SA mismong buwan ng pagsilang ni Hesus, ang Santo Niñong minumutya ng maraming Pilipino, may dalawang masamang balita para sa kabataang Pinoy.
Una, napag-iwanan na naman ang mga mag-aaral natin sa pandaigdigang eksamen ng kaalaman at kakayahan sa matematika at agham. Sa report ng Program for International Student Assessment (PISA), tinatayang atrasado ang mga estudyanteng Pilipino nang “lima hanggang anim na taon” sa average o karaniwang antas sa mundo.
Katulad ito ng mga resulta sa mga taong nagdaan hindi lamang sa PISA kundi sa iba pang pandaigdigang pagsusuri ng mga mag-aaral, gaya ng Trends in International Mathematics and Science (TIMSS). At bukod sa kahinaan ng Pilipino, lumabas din sa PISA ang malaking kalamangan ng babae sa lalaking mag-aaral.
Kabaligtaran ng buong mundo, 14 puntos ang agwat ng babae sa lalaking estudyante sa Pilipinas. Hindi ito nalalayo sa 20 puntos na katumbas ng isang taong pagkaatrasado sa pag-aaral, ayon sa PISA. Samantala, 9 puntos ang karaniwang lamang ng lalaki sa babae sa mundo.
Bawas ulan, dagdag gastos
Ano naman ang isa pang masamang balita para sa kabataan? El Niño. Ayon kay Kalihim Renato Solidum Jr. ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (Department of Science and Technology o DoST), 65 lalawigan o higit ang makararanas ng lubhang kakulangan ng ulan dahil sa El Niño hanggang katapusan ng Mayo 2024. Mga 21 hanggang 60 porsiyento ang tinatayang bawas sa ulan kumpara sa karaniwan.
Dahil dito, magkakaroon ng tagtuyot, pinsala sa pananim at alagang hayop, at kakulangan ng tubig sa mga bahay at patubig sa sakahan. Sa katunayan, maaaring umabot ng 80 porsiyento ang bawas sa ulan sa ilang lugar. Subalit ang pinakamabigat na tama sa Pilipino ang ipinangangambang sipa ng gastos ng pagkain dala ng pagbaba ng ani, lalo na ng palay at iba pang pananim. At di- malayong tumaas din ang presyo ng importasyon kung maapektuhan din ng El Niño ang ibang bansa.
Iyon ang nangyari sa India, ang nangunguna sa export ng bigas sa buong mundo. Noong Hulyo ipinagbawal nito halos lahat ng pagluluwas ng bigas. Tuloy, umakyat ang singil sa bigas hindi lamang sa ibayong dagat, kundi sa Pilipinas din, hanggang P60 kada kilo.
Bansot at bobo
Ngayon, ito ang mabigat na tama ng El Niño sa kabataan: dahil sa pagmahal ng bigas at iba pang pagkain tuwing tagtuyot, nagkukulang sa pagkain ang maralitang mga bata at maging ang hindi pa naipapanganak.
Kung magkulang ang sustansiya o nutrisyon sa unang sanlibong araw ng buhay mula paglilihi hanggang dalawang taon, nababansot ang katawan at utak ng sanggol. At dala ng pagkabansot, marami ang namamatay o lubhang humihina ang katawan, kalusugan — at isipan.
Nakamamatay at nakabobobo ang kakulangan ng pagkain. At kung mabansot ang utak, malamang mahirapan ang bata sa pag-aaral. At lalong malubha: mababawasan din ang kakayahan niyang kumita sa hinaharap.
Sa madaling salita, sa pagkabansot, humihina ang milyun-milyong Pilipino sa pag-aaral at hanapbuhay — sa buong buhay nila. Araw-araw tinatayang 95 batang Pilipino ang namamatay dahil sa malnutrisyon, at 27 sa bawat sanlibong kabataan ang patay bagong maglimang taong gulang.
Sa mga dekadang nagdaan, tinatayang 30 porsiyento — halos isa sa bawat tatlongbata — ang nababansot dala ng malnutrisyon o kakulangan ng sustansiya habang nasasinapupunan o sa unang dalawang taon pagkasilang. At 8 porsiyento ang “wasted” o lubhang nangangayayat.
At maging sa kasalukuyan, 26.7 porsiyento pa rin ang bansot bago mag-limang taon, ayon sa ulat noong Setyembre ni Kalihim Teodoro Herbosa ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health o DoH).
Isang malaking dahilan ang malnutrisyon sa kababaihan: 23 porsiyento ng mga buntis at 10 porsiyento ng mga babaeng maaaring magkaanak.
Kung kulang sa sustansiya ang ina, gayon din ang sanggol sa sinapupunan.
Kilos, bayan!
May mga programa ang pamahalaan upang bawasan ang malnutrisyon, subalit sa loob ng halos tatlong dekada, walang gaanong pag-angat ng kalagayan ng mga batang maralita. Kaya naman sa Asya-Pasipiko, panlima ang Pilipinas sa pinakamalubhang malnutrisyon, at pansampo sa buong mundo, ayon sa ulat ng World Bank noong 2021.
Sa mga rehiyon ng bansa, pinakamatindi ang malnutrisyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (45 porsiyento), Mimaropa (41), Bicol. Kanlurang Bisaya at Soksargen (lahat 40 porsiyento). Halos dalawa sa bawat limang sanggol na anim hanggang 11 buwan ang kulang sa nutrisyon, at isa sa bawat apat na batang 12 hanggang 23 buwan ang edad.
Dala ng malnutrisyon, kalahati lamang ng pagyabong ng isip at katawan ang nagagawa ng Pilipinas kumpara sa dapat maabot ng kabataan natin. Kaya hindi kata-takang kulelat ang marami nating eskuwela sa PISA, TIMSS at iba pang pandaigdigang test.
Sa estima ng World Bank, magbubunga ng $44 ang bawat dolyar na gugugulin sa nutrisyon ng mga batang salat sa sustansiya. Samantala, sa ilang isinagawang programa, $12 pa rin ang ambag sa kaunlaran ng bawat $1 na ginastos (https://tinyurl.com/4j545pe6).
Kung kikilos lamang ang buong bayan laban sa malnutrisyon, lalo na ang mga bilyonyaryo at higanteng negosyo, napakalaki ang iaangat hindi lamang ng maralita, kundi ng ating bansa.