?”
“Oo,” bulong ni Morrie.
Ang kopya ng nobelang Tuesdays with Morrie ay mabibili sa mga branches ng National Bookstore. Mabibili rin dito ang Happy Na, Gay Pa, libro ni Danton Remoto.