29.6 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Pangangalap ng datos para sa mas epektibong disaster response

- Advertisement -
- Advertisement -

ITINATAGUYOD ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na mangalap ng mga datos sa mga pamayanan sa buong probinsya at gamitin ito para sa mas sistematikong paghahanda, epektibong pagresponde at pagbibigay ng tulong sa panahon ng kalamidad at mga sakuna.

Sinabi ni Junie Feliciano, OIC Research and Planning Division Chief, isa sa mga dibisyon sa ilalim ng PDRRMO, ang mga datos na kanilang makukuha ay ilalagay sa Quantum Geographic Information System (QGIS).

Ang QGIS ay isang open source technology para sa mapping at assessment ng isang lugar. Ginagamit ito ng mga lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pagtugon sa climate change at pag-iwas sa malubhang impact ng mga kalamidad. Sa kanyang paliwanag ay ibinigay na halimbawa ni Feliciano ang kanilang pilot tested area, ang Sitio Aroma sa Brgy. Tayamaan, bayan ng Mamburao.

Ayon kay Feliciano, ang populasyon o bilang ng tao sa naturang sityo ay maaaring maging basehan ng dami ng foodpacks na kailangang ihanda o dalhin sakaling magkaroon ng paglikas dito dulot ng masamang panahon at dahil kinakalap din aniya ang mga impormasyon hinggil sa mga tulay at iba pang imprastraktura, gayundin ang mga anyong tubig, nabibigyan ng ideya ang kanilang tanggapan kung aapaw ba ang isang ilog o kung saang mga lugar posibleng bumaha. “May pagbabatayan ang PDRRMO, kung paano aaksyon sa anumang hazard na tumama sa probinsya,” ayon pa kay Feliciano.

Sinang-ayunan naman ni Mario Mulingbayan, opisyal ng PDRRMO, ang mga pahayag ni Feliciano. Aniya, nakita ng kanilang tanggapan ang malaking tulong ng QGIS sa mga gawaing may kaugnayan sa disaster risk reduction management at sa iba pang programa o proyekto na nais ibaba sa partikular na pamayanan. “Locally, kaya na nating mag-generate ng sariling mapa, at dahil sa QGIS, tukoy na ng PDRRMO kung gaano ka-vulnerable sa mga sakuna, partikular sa pagbaha, ang isang lugar,” saad ni Mulingbayan,

Dagdag pa ng opisyal, may mga mapa namang makukuha ang probinsya mula sa ibang ahensya subalit kadalasan, hindi updated ang mga ito. Isa rin aniya ito sa dahilan kung bakit kailangan nilang magsagawa ng malawakang pangangalap ng datos sa buong lalawigan. “Kagandahan ng sarili nating mapa, tumutugma ito sa sitwasyon at pangangailangan ng lokalidad,” ani Mulingbayan. (VND/PIA MIMAROPA)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -